KILALA ang Unibersidad ng Santo Tomas bilang tagapagtaguyod ng maraming sinaunang institusyon sa larangan ng edukasyon at komunikasyon. Isa sa mga ito ay ang paglunsad nito ng sarili nitong istasyon ng radyo,ang DZST na binansagang “The Voice of the Catholic Philippines (Ang Boses ng Katolikong Pilipinas),” ang pinaka unang Katolikong istasyon ng radyo sa Pilipinas.

Itinatag noong Setyembre 17, 1950 sa pangunguna ni P. Angel de Blas, O.P., ang rektor noong panahong iyon, matapos makipagkasundo sa Manila Broadcasting Company na ipaupa ang transmitter nito ng tatlong taon bago tuluyan itong mapasakamay ng Unibersidad.

Ang DZST ay naglalayong maipalaganap ang mensahe ng Kristyanismo at edukasyon sa mga Tomasino sa pamamagitan pagsasahimpapawid nito sa radyo. Bagkus dahil mula ito sa sariling inisiyatibo ng Unibersidad, wala itong nilalamang mga komersyal.

Isa mga programa nito ay ang University on the Air, kung saan ang mga panauhing estudyante ay makakapagbigay ng kanilang mga opinyon tungkol sa mga paksang kung saan sila dalubhasa. Kabilang din sa mga programa nito ay ang University Town Hall on the Air, kung saan makakapagdebate ang mga kumakatawan sa mga organisasyon sa loob ng Unibersidad tungkol sa iba’t ibang isyu, ang Road to Damascus, Bridge to Dreamland, the Newscast, at ang Sacred Heart Program. Ngunit ang pinakatinatangkilik ng mga tagapakinig ng nasabing istasyon ay ang mga programa nitong pangmusika.

Ayon kay P. Fidel Villaroel, O.P. ang katulong na archivist ng UST, matatagpuan noon ang istasyon ng DZST sa ika-apat na palapag ng UST Main building, habang ang mga transmitters nito ay nakabase sa Polo, Bulacan. Nagsisimula ang oras ng pagsasahimpapawid nito ng ika-anim ng umaga at umaabot ito ng ika-sampu ng gabi, gamit ang 860 kilo cycle na frequency. Pinangangasiwaan ni P. Antonio Piñon, O.P., dating dekano ng mataas na paaralan ng Letran, ang pagpapatagpo sa buong istasyon, habang si Narciso Pimentel, Jr., isang abogado at beteranong mamahayag sa radyo ang namamahala naman sa mga estudyanteng nitong mamamahayag.

READ
Tuition soars by 5 percent

Ngunit ang impluwensya ng DZST ay hindi lamang limitado sa Pilipinas. Ayon kay Villaroel, dinadayo pa ang nasabing istasyon ng mga panauhing pari at madre na nangaling pa sa iba’t ibang bahagi ng Asya upang magpahayahag ng kanilang kuro-kuro at makakuha ng ideya kung papaano maipalakalap ang mensahe ng Kristiyanismo sa kanilang mga bansa gamit ang radyo.

Sa labing tatlong taon ng pananatili nito sa himpapawid, matagumpay na nagampanan ng istasyon ang misyon nito, na naging dahilan upang mas paunlarin nito ang serbisyo sa mga Tomasino sa pamamagitan ng pagbili ng mga karadagang kagamitan at pagbuo nito ng mga bagong programa. Kabilang sa mga pagbabagong ito ay ang pagtaas ng kapabilidad ng kagamitan ng istasyon sa 10 kilowatt mula sa dating 1 kilowatt, noong 1956 upang makaabot ang signal nito sa mga malalayong probinsiya.

Dahil naging maganda ang pagtanggap ng publiko sa nasabing istasyon, napagdesisyunan ni Arsobispo Rufino Cardinal Santos noong Enero 1961 ang pagbili sa nasabing istasyon, upang mapalawig pa lalo ang serbisyo nito.

Huling nag-broadcast ang nasabing istasyon noong Agosto 15, 1963, bilang DZST, bago tuluyan itong maging DZRV o ang mas kilala ngayon bilang Radyo Veritas. Matapos ng apat na taon, nilipat and DZRV sa bago nitong istasyon sa Quezon City mula sa dati nitong kinatitirikan sa UST Main Building. Samuel Raphael P. Medenilla

Tomasalitaan:

Sá.lik (pangalan)- isa sa mga elementong bumubuo ng isang tanging resulta o kalagayan.

Halimbawa: Isang salik ng naganap na kaguluhan sa pagitan ng mga mangagawa at ng administrasyon ay ang kawalan ng komunikasyon ng dalawang panig.

READ
Whitening treatment's dark side

Sanggunian:

The Varsitarian Magazine Tomo. 24 Oktubre 25,1950

The Varsitarian Magazine Tomo. 24 Nobyembre,1950

The University of Santo Tomas in the Twentieth Century ni Josefina Pe

UP Diksyonaryong Filipino ni Virgilio Almario

Unitas

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.