IKA-162 ANIBERSARYO NG PAGSILANG NI RIZAL:
‘Buhay ang pamana ni Rizal, mapa-telebisyon o social media’

0
3947

NANANATILING buhay ang mga pamana ni Dr. José Rizal sa makabagong henerasyon, mapa-telebisyon man o social media, ayon sa mga akademiko, ngayong ika-162 anibersayo ng pagsilang ng pambansang bayani.

Para kay Fernando Rico, katuwang na dalubguro sa Departamento ng Kasaysayan ng UST, kailangang gamitin ng mga mag-aaral ngayon ang kanilang kritikal na pag-iisip upang hindi sila malubog sa kasinungalingan sa social media, gabay ang naging hirap ni Rizal na libutin ang mahigit apat na dosenang bansa para manaliksik at magtrabaho sa gitna ng pagtuligsa sa kaniya ng sariling bansa.  

“Ang mga pagpupunyagi na ito ni Rizal ay tunay na magandang ehemplo ngayon sa mga kabataang nasa kanilang mga daliri at computer ang karamihan sa mga kasagutan na noon ay nakatago pa,” wika ni Rico sa Varsitarian.

“Ito ay dagdagan na lamang ng kritikal na pag-iisip at ibayo pang pananaliksik para malaman ang katotohanan ng mga kaganapan ngayon sa lipunan na nilulukuban ng maraming kasinungalingan sa sinasabi at pagbabalita para pumanig lamang sa interes ng may kapangyarihan,” dagdag niya.

Ayon sa isang historyador, may mga palatandaan na masidhi pa rin ang interes sa buhay ni Rizal maliban sa pagbabasa ng dalawa nitong nobela, ang “Noli Me Tangere” at “El Filibusterismo,” na kailangang basahin sa hayskul sa ilalim ng Batas Pambansa Blg. 1425.

“Ang pagtangkilik ng maraming Filipino sa seryeng ‘Maria Clara at Ibarra’ at pangingibabaw nito sa Netflix ay malinaw na ebidensya na patuloy [ang] interes kay Rizal,” saad ni Michael Charleston “Xiao” Chua, kawaksing dalubguro ng kasaysayan sa Pamantasang De La Salle.

“[N]apagtanto natin na ang mga problema na tinalakay ni Rizal ay tila nariyan pa rin at kailangan pang kabakahin. [At] matapos ang isang halalang mapanghati sa bayan, nagkaisa muli tayo sa pakikipag-usap sa isa’t isa,” dagdag niya.

Ang “Maria Clara at Ibarra,” ang seryeng umere sa GMA mula Oktubre 2022 hanggang Pebrero 2023, ay kuwento ng isang Gen Z na estudyante, si Klay, na napunta sa mundo ng mga nobela ni Rizal at nakilala ang mga karakter na sina Crisostomo Ibarra at Maria Clara.

Giit pa ni Chua, si Rizal ang tunay na kumakatawan sa pagkakaisa.

“Sa mga salita ng bayani na tulad ni Rizal, ang dating-dating watak-watak na diwa ng Ilokano, Tagalog, Bikolano, Bisaya, Ilonggo at iba pa ay nagkaisa dahil napagtanto natin na kapag pinagsama-sama ang ating danas, at pinagsama-sama ang ating luha, iisa pala tayong bansa,” wika niya.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.