MANINIWALA ka ba na minsang napabilang ang Unibersidad ng Santo Tomas sa listahan ng mga pamantasang mayroong pinakamababang pagtaas ng matrikula sa buong bansa?
Ayon sa survey na ginawa ng Manila Chronicle mula 1965-1972, halos kaunti lamang ang diprensya ng pagtaas ng matrikula sa UST na 23.8 porsyento kumpara sa matrikula ng Unibersidad ng Pilipinas, na tumaas ng 27.3 porsyento.
Naging basehan ng paghahambing ang matrikula at iba pang miscellaneous fees para sa 15-18 unit load kada semestre para sa degree ng Bachelor of Arts.
Anim na unibersidad ang pinili sa sarbey: ang Ateneo de Manila University at De La Salle University para sa kategoryang private sectarian “quality” schools; ang University of the East at Far Eastern University para sa private non-sectarian “middle class” schools; UST para sa private sectarian “middle class” school at Unibersidad ng Pilipinas para sa state-supported schools.
Kasabay ng pagsusuri na isinagawa ng halos pitong taon, iniulat ng Central Bank na tumaas ng 64.8 porsyento ang consumer price index (CPI) sa parehong panahon. Ginagamit ang CPI upang sukatin ang baitang ng inflation sa bansa. Sinusukat nito ang pagbabago ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan. Tumaas din naman sa 46.7 na porsyento ang wage increase average, base pa rin sa ulat ng Central Bank.
Tanging UST at UP lamang ang mga unibersidad na mayroong pagtaas ng matrikulang mas mababa pa sa CPI at wage increase average.
Pinakamataas ang naitalang pagtaas ang DLSU na 117.8 porsyento. Samantalang ang 106.5 porsyento naman ang sa Ateneo.
Nagtala ang UE ng 53.7 porsyentong pagtaas, habang nagtaas ng 87.5 porsyento ang FEU. Emili Therese A. Malacapo
Tomasalitaan:
Tayangtang (pang-uri)- sobrang tuyo
Halimbawa: Hindi ako masyadong nasarapan sa ulam dahil tayangtang ito.
Sanggunian: The Varsitarian, Hulyo 14, 1972, Vol. 44 Blg.1
Emili Therese A. Malacapo