Sentro sa Salin at Araling Salin sa UST, ganap nang operasyonal

0
3771
Wennie Fajilan, direktor ng Sentro sa Salin at Araling Salin ng Unibersidad

MAKALIPAS ang isang taon mula nang ilunsad sa Unibersidad ang Sentro ng Salin at Araling Salin, ganap na itong operasyonal ngayong Agosto 2019.

Binigyang-diin ni Wennie Fajilan, tagapag-ugnay ng Sentro, na mahalagang maisulong ang propesyonalisasyon ng pagsasalin sa bansa.

“Magandang pahalagahan ‘yong pagsasalin bilang isang mas mataas na appreciation sa wikang pangkalahatan, hindi lang sa Filipino kundi sa lahat ng wika sa mundo. [L]ahat ng uri ng salin ay kailangan ng pagpapakadalubhasa. Kailangan na mayroong mga eksperto at pagsasanay,” wika ni Fajilan sa isang panayam sa Varsitarian.

Isinagawa nitong ika-5 hanggang ika-7 ng Agosto ang “Hasaan 7” na isang Pambansang Kumperensiya sa Pagsasalin. Isinulong nito ang adbokasiya sa propesyonalisasyon ng pagsasalin.

Sa pagtatapos ng “Hasaan 7,” isang technical working group ang nabuo na mayroong kinatawan mula sa iba’t ibang bansa at ang Sentro ang tatayong secretariat ng grupo.

Ayon pa kay Fajilan, dapat pahalagahan ang pagsusulong ng wikang Filipino sa iba’t ibang disiplina upang mas maraming makaunawa ng kanilang mga pag-aaral.

Noong ikalawang semestre ng taong akademiko 2018-2019, sinimulan nang ituro sa Unibersidad ang Filipino 2: Panimulang Pagsasalin bilang pagtugon sa pagsasalin ng mga saliksik sa wikang Filipino mula sa iba’t ibang disiplina.

Ngayong unang semestre ng taong akademiko 2019-2020, magkakaroon na ng mga infomercial na nasa wikang Filipino para sa Biolohiya at ng salin sa Filipino ng mga pananaliksik sa disiplinang ito.

Itutuloy ngayong unang semestre ang pagtuturo ng Filipino sa mga kurso sa pilosopiya mula sa batsilyer at gradwadong antas.

Estado ng larang ng pagsasalin sa bansa

Maraming dapat pagdaanang proseso upang maituring na ganap na propesyonal ang isang tagasalin, giit ni Fajilan.

“[D]apat nakapagsanay talaga sa translation. [A]lam niya ‘yong etika, ‘yong mga responsibilidad, at karapatan din ng mga tagasalin, tapos bukod doon, nakatatanggap na rin siya ng mga proyekto ng pagsasalin nang propesyonal,” ayon kay Fajilan.

Dagdag pa niya, dapat ding maunawaan ang economic rights ng isang tagasalin upang makilala ito bilang ganap na propesyonal.

Winika rin ni Fajilan ang kahalagahan ng pagsasalin ng mga saliksik at mga pampanitikang akda sa wikang Filipino dahil ito ang lingua franca ng bansa.

“[D]apat maging malinaw na mayroon siyang makabayang intensiyon na kinikilala natin na mayorya ng mga Filipino ay mahirap… at lahat ng ‘to, malaki ang papel ng wika roon kasi kung halimbawa, hindi ka makapag-aral at dahil dito, limitado ‘yong access nila sa mga impormasyon,” wika ni Fajilan.

Hasaan 7 para sa propesyonalisasyon ng pagsasalin

Iminungkahi ng tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na gawing tunguhang lengguwahe o target language ang wikang Filipino bilang simula ng “malinaw na agenda” sa pagsasalin sa bansa.

“[U]nang-una, may libo-libo tayong guro ng Filipino na nagtuturo at gumagamit ng Filipino sa pagtuturo. Walang ganitong lakas pa ang alinman sa ating mga wikang katutubo,” wika ni Virgilio Almario noong “Hasaan 7.”

Idineklara ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (Unesco) ang taong 2019 bilang International Year of Indigenous languages.

Kung susundin ang Unesco, kailangang magkaroon ng pagsisikap na maisalin sa 130 wikang katutubo sa bansa ang anumang akda, wika ni Almario.

“[H]indi puwedeng walang patnubay sa dapat maging direksiyon at oryentasyon ng pagsasalin. Malinaw na agenda, ang ibig kong sabihin sa malinaw ay makatotohanan. Hindi puro pangarap,” giit ni Almario.

Iginiit naman ni John Enrico Torralba, pinuno ng Sangay ng Salin ng KWF, malaki ang pangangailangan sa pagkakaroon ng modipikasyon at mandato sa larang ng pagsasalin sa bansa na wala sa mandato sa Komisyon.

“‘Yong batas na nagpanukala sa amin ay walang ngipin para mag-penalize. Sinasabi lang na magpanukala ng mga palatuntunan. Wala sa mandato namin ‘yon, kaya hirap kami ngayon,” wika ni Torralba.

Sinang-ayunan naman ito ni Romulo Baquiran, Jr., tagapangulo ng Filipinas Institute of Translation, at sinabing kailangan ng isang ahensiya na mayroong pagsisikap tungo sa propesiyonalisasiyon ng larang na ito.

“Kailangan nating magtulungan, mangunguna ang KWF pero mahalaga ‘yong cooperation ninyo. ‘Yong commitment para dito. [K]olektibong pagkilos, pagsasanay, kagamitan, upang maging institusyonalisado ang gawain,” wika ni Baquiran. may ulat mula kina Neil Joshua N. Servallos at Ma. Jasmine Trisha L. Nepomuceno

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.