Updated- HIGIT NANG maisusulong ng Unibersidad ng Santo Tomas ang pag-angat sa antas ng edukasyon at pananaliksik dahil sa iginawad na rito ng Commission on Higher Education (Ched) ang ganap na awtonomiya sa pamamahala sa mga gawaing pang-akademiko.

Ayon kay Ched Chairman Ester Garcia, isinulong ang hakbangin ng deregulasyon upang bigyang pagkakataon ang may 30 pribadong kolehiyo at unibersidad sa bansa na pamahalaan ang kanilang mga gawain tulad sa nagsasariling pampublikong sistema ng paaralan. Higit dito, layunin ng komisyon na bigyang pansin ang mga paaralang nangangailangan ng ibayong pamamahala.

Ang ganap na awtonomiya ang nagbibigay karapatan sa Unibersidad na gumawa ng sariling curricula at magbukas ng mga bagong kurso nang hindi na sasangguni at hihingi ng pahintulot mula sa Ched.

“They need not get permits from the commission to offer new courses. The boards of trustees of these schools will have the authority to decide on this thing,” ani Garcia.

Maaari na ring rebisahin at pag-ibayuhin ng mga pribadong kolehiyo at unibersidad ang kasalukuyan nilang mga programa at maglabas din ng mga special orders para sa mga magsisipagtapos.

Pinagkalooban ng komisyon ng ganap na awtonomiya ang mga pribadong kolehiyo at unibersidad na may mataas na accreditation mula sa Philippine Association of Colleges and Universities – Commission on Accreditation (PACUCOA), Coordinating Council of Private Educational Association (COCOPEA), at Federation of Accrediting Agencies of the Philippines (FAAP). Kabilang din sa deregulasyon ang mga paaralang ginawaran ng titulong Centers of Excellence (COEs) at Centers of Development (CODs) ng Ched. Ginamit ding pamantayan ng komisyon ang overall performance ng mga paaralan sa bar examinations at iba pang pagsusulit mula sa Professional Regulation Commission.

READ
Pananampalatayang Tomasino, saan na patutungo?

Binibigyan ng mga nabanggit na lupon ng accreditation ang mga kolehiyong may malawak na pananaliksik at may mataas na antas ng pagtuturo.

Sa kasalukuyan, may Level IV accreditation ang Faculty of Medicine and Surgery, samantalang muling binigyan ng Level III accreditation ang College of Science. May Level II accreditation naman ang Faculty of Arts and Letters (AB), College of Commerce, College of Education, Faculty of Engineering, Graduate School, College of Nursing, Faculty of Pharmacy, at College of Physical Therapy.

Pangalawa naman ang UST sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa may pinakamaraming bilang ng COEs at CODs. Kabilang sa walong COEs ng Unibersidad ang College of Architecture, mga programa sa Philosophy at Literature sa AB at Graduate School, Electronics and Communications Engineering, Conservatory of Music, College of Nursing, Faculty of Medicine and Surgery, at Chemistry.

Nangunguna naman ang UST sa may pinakamaraming bilang ng CODs. Kabilang dito ang Business and Management Education ng College of Commerce, mga programang Chemical, Electrical, Mechanical, at Industrial ng Faculty of Engineering, Biology at Business Education ng Graduate School at Biology ng College of Science.

Kinikilala rin ang UST dahil sa mataas na passing rate nito sa bar at iba pang board examinations.

Kamakailan lang, nanguna ang UST sa Physicians Licensure Examination nang magtala si Thadeo Catacutan ng Faculty of Medicine and Surgery ng 87.92 na bahagdan. Samantala, pumangwalo si Prudence Angelita Kasala ng Faculty of Civil Law sa bar examinations noong nakaraang taon.

Kabilang din sa mga kolehiyo at unibersidad sa Kamaynilaan na pinagkalooban ng ganap na awtonomiya ang Ateneo de Manila University, De La Salle University, Centro Escolar University, Philippine Christian University, Miriam Colleges Foundation, Saint Scholastica’s College, Saint Paul’s College ng Manila at Quezon City, Saint Joseph’s College, Quezon City, San Beda College, at Jose Rizal University.

READ
Archbishop Villegas receives 'pallium' from Pope

Kabilang sa mga paaralan sa lalawigan na pinagkalooban ng awtonomiya ng CHEd ang Siliman University ng Dumaguete, University of San Carlos, Cebu, at Saint Louis University ng Baguio City.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.