TINATAYANG 400,000 Pilipino ang nagtatapos ng kolehiyo taun-taon. Magkakaiba man ng kursong tinapos, pinagbubuklod ang mga ito ng iisang layunin-ang makahanap ng matinong trabaho matapos ang halos 15 taong pag-aaral.

Subalit, sa patuloy na pagbagsak ng ekonomiya dahil sa iba’t ibang dahilan tulad ng terorismo at kawalang kasiguruhan sa pulitika, tiyak na higit na maraming Pilipino na naman ang walang trabaho dahil sa pagdagsa sa merkado ng mga nagsipagtapos.

Istadistika

Ayon sa mga tala ng National Statistics Office (NSO) noong Enero 2002, sa kabuuang populasyon ng Pilipinas na 79.5 milyon, 89.7 porsyento dito ang may trabaho at 10.3 porsyento ang wala. Samantala, 15.9 porsyento sa 33.1 milyong manggagawa ng bansa ang underemployed. Karaniwan dito ang mga bagong nagsipagtapos na pumili na lamang ng trabaho, kahit hindi ito angkop sa kanilang pinag-aralan.

Samantala, batay sa ulat ng Department of Labor and Employment (DOLE), mahigit sa 8,000 manggagawa na ang nawalan ng trabaho sa pagsisimula pa lamang ng taong 2002. Dumagdag ang mga manggagawang ito sa 4.2 milyong Pilipinong walang hanapbuhay dahil sa krisis pang-ekonomiya.

Hindi naman maaaring sisihin ang mga kompanya. Sa pagnanais na mapanatili ang negosyo, napipilitan silang magbawas ng manggagawa at magsagawa ng pagtitipid.

Paghahanap

Ayon kay Atty. Manuel Beaniza, direktor ng Human Resources Department (HRD) ng UST, kailangang maunawaan ng mga aplikante ang kahalagahan ng unang “pagpapakitang-gilas” sa kompanya.

“They (employers) base it (an applicant’s employment) on the interview. (Basically) on one’s attitude towards the job, if one is willing to go an extra mile for every responsibility that would be given to him,” pahayag ni Beaniza.

Idinagdag pa ni Beaniza ang positibong bunga ng pagkakaroon ng katangi-tanging record sa paaralan. Aniya, higit na pinapaboran ng mga may-ari ng kompanya ang isang aplikanteng sa paaralan pa lamang ay nakapagpamalas na ng galing sa pinasukang larangan.

“Good grades would reflect that you (applicant) are a responsible person, who is willing to work amid all shortcomings that will come along the way,” pahayag pa niya.

READ
CBCP pinagbawal ang online gambling

Sa kabilang banda, sinabi rin niya na hindi pa huli ang lahat para sa mga kabataang hindi gaanong pinagbutihan ang kanilang pag-aaral.

“They just have to project that they can do better even if they have low grades. They can do that by making good on the entrance exam given by the employer and even during the interview for these prove one’s self confidence and one’s willingness to work,” aniya.

Gayundin, hindi tumututol si Beaniza sa ideya ng pagpasok sa isang trabahong walang kinalaman sa kinuhang kurso. Ayon sa kanya, dito pumapasok ang kahalagahan ng curriculum na ibinibigay ng paaralan sa mga mag-aaral nito.

“UST’s curriculum is holistic. It (curriculum) equips (the students) for whatever kind of job they would plan to venture in, even if it is not related to their particular field (of study). What matters most is that you’re willing to learn,” payo pa niya.

Samantala, ayon sa isang artikulong inilathala sa Jobstreet.com, isang website na nagsisilbing tulay ng mga naghahanap ng trabaho at ng mga kompanyang naghahanap ng mga empleyado, mas pinahahalagahan ng mga kompanya ang isang aplikanteng taglay ang iba’t ibang kaalaman, handang gampanan ang iba’t ibang responsibilidad sa trabahong papasukan, at handa sa hamon ng makabagong teknolohiya.

Sa isinagawang survey ng Philippine Management Association of the Philippine (PMAP) lumabas na pinapaboran ng mga kompanya ang mga aplikanteng katangi-tangi ang kakayahan sa iba’t ibang larangan.

“Companies value analytical and conceptual ability as well as communication skills more than technical competence and computer literacy in hiring first-time job seekers. The jobs of the future will belong to those who are multi-skilled,” ayon pa sa artikulo ng Jobstreet.

Karanasan

Nagtapos ng kursong Journalism sa Faculty of Arts and Letters ng UST noong 1997, hindi naging mahirap para kay Lourdes Mendoza nag makahanap ng trabaho.

READ
Isang Tomasino, maraming titulo

“Even before I graduated, I knew before hand that there were lots of choices in front of me. All I have to do was to choose,” pahayag ni Mendoza, kasalukuyang population-education officer ng Institute of Church and Social Issues, isang sangay ng Ateneo de Manila University.

Ayon sa kanya, mahalaga ang pagbibigay sa isang manggagawa ng pagkakataong makahanap ng mas kapaki-pakinabang na trabaho.

“A worker should not be limited to structures. He should be open to changes that would be helpful to his professional growth,” ani ni Mendoza.

Samantala, katulad ni Mendoza, pinalad ring makahanap kaagad ng mapapasukang trabaho ang Tomasinong si Alberto Monteras II, dating Art Director ng Varsitarian at nagtamo ng Manuel L. Quezon Leadership Award noong 2001.

“Naging madali para sa akin (‘yung pagkakaroon ng trabaho). Sinuwerte na rin siguro ako kasi kasama iyong UST sa preferred universities ng mga kompanya ngayon,” ani ni Monteras na nagtapos ng kursong Advertising sa College of Fine Arts and Design.

Maliban sa “dagdag-puntos” ang paaralang pinasukan, naniniwala si Monteras na nasa kamay ng aplikante ang patutunguhan ng kanyang propesyon.

“Sa pag-a-apply kasi ng trabaho, kadalasan nasa technique iyan ng applicant. One should develop a strategy to win his target job. Mahalaga din kung papaano mo ipa-package ang sarili mo. Iyon kasi ang magiging first impression ng company na inaaplayan mo,” dagdag pa ni Monteras, na kasalukuyang creative director for visual communication ng isang kilalang kompanya ng damit.

Pananatili sa trabaho

“Hindi mahirap ang maghanap ng trabaho. Kasi wala namang saradong pagkakataon sa isang taong bukas ang isip sa pag-unlad at pagbabago. Ang tunay na mahirap na bahagi ng employment ay ‘yung pagpapanatili sa iyong kamay ng posisyon na hawak mo.”

Ang pahayag na ito ni Monteras tungkol sa usaping trabaho ay sinang-ayunan ni Beaniza. Ayon sa kanya, tunay na umpisa pa lamang ng paglalakbay sa tunay na mundo ang paghahanap ng mapapasukan.

READ
Two Thomasians held up

Idinagdag ni Beaniza na nakasalalay ang pagtatagal ng isang empleyado sa kanyang pinapasukan sa tamang pag-iisip at mahusay na pakikisama.

“Facing different ideas and emotions, you (worker) must learn to adapt in the environment and circumstances around the workplace. But that doesn’t mean you must change your ideas and convictions. You must be flexible and a team-player,” pahayag ni Beaniza.

Binigyang halaga rin niya ang pagiging masipag ng isang manggagawa. Ayon sa kanya, mawawalan ng dahilan ang isang kompanyang tanggalin ang isang empleyadong tiyak nilang isang malaking tulong sa pag-unlad ng kanilang negosyo.

“There is no substitute from working hard. It is an attitude that an employee should have to keep his job,” aniya.

Hinaharap

Sa kabuuan, patuloy pa rin ang paglaki ng bilang ng mga nagtatapos habang tuloy pa rin ang paghahanap ng solusyon sa lumulubhang suliranin ng kawalan ng trabaho.

Sa mensaheng ipinaabot sa madla ng Pangulong Macapagal-Arroyo noong Araw ng Paggawa, ipinahayag niya ang hangarin ng pamahalaang maiangat ang antas ng pamumuhay ng lipunang Pilipino. Binigyang- halaga niya ang kahulugan ng lakas paggawa sa isang bansa. Itinuturing niya itong sagisag ng katatagan ng pambansang ekonomiya.

“Magkaisa tayo upang patatagin ang ating ekonomiya. Ito ang magiging daan upang mabigyang katuparan ang ating layuning magkaroon ng sapat na bilang ng trabaho para sa lahat, sapat na kita, matatag na empleyo, pagkakataon sa propesyunal na pag-unlad, at masaganang pamumuhay para sa lahat,” wika ng Pangulo.

Marahil, sa patuloy na pag-usad ng panahon, magiging higit na mahigpit ang kompetisyon sa paghahanap ng trabaho. Sa mga pagkakataong ito higit na nangingibabaw ang tatak Pilipino-ang pagiging bukas sa bagong kaalaman at pagsisikap na mapaunlad ang sarili. At bukod sa sariling sikap, malaki rin ang maitutulong ng mga pangakong binitiwan ng Pangulo, lalo na kung bibigyang-katuparan ito ng pamahalaan.

1 COMMENT

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.