KINILALA ang isang mananaliksik ng Research Center for Natural Sciences (RCNS) bilang isa sa mga magagaling na baguhang siyentipiko sa buong bansa noong Hulyo 13 hanggang 14 sa ika-27 Annual Scientific Meeting sa Manila Hotel.

Napili si Dr. John Donnie Ramos, associate professor sa Department of Biological Sciences ng College of Science, bilang Outstanding Young Scientist ng National Academy of Science and Technology (NAST) dahil sa kanyang masusing pag-aaral at pananaliksik sa larangan ng molecular biology.

Nanalo si Ramos dahil sa kanyang saliksik na “Isolation and Characterization of House Dust Mites Allergen with Potential Diagnostic and Therapeutic Value.”

Tumanggap din ang saliksik ng parangal noong 1996 sa ikalawang Graduate Students Society of the Faculty of Medicine Scientific Conference na ginanap sa Singapore.

Sa larangan ng molecular cloning, si Ramos din ang kauna-unahang nakaalam ng buong DNA sequence ng Blo t 11 allergen gene galing sa Blomia tropicalis, isang house dust mite na laganap sa maiinit na lugar kabilang na ang Pilipinas.

“Sa pagkapanalo ko, lalong tumaas ang mga inaasahan sa akin,” ayon kay Ramos. “At dahil dito, mas natatak sa akin na pagbutihin pa ang mga pag-aaral ko sa molecular biology.”

Nailathala na ang mga gawa ni Ramos sa scientific papers at international journals tulad ng Clinical and Experimental Allergy at International Archives of Allergy and Immunology.

Nagtapos si Ramos noong Enero 2004 ng Doctor of Philosophy (Molecular Biology/Immunology) sa National University of Singapore (NUS) at naging research scholar din sa Faculty of Medicine ng NUS.

Naging finalist din siya sa ikalimang Young Inventors Award ng Asian Wall Street Journal at Hewlett Packard noong 2004.

READ
His own life

Nagwagi din si Ramos sa 2004 NAST-Dupont Talent Search for Young Scientist Award, at tumanggap ng unang gantimpala noong ikalawang Annual Graduate Student Society sa NUS. Tumanggap din si Ramos ng dalawang International Publication Award at tatlong Silver Series Research Award noong 1996, 1998, at 2005 mula sa UST.

Isang taunang parangal ang Outstanding Young Scientist Award para sa mga kahanga-hangang siyentipikong may edad 40 pababa, na tumulong sa pag-unlad ng biology, physics, chemistry, math, at information technology sa bansa. Joanarc T. Villaflor at Jianne dL. Yamzon

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.