Kumusta?
May panahong babalik ka muli sa inunang hilahil,
sa karimlan ng kahapon, kung saan pilit mong limutin, magpigil
ang mga alaalang minsan mong iningatan
at nararamdamang hindi napanindigan
Maaari kang manatili riyan sa iisang lugar sa kalawakan
Na nakabisado na ng buwan kung saan
Nagkukumpuni ka ng mga nasira mong bahagi.
Ngunit huwag mong hayaang kainin ka ng iyong anino, ang iyong haligi
Isa lamang siyang ideya.
Wala siyang pangalan, o maski mukha, siya’y malaya
Maaari siyang lumisan nang walang paalam
Maaari rin siyang bumalik sa ibang katawan na kaniyang hiniram
Hugutin ang sinulid sa pusong humahalinghing
Ngunit baka matagalan pa itong gumaling.
Pabayaan mo itong mamukadkad
na tila bulaklak sa sementong nabiyak na nakatambad
Ngunit kung sakaling mayroong kumatok
na simbilis ng iyong dating pagtibok,
pagbubuksan mo ba
ang isang nangungumusta?