MARAMING katotohanan sa mundo ang hindi nasisiwalat o pilit itinatago. Ngunit, wala nang papait pa sa pagtanggap ng katotohanang wala na sa iyo ang itinuring mong sa iyo at hindi mapapasaiyo ang inakala mong sa iyo, maaaring kinuha ng walang pahintulot o lumisan ng walang paalam.
***
Sa aming paglilibot ng aking mga kaibigan sa mga punerarya upang alamin kung may nabuburol pa na biktima ng pinakahuling trahedya para sa artikulong aming isusulat, nakilala at nakapanayam namin ang matalik na kaibigan at nakababatang kapatid ni Dahlia Catedral.
Isa si Dahlia, 35 taong gulang ng Nasipit, Agusan del Norte sa higit 70 nasawi sa sunog sa Quezon City Manor Hotel, ang pinakamalubhang trahedya kasunod ng sunog sa Ozone Disco noong 1996 at sa natupok na Lung Center of the Philippines noong 1999, parehong naganap sa nabanggit na lungsod.
Ibinahagi nila sa amin ang masasaya nilang sandali sa piling ni Dahlia. Sa aming pag-uusap, hindi ko sila kinakitaan ng anumang lungkot o panunumbat dahil sa sinapit ng kanilang minamahal. Alam nila na lumisan si Dahlia na handa sa magaganap. Bagaman may pagbabadyang nahiwatigan ang kanyang kapatid, pilit niya itong iwinaksi sa kanyang isipan. Ayaw niyang pabaunan ng alalahanin si Dahlia na noon ay dadalo sa tatlong araw na pagtitipon ng Dawn Flower Destiny Conference, sa pangunguna ng Don Clowers Ministries.
Isang natatanging pagkakataon iyon na makakilala ako ng isang mapag-arugang ina, mapagmahal na kapatid, at mabuting kaibigan. Bagaman magka-iba ang aming paniniwala, humanga ako sa iniuukol niyang panahon sa pagtuturo sa mga kabataan ng aral mula sa Bibliya, sa pagiging bukas-palad, at sa taos niyang hangaring maglingkod sa Panginoon.
Sayang. Alaala na lamang ang kaaya-aya niyang ngiti sa kanyang mga naiwan. Tumimo sa aking isipan, sa una at huli naming pagkikita, ang mukha niyang naglarawan sa hirap na kanyang dinanas sa pilit na pagliligtas sa sarili mula sa natutupok na gusali, hanggang sa pakikipaglaban niya sa pagamutan upang makapiling, sa huling sandali, ang kanyang pamilya.
Tulad ng ibang nawalan ng mahal sa buhay, masakit ang katotohanang wala na sa piling nila si Dahlia, ngunit tanggap nila ang katotohanang ito. Batid nilang nasa piling na siya ng Panginoon, ang tanging nakaaalam ng katotohanan, at ng ating kahihinatnan.
***
Nagtuturuan na naman ang mga kinauukulan sa kung sino ang may sala hinggil sa trahedyang naganap. Huwag sanang mabaon sa limot ang katotohanang dapat bigyang katarungan ang mga nasawing dumayo lamang sa Kamaynilaan para dumalo sa isang pagtitipong alay sa Panginoon.
Patawan ng mga kinauukulan, sa lalong madaling panahon, ng karampatang parusa ang mga nagpabaya sa maintenance at konstruksyon ng Manor Hotel. Sa pagkabuhay muli ng isyu tungkol sa mga lugar na walang kaukulang pasilidad at kagamitan sa katulad na trahedya, nagsimula “muli” ang mga awtoridad sa paninita sa mga lumalabag sa regulasyong ito, na pag nakaligtaang subaybayan, hahantong na naman sa isang “ningas-kugon.”
***
Kay daming aral tungkol sa katotohanan ng katotohanan ang aking natuklasan at ngayo’y malalimang pinag-iisipan.
Minsan, mas mabuting ipagpaliban na lamang ang mga bagay na hindi pa panahon pag-usapan, o sariwain ang mapapait na nakaraan na lalong nagpapatagal sa paghilom ng mga sugat. Isa ito sa mga katotohanan na ipinaunawa sa akin ng isa sa matalik kong kaibigan, matapos ang aming di-pagkakaunawaan.
Hindi ko rin makalilimutan ang ibinahagi sa akin ng isang kaibigang naniniwalang may kahihinatnan ang aking paghihintay at ang anila’y, aking pagpapakasakit. Maaaring produkto lamang ng imahinasyon ang kanyang sinabi ngunit kahit papaano, nagbigay pag-asa ito sa akin.
Gayunpaman, alam ko kung saan ang aking lugar at tanggap ko ang katotohanang iyon. Sa pagdaan ng mga araw, marami pang katotohanan ang sa akin ay malalantad subalit, hindi magbabago ang anumang aking pinaniniwalaan. Tanggapin ko man ang mga katotohanang inihahain sa akin ng tunay na mundo, handa ko pa ring panghawakan ang katotohanang siyang pumupuno ngayon sa aking kakulangan, kahit gaano man kapait iyon.