Alam ba ninyong minsan nang may nagtangkang tumalon mula sa itaas ng Main Bldg? Salamat na lamang sa kabayanihan ng Tomasinong si Ernesto Isidoro at napigilan ang malagim na trahedya.
Umaga ng Marso 25, 1972 nang bulabugin ang Unibersidad sa sumubok pagpapatiwakal ng isang ginang mula sa ikaapat na palapag ng Main Bldg. Hindi namalayan ng mga security guard ang pag-akyat ni Imelda Marquez, 29, secretarial graduate ng UST, sa tapat ng rebulto ni San Agustin na nasa ikaapat na palapag.
Isa si P. Fausto Gomez, O.P., ang UST Secretary-General noon, sa mga nagtangkang pumigil kay Marquez.
Ayon kay Gomez, ang regent ng College of Rehabilitation Sciences ngayon, halos 15 minuto rin niyang sinubukang ibaling ang atensyon ni Marquez mula sa kanyang mga problema.
Habang nagsimulang magdagsaan ang mga Tomasino sa labas ng Main Bldg. upang saksihan ang kaganapan, dali-daling umakyat si P. Rector Leonardo Legazpi, O.P. upang ayusin ang pangyayari. Lumapit ang Rektor at mahinahong kinausap si Marquez, ngunit lalo lamang itong sumulong sa pagkakaupo, dahilan upang lalong lumala ang sitwasyon.
Hindi inalintana ang mga security guard na nagbabantay sa ibaba, kusang loob na inakyat ni Isidoro, ikalawang taon sa Commerce, ang Main Bldg. upang tulungan si Marquez. Ipinagpatuloy ni P. Legaspi ang pakikipag-usap sa ginang, hanggang sa makalapit si Isidoro sa huli. Nang nakahanap ng tamang pwesto at pagkakataon, tumalon si Isidoro palapit kay Marquez, at binigkis ang braso niya. Agad lumapit ang Rektor upang tumulong sa pagbaba sa nagpupumiglas na si Marquez, na isinugod sa UST Hospital. Tumulong din sina Antonio de Guzman, estudyante ng Artlets at Manuel Santo Domingo, empleyado ng Registrar’s Office.
Ayon sa mga psychiatrist na tumingin kay Marquez, problemang personal at pinansyal ang nagtulak sa kanya upang magpatiwakal. Dagdag pa rito, malubha ang sakit ng ina at kapatid ni Marquez at kabebenta lamang ng bahay niya.
Dahil sa katapangang ipinamalas, ginawaran si Isidoro ng UST Gold Medal for Heroism. Jefferson O. Evalarosa
Tomasalitaan:
Hingaba (pangngalan) – pakikiramay
Halimbawa:
Tanging hingaba sa mga namatayan ang makakapagpaluwag sa kanilang damdamin.
Sanggunian: The Varsitarian, Tomo 42, Blg. 47, April 2, 1971