NAGMULA ako sa isang pampublikong paaralan. Isang paaralan kung saan ang lahat ng estudyante ay itinuturing na iskolar ng bayan. Walang tuition, kahit piso. Ang binabayaran lamang ay ang paminsan-minsang Red-Cross ticket at iba pang mga kontribusyon.
Hindi katulad ng mga pribadong paaralan, ang mga aklat ay ipinahihiram lamang sa amin at isinasauli rin pagkatapos ng taong pampaaralan. Hindi rin naiiwasan na ang ilan sa mga aklat ay kailangan pang paghatian ng ilang mga estudyante dahil sa kakulangan ng suplay. Pero kahit sa kalagayang ito, hindi naging mahirap sa akin ang paggamit ng mga aklat dahil ibinibili naman ako ng mga magulang ko ng gamit na mga aklat sa Recto. Bukod dito, wala nang ibang pinagkakagastusan ang mga magulang ko kung hindi ang pang-araw-araw na baon at pambili ng iba pang gamit sa eskuwela.
Luma na rin ang mga upuang gamit namin. Karamihan pa ay sira. Mapalad na nga ang batch ko dahil sa panahon namin pinalitan ang mga upuang ito at nagkaroon pa ng sapat para sa lahat.
May dalawang oras ng pagpasok- umaga at hapon. Ito ay dahil hindi sapat ang mga silid-aralan para sa napakaraming mga estudyante.
Hindi naman ganoon kadumi ang mga palikuran. Hindi rin naman nauubusan ng tubig. ‘Yun nga lang, minsan ay hindi gumagana ang flush at punong-puno na ng bandalismo ang mga pader.
May mga janitor din naman pero faculty rooms at hallways lang ang sakop ng kanilang serbisyo kaya kinakailangang magtakda ang bawat klase ng “cleaners for the day,” upang mapanatiling malinis at maayos ang mga silid-aralan.
Pagdating naman sa mga pasilidad na kinakailangan upang mapabuti ang pag-aaral, masasabing hindi naman pinagkaitan ang paaralan ko. Mayroon namang audio-visual room ang bawat gusali. Isang speech center naman kung saan mayroong halos limampung headset ang nakatalaga para sa speech class. May malawak na koleksyon ng mga libro ang silid-aklatan. At mayroon ding napakalaking gym para sa mga pagdiriwang at auditorium naman para sa maliliit na programa. May badyet din para sa school paper na lumalabas naman buwan-buwan.
Masasabi kong matatalino ang mga naging kamag-aral ko. Dahil napapangkat ako sa pangalawa sa pinakamataas na section, nakita ko rin ang kakayahan ng mga kaklase ko. Bawat isa sa amin ay espesyal at may kanya-kanyang tawag. May mga “nerd.” Sila iyong paminsan-minsan lang makipagdaldalan at kapag bakanteng oras ay gumagawa na ng mga takdang aralin. Pero sulit naman ang pagtitiyaga nila sapagkat sila rin naman ang nakakukuha ng pinkamatataas na grado sa klase. Mayroon ding mga “leech.” Sila naman iyong mga palaging nanghihiram ng kagamitan at papel para sa mga pagsusulit. May “geniuses” din – mga estudyanteng tamad at kung tutuusin malimit na huli sa klase, ngunit nakasusunod pa rin sa mga leksyon. Matataas din ang mga gradong nakukuha nila. Mayroon ding “RK” o “rich kids.” Maniwala man kayo sa hindi, may ilan-ilan ding mga naliligaw na mayayamang estudyante sa mga pampublikong paaralan. ‘Yung isa ko ngang kaklase ay may cellphone na kaagad noong unang taon pa lang.
Sa paaralan kong iyon na halos naging tahanan ko sa loob ng apat na taon ko na siguro nakita ang tunay na mundo at ang lahat ng klase ng tao. Hindi ko maitatanggi na nakita ko ang katotohanan ng kahirapan ng buhay. Sa mga mata ng mga estudyanteng ito ko rin nakita ang pagpupursigi upang makapagtapos ng pag-aaral upang balang-araw ay makaahon sa kahirapan. Ang potensyal ng mga kabataan sa mga pampublikong paaralan ay hindi matatawaran. Sa kanilang paggawa makikita ang malaking posibilidad na magiging responsableng mamamayan sila ng kinabukasan.
Ngunit ang lahat ng ito ay hindi posible kung wala ang mga gurong huwaran at patuloy na pinagbubuti ang pagtuturo sa kabila ng maliit at minsan nahuhuli pang suweldo. Ang mga gurong ito ay bayaning tunay at naging mabuting modelo para sa aming naging mga estudyante nila.
Marahil ay sila rin ang dahilan kung bakit Education ang kinukuha kong kurso ngayon. Balang-araw, nais ko ring pagsilbihan ang aking bansa kahit sa pagtuturo man lang. Tulad nila, gusto ko ring magbigay-inspirasyon sa mga batang determinadong makaahon sa kahirapan.
Hindi ko pinanghihinayangang sa pampublikong paaralan ako nag-aral ng high school dahil lumabas ako ng paaralang iyon na baon ang mga kaalamang pang-akademiko at ang mga aral ng buhay. Jhervy C. Nuez