SA EDAD na 42, malaking kontribusyon na ang naibigay ng Tomasinong si Leonardo Riingen sa pagsulong ng information technology (IT) sa bansa. Siya ang utak sa likod ng Informatics Computer Institute, isa sa pinakamalaking eskuwelahan ng IT sa Pilipinas.

Labingtatlong taon na ang nakaraan ng itinayo ni Riingen, kasalukuyang pangulo at chief executive officer ng Informatics-Philippines, ang unang kampus nito sa SM Megamall, sa kabila ng maraming kritisismo.

“Mali raw ang paglagay ng paaralan sa isang mall ngunit naniniwala akong kung gusto nating magturo ng kompiyuter, dapat gawin nating madali ang pagkuha ng mga kurso rito,” ani Riingen sa isang panayam sa Varsitarian.

Nagtagumpay si Riingen at ngayon, higit sa 50 na ang paaralan ng Informatics sa Pilipinas. Nasa 250,000 na rin ang bilang ng mga nakapagtapos dito.

“Pinangarap kong turuan ang mga Pilipino sa panahong napakaliit lamang ang porsiyento ng mga marunong sa kompiyuter,” ani Riingen. Sa ngayon nais niyang mas palawakin pa ang informatics sa bansa.

Kaiba sa ibang computer schools, nag-aalok ang Informatics ng mga kurso gaya ng International Advanced Diploma in Gaming and Animation Technology, Basic Digital Photography, at Video Production with Movie Maker. Hindi tulad ng ibang mga paaralang IT na nag-aalok ng mga kurso sa nursing, nakatutok lamang ang Informatics sa pagtuturo ng IT.

Maliban sa Informatics, si Riingen din ang nagdala sa Pilipinas ng Computer Assisted Learning (CAL) Centre, isang programa sa IT sa elementarya at high school. Si Riingen ang kasalukuyang master franchise holder ng CAL na magdadala ng CAL sa ibang bansa. Ginagamit ngayon ang CAL sa halos 150 eskwelahan sa Pilipinas. Plano ni Riingen na dalhin din ang CAL kurikulum sa UST High School kung saan siya nagtapos noong 1980. Naipakilala na rin ang CAL sa mga pampublikong paaralan sa pamamagitan ng programang “Adopt-A-School” ng Informatics at Kagawaran ng Edukasyon.

READ
Taking a leaf of fate

Sa ilalim ng pamamahala ni Riingen, nakamit ng Informatics ang Outstanding Computer School Award sa 12th Asia-Pacific Excellence Awards noong 2005, at Outstanding IT School Award sa 19th National Consumer’s Excellence Awards noong 2004.

Ngayong taon, nahalal naman si Riingen bilang Ernst & Young Entrepreneur of the Year at pinarangalan ng UST bilang Outstanding Thomasian Alumnus para sa Agham at Teknolohiya.

Nasa dugo

Umusbong ang interes ni Riingen sa IT at nahubog ang kanyang kakayahan sa pagnenegosyo dahil sa impluwensiya ng kanyang mga magulang. Electronics technician ang ama niya, habang negosyante naman ang kanyang ina.

“Kahit na maybahay lang ang nanay ko, sa kanya ko natutunan ang pagnenegosyo dahil nagkaroon siya ng iba’t ibang maliliit na negosyo noon,” ani Riingen.

Nagtapos si Riingen sa UST Pay High School (USTHS) noong 1980. Dito niya nakuha ang hilig sa potograpiya bilang miyembro ng Photographers Society. Siya ang kasalukuyang direktor ng Camera Club of the Philippines.

Nang magtapos sa USTHS si Riingen, nag-aral siya sa Unibersidad ng Pilipinas kung saan kinuha niya ang Economics. Natapos niya ang kurso noong 1984, cum laude.

Sa paghahanap niya ng trabaho, nalaman ni Riingen na masyadong malawak ang sakop ng Economics. Dahil lumaki ang pangangailangan sa mga computer programmers noon, naisip niya na kumuha ng mga kurso sa National Computer Institute (NCI) sa Camp Aguinaldo.

Nang matapos ni Riingen ang mga kurso niya sa NCI, nagtrabaho siya bilang pinuno ng isang bangko bago siya lumipat sa Procter & Gamble kung saan nabuo ang kaniyang hangaring magtayo ng sariling negosyo sa larangan ng IT.

READ
When opposites attack

“Nagdesisyon ako na panahon na para mangasiwa ako ng sarili kong negosyo. Sa halip na para sa ibang kumpanya, gusto kong gumawa ng sarili ko.”

Nagkataon naman na naghahanap ang Informatics, isang sikat na eskuwelahan ng IT sa Singapore, ng katuwang sa Pilipinas. At dahil sa kanyang karanasan at karunungan sa pananalapi at kompiyuter, kinuha ni Riingen ang oportunidad at doon na nag-umpisa ang Informatics sa bansa.

Sa mga kapwa Tomasino

Naniniwala si Riingen na kailangang gamitin ang paaralan bilang daan para linangin hindi lamang ang kanilang utak kundi ang kanilang buong pagkatao.

“Huwag kayong mag-aksaya ng oras sa paggawa ng ibang bagay, pagbutihin ninyo ang inyong pag-aaral. Magpakabuti kayo sa inyong guro, magsikap kayo at aralin ninyo lahat ng kaya niyong aralin habang kaya ninyo,” ani Riingen.

Plano ni Riingen na palawakin pa lalo ang Informatics hindi lamang sa Pilipinas kundi pati na rin sa ibang bansa. Nais niyang magdala ng mahusay na serbisyo sa ka pwa niya Tomasino.

“Ang pilosopiya ko sa buhay ay gawin lahat sa abot ng aking makakaya. Kapag nagsikap ka sa trabaho, susunod ang tagumpay,” aniya.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.