SUWABE. Mapang-akit. Yan ang unang mapapansin sa uri ng musika ni Mishka Adams. Habang kumakanta siya sa entablado ng UST Recital Hall 2 noong Hulyo 22, mapapansin ang pagkamangha at pagkaaliw ng mga manonood sa batang musikero.

Kahit na baguhan pa lang siya, unti-unti nang nakikilala si Adams sa larangan ng jazz music sa bansa. Ngunit masasabi ring hindi na siya bago sa mundo ng sining, sapagkat naimpluwen-siyahan na siya ng kanyang mga magu-lang—isang makata at isang manli-lilok—sa murang gulang pa lamang.

Na-hinang ang kanyang galing sa musika sa pag-aaral niya ng saxophone, at sa pagsali niya sa jazz trio sa paaralan sa London. Nang makabalik siya sa Pilipinas, nag-aral siya sa Conservatory of Music ng Unibersidad ng Pilipinas kung saan lalo pa niyang pinagbuti ang galing sa saxophone.

Unang napansin ang talento ni Adams sa isang konsiyerto ng sax legend na si Courtney Pine. Pero mas napansin ang kanyang galing nang parangalan siya ng 18th Awit Awards bilang Best New Female Recording Artist, sa kabila ng mas kilala niyang mga kalaban tulad nina Kitchie Nadal, Rachel Ann Go, at Frenchie Dy.

Hango ang title track sa unang album ni Adams, “God bless the Child,” mula sa kanta ng batikang musikero ng jazz na si Billie Holiday. Kasama rin sa album ang mga kantang “Summertime” ni George Gershwin at “Body and Soul” ni Holiday. Maliban sa mga kantang hinango niya mula sa mga tanyag na musikero, mayroon din siyang isinulat na mga bagong kanta, tulad ng “Mama’s Garden” at “Marrakech.”

Mainit ang pagtanggap ng mga Tomasino kay Adams, na kasamang nagtanghal ang Blue Ridge musicians, na ang maraming miyembro ay nagmula sa bandang Pinikpikan, at ang batikang musikero ng jazz na si Tots Tolentino, miyembro ng bandang Johnny Alegre Affinity.

READ
Prayer rally vs RH bill set on Aug. 4

Kahit na mas nabibigyang pansin ang mga novelty songs ngayon, patuloy pa rin ang pagtaguyod ng mga musikerong katulad ni Adams sa mas hindi popular na klase ng musika tulad ng jazz. At dahil na rin sa mga parangal na nakukuha ng mga tulad niya, unti-unti na ring nakikilala ang mga alternatibong klase ng musika.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.