SAYANG.

Ito na lang ang naisip ko nang gumimbal sa harap ko ang balitang pumanaw na si Prana Escalante, 4th year Nursing student at matapang na mountaineer. Natagpuan siyang walang buhay sa ilog at pinagigitnaan ng dalawang batong tila yakap-yakap siya’t nagpapasalamat sa kanyang pagmamahal sa kalikasan.

Bagaman hindi ko siya kilala nang personal, naroon pa rin ang simpatya at bilib ko sa kanyang munti subalit mapusok na pangarap. Ang nakasasama ng loob, maraming nagsasabing katangahan at kabaliwan ang nagawa niya. Sino ba naman daw ang matinong aakyat ng bundok na kulang ang dalang gamit, walang kasiguraduhan ang pupuntahan, at pilay ang isang paa? Marapat na lang daw na ibinaling nalang ang atensyon sa pag-aaral at nagpakadalubhasa sa nursing skills.

Marahil tama sila, nakatatakot at napaka-imposibleng marating ang pinakatuktok ng bundok Halkon. Ngunit hindi kailanman mapapantayan ng kahinaan ng loob ang pagmamahal at usig ng damdamin. Sa loob ng ilang taon, tiniis niyang akyatin ang mga bundok, mapatunayan lang na kaya niyang tuparin ang pangarap.

Simbolo ng katapangan si Prana, gaya ko at ng ilang di mabilang na estudyante, iilan lang lang ang naglalakas-loob at bukas ang isipan sa lahat ng bagay. Hindi man nakakandado ang damdamin sa iisang bagay o larangan, naroroon pa rin ang naghahanap at patuloy na naglalakbay para matupad ang mga pangarap—ang matagpuan ang sarili.

***

Lipas na ang isang semestre. Sa naunang hati ng taon, maraming tao ang lumipas at ngayo’y nais kong pasalamatan. Kina Chuck at JC, tinatangi ko ang mga sandaling nagkasama tayo sa iisang silid. Kay Julienne, hangad ko ang iyong tagumpay. Hinding hindi ko malilimutan ang halimuyak ng prutas tuwing papasok ka sa opisina, maging ang “mahiwagang file case” na nakapatong sa iyong dibdib. Para naman sa dalawa pang nag-aalinlangan, huwag na sana. Lilipas din ang panahon at aayon sa inyo ang tadhana. Sayang.

READ
Thomasian wins Ms. Asean beauty pageant

***

Lumalamig na ang simoy ng hangin, senyales na papalapit na ang kapaskuhan. At gaya ng iba pang Tomasino, hindi na ako makapaghintay sa taun-taong pasabog ng UST. Tiyak na puputaktihin na naman ng nagkikislapang ilaw ang mga dambuhalang puno at daanan sa buong Unibersidad. Kasabay pa nito ang magarbong Paskuhan at fireworks display na kinaiinggitan ng iba.

Ang hindi alam ng nakararami, hindi ito ang pinakamasasayang sandali sa UST. Sa likod ng mga nagkikislapang ilaw at masasarap na handaan, naroon pa rin ang makatao’t maka-Kristiyanong damdamin ng bawat Tomasino. Taun-taon, sa mga di mabilang na grupo’t samahan sa Unibersidad, hindi mawawala ang mga pagtulong at pagdamay sa mga Filipinong pinagkaitan ng masayang pasko.

Nawa’y sa nalalapit na pasko, mapabilang ka sa kanila na mumunti man ang handog na tulong, tiyak na umaapaw na kasiyahan at libu-libong ngiti naman ang sasalubong para sa darating na taon.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.