ISANG PATUNAY ang pagiging patok ng online writing community na Wattpad sa patuloy na paghahanap ng paraan ng mga makabagong manunulat na makipag-ugnayan sa mga mambabasa at mailahad ang kanilang kaalaman.

Noong 2011, kinilala ang Wattpad bilang “Hottest Digital Media Company” sa Canadian Innovation Exchange, isang kumpanya na naglilista ng mga patok na website, dahil sa patuloy na paglawak at paglaki ng sakop ng mga nagsusulat at nagbabasa rito.

‘Di kalaunan, nakarating ang kasikatan ng Wattpad sa mga Filipinong mambabasa na nagdulot ng paglilimbag at pagsasapelikula ng mga akda rito tulad ng “Diary ng Panget,” “She’s Dating the Gangster” at “Talk Back and You’re Dead.”

Gayunpaman, tulad ng lahat ng bagay na nagiging patok sa karamihan, hindi nakaligtas sa mapanuring mata ng mga kritiko ang Wattpad na nagresulta sa diskurso tungkol sa mga mabuti at hindi mabuting dulot nito hindi lang sa mga Filipino kung hindi pati na rin sa iba pang lahi na nagbabasa at nagsusulat dito.

Ayon kay Jun Cruz Reyes, kilalang manunulat at kritiko ng panitikan, kinakailangang suriin muna ang pinagmulan ng Wattpad bago ito punahin ng iba pang kritiko.

“Ang Wattpad literature ng mga bata, sino’ng bata? Mga batang may laptop, ang sensibility niyan siyempre middle class. Ano’ng klaseng middle class? Young adult,” aniya.

Sa pamamagitan ng pagtukoy sa pinagmulan ng mga manunulat sa Wattpad, mas madaling matutukoy ang dahilan kung bakit sinasabi ng mga kritiko na mabababaw ang mga kuwento rito.

“Bata yan, ang gusto niyan mga nakakakilig, love story. Ang problema ng Wattpad, ‘yung problemang pang-cute. Ang tawag doon, nasa safe topic, nasa comfort zone, ” ani Reyes.

READ
Struggles of adapting to a foreign culture

Dagdag pa niya, kinakailangang unawain na pawang mga batang maagang namulat sa paggamit ng mga produkto ng teknolohiya at pawang mga bubot pa sa karanasan ang mga manunulat sa Wattpad.

“Ano ang epekto ng machine sa kaniyang (mga batang manunulat) sensibilidad gayong hindi naman tao ang kaharap niya? Iyong sensibilidad niya, nasasala ng screen at cursor na kaharap niya. Kaya iyon lang ang kaniyang mundo,” aniya. “Hindi pag-ibig ang problema ng sambayanan, maraming problema ang Filipinas, hindi puro pag-ibig lang.”

Mababang uri ng panitikan

Sa usapin naman ng pagtuturing sa mga kuwentong Wattpad bilang makabagong uri ng panitikan, ipinaliwanag ni Reyes na malaking bahagi ng pinagmumulan ng mga kritiko laban sa Wattpad ang paggamit ng wika sa mga kuwento na naililimbag rito.

Aniya, wika ang siyang dahilan kung bakit mas binabasa ng kabataan ang mga gawa nina Bob Ong at Eros Atalia sapagkat nagsusulat sila gamit ang wikang alam ng mga bata.

Gayunpaman, inamin ni Reyes na basta hindi maaaring ikumpara ang mga gawa nina Ong at Atalia sa mga kuwentong Wattpad sapagkat kahit pangkaraniwan ang wikang gamit, iba ang lalim ng mga usapin kung saan umiinog ang kanilang mga kuwento.

Binanggit din ni Reyes na mayroong dalawang uri ng panitikan—ang high literature at low o pop literature.

Bagaman sinasabi ng karamihan na hindi maituturing na panitikan ang mga kuwentong Wattpad sa kadahilanang mababa ang kalidad nito para sa kanila, iginiit ni Reyes na maituturing pa rin itong anyo ng makabagong panitikan.

“Titingnan ‘yan as low literature. Ang target audience niyan iyong mahihina ang ulo. Ang ikinaaalarma ko riyan, dumarami na sa sambayanan ang mga batang mahihina ang ulo,” aniya.

READ
Uban

Patuloy na pagbabago

Sa kabilang banda, sinabi naman ni Roberto Ampil, tagapangulo ng Departamento ng Filipino sa Unibersidad, na mayroon din namang magandang dulot ang pagkahumaling ng mga kabataan na magsulat at magbasa ng mga kuwentong Wattpad.

“Magandang senyales ito na tumataas ang readership ng mga Filipino,” aniya.

Sa pamamagitan ng patuloy na pakikisabay ng mga batang manunulat sa mabilis na pag-usad ng teknolohiya gamit ang computer at Internet, higit na napakikinabangan ang mga ito sa mabilis na pagkakatuto.

“Ang gadget ay hindi lamang luho o pang-display, nakatutulong ito upang mapadali ang access sa impormasyon,” ani Ampil.

Bilang pag-sang-ayon sa pagbabagong ito, binanggit rin ni Reyes na malaki ang tiyansa na humusay ang kalidad ng mga kuwentong Wattpad.

“Yung mga nagsusulat diyan, bata at ang mga nagbabasa, bata. Ten years from now, hindi na bata ‘yung nagsusulat diyan. ‘Yung nagbabasa, mag-mamature din,” aniya.

Dagdag pa niya, isang representasyon ng karanasan ng tao ang panitikan kaya naman nagbabago ito habang dumarami at lumalalim ang karanasan ng manunulat. Erika Mariz S. Cunanan at Kimberly Joy V. Naparan

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.