KILALA ito sa tawag na szopka sa Poland, presepio sa Italya, julkrubba sa Scandinavia, vertep sa Russia, pero dito sa Pilipinas at sa España mas kilala ito sa tawag na El Belen o Belen na nanggaling sa salitang Bethlehem, ang lugar kung saan ipinanganak ang Panginoong Hesu Kristo.
Nagmula pa sa Italya, ang Belen ay isang Kristiyanong tradisyon na pinasikat ni San Francisco ng Assisi sa Europa bago ito tuluyang nakaabot sa Pilipinas buhat ng impluwensiya ng mga Espanyol na sumakop sa ating bansa.
Ginawa ito ni San Francisco upang ipaalala sa mga tao na ang tunay na diwa ng Pasko ay ang pagsilang kay Kristo gamit ang isang dayorama o pagsasabuhay ng pinaka-unang Pasko.
Ngunit dito sa Pilipinas, bukod sa relihiyosong halaga nito, ang nasabing tradisyon ay sumisimbolo din sa matatag na relasyon ng pamilyang Pilipino sa kasalukuyan. Katulad ng mga iba’t ibang malikhaing bersyon ng Belen na ipinakita sa isang pagtatanghal sa UST Museum, ang pamilyang Pilipino ay nahaharap din sa isang suliranin dala ng modernisasyon at globalisasyon.
Kabilang sa nasabing koleksyon ang isang nakakaantig na dayorama, kung saan ang tipikal na Belen ay ipinuwesto sa loob ng isang squatters’ area ng isang siyudad, imbes sa tradisyunal na sabsaban.
Ang nasabing pagbigay ng makabagong konteksto sa Belen ang sumasalamin sa kasalukuyang estado ng isang pamilya sa Pilipinas na napapalibutan ng mga masasalimuot na mga isyu katulad ng paghihiwalay ng mag-asawa, droga, bumababang kalidad ng moralidad at kahirapan.
Una, ang mga simpleng pastol katabi ng isang poso ng nasabing dayorama ang kumakatawan sa mga kapos palad na mga mamayan natin na kahit ginagahol na sa pera dahil sa pandaigdigang krisis sa ekonomiya ay nagdiriwang pa rin ng Pasko.
Sa isang artikolo na lumabas sa Philippine Daily Inquirer tungkol sa kung ano ang mga bagay na nakapagbibigay ng ligaya sa mga Pilipino, nanguna ang pamilya sa nasabing listahan kaysa sa mga materyal na bagay. Ito marahil ang dahilan kung bakit kahit na marami na sa ating mga kababayan ang nakararanas ng hirap lalo na ngayong Pasko, patuloy pa rin ang kanilang pagkakaroon ng magandang disposisyon sa buhay.
Ang tatlong hari naman na nakapalibot sa isang baro-barong ay maihahalintulad sa mga kamag-anak nating OFW na nagtatrabaho sa ibang bansa na pilit na umuuwi sa Pilipinas upang ipagdiwang ang nasabing okasyon kasama ng kanilang mga mahal sa buhay.
Bagama’t sa ngayon, dahil sa hirap ng buhay ay hindi na nagagawang makabalik sa Pilipinas dahil sa mahal ng pamasahe, hindi sila tumitigil sa pagpapadala ng tulong sa kanilang mga mahal sa buhay.
Patunay nito ang kalalabas na datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas na nagpapakita na kahit dumaranas ng paghihirap ang ekonomiya ng karamihan ng mga bansa, patuloy pa rin ang pagtaas ng halaga ng kanilang mga pinapadalang pera para sa kanilang mga kamag-anak dito sa bansa.
Samantala, ang Holy Family, na sina Jose, Maria, at ng sanggol na si Jesus na nakahimlay sa isang kariton, ang kumakatawan sa kasalukuyang estado ng pamilyang Pilipino na nahaharap sa kahirapan.
Ang nasabing tagpo ang sumasalamin sa debate kung kinakailangan ba ng isang mag-asawa na ipagpaliban ang kanilang pagkakaroon ng pamilya bungsod ng kanilang kahirapan.
Ngunit sa mensahe binigay ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa ika-4 na World Congress of Families noong 2003, kung saan inilarawan niya ang mga anak bilang biyaya sa isang pamilya na dapat pangalagaan ng mga magulang, malinaw dapat ang paninindigan ng gobyerno.
Katulad ng ipinapakita ng makabagong depiksyon ng Belen, mananantili pa rin ang tunay na diwa at kahalagahan ng Pasko at ng pamilya sa kulturang Pilipino.