SA KAUNA-UNAHANG pagkakataon, iniluklok ang isang guro sa Dangal ng UST Hall of Fame matapos niyang magkamit ng tatlong parangal sa mga nakalipas na Dangal Awards.
Kinilala si Allan de Guzman, guro ng College of Education, noong Disymebre 12 sa Medicine Auditorium para sa kanyang pagkakapanalo ng Most Outstanding Teaching Performance, Instructor level noong 1999; Most Outstanding Teaching Performance, Assistant Professor. level noong 2001; at Dangal ng UST Gawad San Alberto Magno for Best Published Work in Education and Social Sciences noong 2004 para sa kanyang aklat na The Dynamics of Educational Reforms in Philippine Basic and Higher Sectors.
“Hindi ako hihinto matapos kong kamitin ang parangal na ito,” ani De Guzman sa Varsitarian. “Sa halip, gagamitin ko ito bilang inspirasyon upang maging mas mabuting guro, mananaliksik at kawani ng pamayanan.”
Kasalukuyang naghahanda si De Guzman para sa paglulunsad ng Asian Journal for Tourism and Hospitality Research sa Marso 6 kung saan tampok ang mga pinakamagagaling na manunulat sa larangan ng tourism at hospitality sa iba’t ibang bansa tulad ng Estados Unidos, Britanya, Hong-Kong, Japan, at iba pa.
Tinapos ni De Guzman ang lahat ng kanyang pag-aaral sa UST bilang magna cum laude sa kursong B.S. Secondary Education noong 1993; summa cum laude naman sa kanyang masters degree in Education noong 1996; at summa cum laude naman sa kanyang doctorate degree in Philosophy of Educational Management noong 1999. Nagsilbi rin si de Guzman bilang direktor ng Center for Educational Research and Development mula 2001 hanggang 2006.
Pinangunahan naman ni Candida Agcaoili, isang guro mula sa Graduate School, ang 97 na tumanggap ng Gawad Benavides, ang parangal na binibigay sa mga guro na naglingkod sa Unibersidad sa loob ng 20 taon pataas. Nagtuturo na sa loob ng 55 taon sa Unibersidad si Agcaoili.
Ipinagkaloob naman ang Gawad Santo Domingo kay Dr. Jose Yamamoto, isang guro sa Faculty of Medicine and Surgery at surgeon mula sa UST Hospital, para sa kanyang paglilingkod sa mga mahihirap na komunidad. Si Yamamoto ang bumuo ng Couples for Christ Medical Mission Foundation na nakikipagtulungan sa Gawad Kalinga na maghatid ng tulong medikal sa mga mahihirap na Pilipino.
Tinanggap naman ni Manuel Maximo Lopez del Castillo Noche ng College of Architecture ang Gawad San Alberto Magno, para sa kanyang aklat na Lonely Sentinels of the Sea (Spanish Lighthouses in the Philippines), na tinanghal ding pinakamahusay na aklat. Inilimbag ng UST Publishing House ang aklat na nilabas noong 2005.
Ibinibigay ang Gawad San Alberto Magno sa mga gurong na tinanghal na natatanging mananaliksik, may pinaka-mahusay na imbensyon, may pinakamahusay na nalathalang pananaliksik, may pinakamahusay na gawaing malikhain sa larangan ng visual art, performing art, at literary art, at may pinakamahusay na aklat. Ivan Angelo L. de Lara