NARANASAN mo na bang makipagkwentuhan sa libro?
Kung dati-rati ay iniiwasan ng mga mag-aaral ang pagbabasa ng libro, ngayon, mayroon nang mga libro na tila mga kaibigang handang makipagsabayan sa lahat ng “trip” mo sa buhay, gaya na lang ng Stainless Longganisa.
Panlima sa nailathalang aklat ni Bob Ong, naglalaman ang Stainless Longganisa ng mga kwento, anekdota, at sanaysay na may kaugnayan sa mga napapanahong isyu at mga suliranin sa paligid. ‘Di gaya ng mga ibang lokal na aklat, taliwas sa tradisyunal na pagsusulat ang istilo ng pagkukuwento sa Stainless Longganisa. May halo itong pagpapatawa na para bang nakikipag-usap lang ang mga mambabasa sa isang tambay sa kanto.
Hindi nakapagtataka kung makabago ang aklat na Stainless Longganisa sapagkat kakaiba rin ang mismong sumulat nito. Nakagawian na ni Ong na hindi magbigay ng mga pangunahing detalye tungkol sa kanya at ipinaliwanag niya sa kanyang libro na parte ito ng kanyang pagkatao bilang manunulat.
Nahahati ang aklat sa mga kabanata na kada simula mayroong natatanging pahayag mula sa iba’t ibang maimpluwensiyang tao, libro, at pagtatanghal. Kapansin-pansin na hindi rin ubod nang lalim ang mga salita at hindi rin pormal na wika ang ginamit. Gayunpaman, kapag binasa mo na ito, malamang na hahagalpak ka sa katatawa sa mga salaysay ng may-akda tungkol sa kanyang mga karanasan at mga ideya.
Umiikot ang Stainless Longganisa sa mga usapin hinggil sa pagbabasa, pagsusulat, at pagiging manunulat. Sa mga konseptong iyon, naipahayag ni Ong na bagaman kakaibang trabaho ang pagiging manunulat, iba naman ang karangalang dulot nito sa sariling pagkatao. Tila ba nasa pedestal ang mga manunulat kahit na minamaliit sila ng mga tao.
Sa isang bahagi ng Stainless Longganisa, inilarawan ni Ong ang damdaming nararanasan ng isang manunulat habang ginagawa ang kanyang trabaho. “Hari ka ng mundo habang nagsusulat. Pakiramdam mo may mga nagtitiyagang nakikinig sa mga sinasabi mo. Akala mo nakasalalay sa mga isinusulat mo ang ikot ng mga planeta. Kaya buong ingat mo ring binubuo ang bawat salita.”
Tinalakay din ni Ong ang mga pakikipagsapalaran ng mga manunulat. Isinalaysay ni Ong ang hirap na kanyang dinanas bago nailathala ang kanyang unang aklat.
Aniya, hindi madaling magsulat lalo na kung baguhan ka. Dumarating ang mga panahon na gusto mo nang umatras at talikuran ang iyong nasimulang trabaho subalit hindi mo naman magawa dahil manghihinayang ka rin sa pagod at oras na pinuhunan mo.
Sa huling bahagi ng libro, nagbigay si Ong ng ilang nakakatuwa ngunit kapaki-pakinabang na mga payo para sa mga nangangarap maging manunulat. Binigyang-diin niya ang pagsusumikap upang matupad ang mga pangarap.
“Nangangarap ang tao dahil binigyan s’ya ng Diyos ng kakayanang mangarap at tumupad nito. Tungkulin n’yang pagbutihin ang pagkatao n’ya at mag-ambag ng tulong sa mundo.”
Sa kabila ng katatawanang hatid ng “Stainless Longganisa,” nagawa nitong ipahatid ang malinaw na mensaheng may buhay sa pagsusulat. Gayundin, hindi dapat maging tamad at mawalan ng loob ang kabataang nagnanais matupad ang kanilang mga pangarap. R.A.R. Pascua