NAGWAKAS na naman ang isang taon para sa mga mag-aaral ngunit para sa mga magsisipagtapos, simula pa lamang ito ng panibagong pakikipagsapalaran. Ngayong itatabi na nila ang kanilang mga aklat at uniporme sa eskwela, ihahanda naman nila ang kanilang mga sarili para sa buhay sa labas ng pamantasan.
Paalam, UST
Ilang araw na lang ang natitira at mamamaalam na sa Unibersidad ang mga seniors sa kolehiyo. Kasabay nito, sasabak na sila sa paghahanap ng trabaho.
Taliwas sa kahilingan ng kanyang ina na kumuha siya ng post-graduate studies, mas ginusto ni Darylle Zamora na piliin ang pagtatrabaho. Gamit ang tinapos na BS Tourism sa College of Education, determinado siyang isabak ang napag-aralan sa tunay na mundo.
“Applikasyon na lang nung mga napag-aralan namin ang kulang, kaya alam kong puwede na akong magtrabaho,” sabi ni Zamora.
Dagdag pa niya, hindi naman siya natatakot sa paghahanap ng trabaho dahil isa siyang Tomasino. Aniya, bukod sa pagiging kilala ng Unibersidad alam din ng mga kompanya na pinahahalagahan din ang pagtuturo ng tamang asal pagdating sa pagtatrabaho.
“Kapag sinabing Tomasino ka, may edge kasi mayroong 3C’s—committed, compassionate at competent na importante kapag may trabaho ka na,” aniya.
Ayon kay Zamora, pipiliin niyang maghanapbuhay dito sa Pilipinas kaysa mangibang bansa.
“Mahirap kasi malayo sa pamilya at sa mga kababayan mo. Iba kasi kapag pinagsisilbihan mo ang mga kapwa mo Pilipino,” pahayag ni Zamora.
Gayunpaman, kapag mayroon na siyang sapat na lakas at tapang upang magtrabaho sa ibang bansa, haharapin niya ito bilang panibagong pagsubok sa kanyang buhay.
Sa labas ng pamantasan
Maraming nag-aakala na magiging madali ang buhay kapag nakatapos ka ng kolehiyo. Kapag nanggaling ka sa magandang unibersidad, trabaho ang lalapit sa’yo at ikaw ang bahalang mamili kung saang kumpanya ka papasok. Subalit kadalasan, mali ang mga paniniwalang ito.
Bagaman nagkaroon na ng mga pagbabago sa paghahanap ng trabaho gaya na lang ng pagsusumite ng resumé sa internet, hindi pa rin siguradong makakapasok ka agad sa isang kumpanya o makukuha mo ang posisyong iyong nais.
Nagtapos ng B.S. Economics sa College of Commerce noong 2005, aminado si Friedrich Edmond Bacani na mahirap talagang maghanap ng trabaho lalo pa sa unang anim na buwan ng taon.
Aniya, sa mga panahong ito, matindi ang kumpetisyon sapagkat naghahanap ng trabaho ang lahat ng mga nagsipagtapos sa kolehiyo. Dahil doon, pinili niyang hindi makipagsabayan sa mga ito.
“Nagbakasyon muna ako,” pahayag ni Bacani. “Masyado kasing malabo ang market noon dahil sa dami ng mga graduates kaya bago magtapos, nagplano na ako na sa Oktubre pa ako maghahanap ng trabaho.”
Pagkatapos ng pagbabakasyon, naghanap ng trabaho si Bacani. Nagbasa siya ng mga pahayagan at binisita ang internet para tingnan kung anu-anong posisyon mayroon at kung may bakante ba sa mga kumpanya. At bilang panimula, namasukan siya para maging isang manunulat. Taliwas man sa kanyang tinapos na kurso, minahal niya rin ang una niyang trabaho.
Gayunpaman, hindi rin siya nagtagal bilang manunulat dahil nakakita siya ng trabahong mas akma sa kanyang kurso. Pumasok siya sa isang banyagang kumpanya kung saan naatasan siyang manaliksik at gumawa ng mga pag-aaral na may kaugnayan sa ekonomiya ng bansa. Dito, nagamit niya ang kanyang kaalaman at nagkaroon siya ng mas maraming karanasan na may kaugnayan sa kanyang tinapos.
Bagaman mahalaga kung saang pamantasan o unibersidad nagmula ang isang mag-aaral, natutunan ni Bacani noong mga panahong naghahahanap siya ng trabaho na napakahalaga ng marka sa eskwela para makakuha ng disenteng hanap-buhay.
Ayon kay Bacani, “Walang pakialam ang mga kumpanya sa extra-curricular activities ng estudyante. Mas binibigyang halaga ng mga kumpanya ang mga marka at kung saang eskwelahan galing ang applikante.”
Napansin din ni Bacani na hindi gaya ng ibang unibersidad, nakakalamang ang mga Tomasino sa maraming bagay gaya na lamang ng pakikisama sa mga tao, pagtanggap ng mga pagpuna at pagdadala ng problema. Isang matibay na pundasyon ang edukasyon sa UST dahil kasabay ng pagtuturo ng mga makabagong kaalaman, hinuhubog din ng Unibersidad sa magandang asal ang mga mag-aaral.
“Kapag Tomasino ka, may ideya ka na kung anong dapat asahan sa labas ng Unibersidad. Dahil nabibilang sa iba-ibang estado sa buhay ang mga estudyante sa UST, matututo kang makisama,” paliwanag ni Bacani. “Pagdating sa trabaho, alam mo kung saan ka lulugar. Thomasians can inflict pain or trash and transform them into something good.”
Pag-aaral o paghahanap-buhay?
Nang magtapos ng kolehiyo si Bacani, sumagi din sa kanyang isipan kung ano ang dapat niyang gawin, kung magtutuloy ba siya sa graduate school o maghahanap na ng trabaho. Gayunpaman, pinili niya ang huli.
“Kapag kumuha ka ng post graduate studies, hindi nangangahulugang nakakaangat ka na dahil lang sa Master’s degree mo. Sa totoong buhay, hindi mo naman talaga siya magagamit dahil mas mahalaga pa rin ang karanasan at kaalaman mo sa posisyong gusto mong makamtan,” sabi ni Bacani.
Ipinaliwanag ni Bacani na mas mainam kung may karanasan ang isang aplikante sa posisyong nais niyang pasukan. Pabor sa ilang mga kumpanya ang pagkuha ng mga empleyadong may karanasan na dahil hindi na nila kailangang turuan pa ang mga ito.
Idinagdag niya na mayroon ding mga kumpanya na mas gusto ang mga bagong graduate dahil nagtataglay sila ng mga bagong ideya at kaalaman na makakatulong nang malaki sa kumpanya.
Ayon naman kay Vincent Glenn Lape, personnel assistant ng Human Resource Department ng Unibersidad, kapag kinakailangan agad ng kumpanya ng tao para sa bakanteng posisyon, mas nakakalamang ang mga aplikanteng may karanasan na dahil hindi na sila kailangang turuan pa.
“May mga pagkakataon na masyadong technical ang trabaho kaya talagang mga aplikante na may karanasan lang ang kinukuha,” paliwanag ni Lape. “Pero, hindi sa lahat ng pagkakataon ganoon. Nakadepende pa rin sa pangangailangan ng departamento.”
Parehas na mahalaga ang malawak na kaalaman at karanasan sa paghahanap ng trabaho. Nasa tao na lang kung ano ang sa tingin niyang mas matimbang—kung mag-aaral pa o maghahanapbuhay na. Gayunman, anuman ang kanyang matutunan mula sa eskwelahan o sa trabaho, dapat niya itong gamitin para sa kanyang ikauunlad.
Sa pagtatapos ng mga mag-aaral sa kolehiyo at sa pag-alis nila sa unibersidad, nakaabang ang maraming pagsubok sa tatahakin nilang daan tungo sa tagumpay na kanilang inaasam. Magiging lubak-lubak, maalikabok o mahirap man ang biyahe, malalampasan din nila ito at makakarating sa posisyon na kanilang nais sa tulong ng kanilang pananalig sa Diyos, mga karanasan at kaalaman. Emili Therese A. Malacapo at Ruby Anne R. Pascua