SA PANAHON kung kailan ang umiiral na krisis pampinansyal ay nagdudulot ng kawalan ng trabaho sa buong mundo, sinasabi na nakalalamang ang mga taong maraming alam gawin bukod sa kanilang natapos na espesyalidad.
Sa isang kabanata ng programang Kapuso Mo, Jessica Soho noong Peb. 7, ipinalabas dito ang mga taong nagtratrabaho sa mga call center kahit na wala itong kaugnay sa kanilang natapos na kurso. Ang kanila lamang pagkakaparehas ay ang kakayahang magsalita ng ikatlong lenggwahe bukod sa Filipino at Ingles. Isa na rito ang wikang Espanyol.
Noong panahon ng pananakop ng Kastila sa bansa, itinuturing na nakaaangat ang mga ilustrado o ang mga Pilipinong marunong magsalita at makaintindi ng Espanyol, kung saan kabilang ang ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal.
Naging kapaki-pakinabang kay Rizal at sa kilusang Propogandista ang wikang Espanyol upang maipabatid ang kanilang mga hinanaing sa marahas na pamamalakad ng Espanya sa Pilipinas sa pamamagitan ng paglalathala ng iba’t ibang sulatin sa La Solidaridad, at ang mga tanyag na nobela ni Rizal, ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo.
Ngunit hindi nagtatapos noong panahon ng pananakop ng Espanya ang paggamit ng mga Pilipino sa wikang Espanyol. Maging sa kasalukuyan, hindi mabibilang ang dami ng mga salitang Filipino na hinango mula sa naturang lengguwahe gaya na lamang ng mga salitang silya, biyahero, at bente, na ginagamit sa pang-araw-araw na pakikipag-usap.
Ayon sa katuwang na archivist ng Unibersidad na si P. Fidel Villarroel, O.P., kapwa niya mga paring Espanyol ang nagsimulang magpalaganap ng nasabing wika sa Pilipinas sa pamamagitan ng paggamit nito sa pagtuturo noong panahon ng pananakop.
Taong 1952 nang naisapabatas ang Republic Act No. 709 na nag-obliga sa lahat ng unibersidad at kolehiyo sa bansa na magbigay ng 12 units na asignatura sa wikang Espanyol sa lahat ng kurso.
“In 1957, the Cuenco Law (amended R.A. No. 709), wherein students (from Law, Liberal Arts, Commerce, Education, and Foreign Service) were required to take 24 units in their four years of study,” ani Villarroel sa isang panayam ng Varsitarian. “(However) after 10 years (1967), the program was a failure.”
Ayon sa kanya, ito ay sa kadahilanang hindi nakikita ng mga estudyante noon ang kahalagan ng wikang Espanyol.
Subalit iba na ang panahon ngayon.
Para kay Prop. Marilu Madrunio, tagapangulo ng Departamento ng Wika sa UST, maraming Pilipino na ang nagnanais matuto ng ibang wika at maging multi-lingual dala na rin ng mga trabahong in-demand ngayon tulad ng pagiging call center agent.
“Those with background not only in Filipino and English, but also in (other languages) will really have more (job) opportunities over the others,” ani Madrunio.
Batay sa datos na inilalahad ng Ethnologue: Languages of the World (2005), ikatlo ang wikang Espanyol sa mga pangunahing ginagamit na lengguwahe sa mundo. Tinatayang 420 milyong katao ang nagsasalita nito, kung saan 350 milyon ang gumagamit nito bilang katutubong lengguwahe at 70 milyon naman bilang pangalawang lengguwahe. Sa katunayan, ang Espanyol ang isa sa anim na opisyal na wika ng United Nations.
Kakulangan sa propesor
Ani Madrunio, bagaman batid nila ang benepisyo ng pagkakaroon ng kurso sa banyagang wika, partikular na ang Espanyol, isang malaking hadlang sa departamento ang kakulangan ng propesor na may kakayahang magturo nito.
“Iba ‘yung able to speak the language sa able to teach the language,” paliwanag ni Madrunio. Aniya, dapat ang propesor ay tapos ng kursong Espanyol bilang unang katangiang kinakailangan para makapagturo sa Unibersidad.
Sa kasalukuyan, mayroon na lamang anim na propesor ng Espanyol sa Unibersidad, matapos pumanaw noong Disyembre si Prop. Rogelio Obusan.
Lima sa anim na propesor ay mga extendees o mga propesor na patuloy na nagtuturo sa Unibersidad kahit na sila ay dapat nagretiro na. Ang ika-anim naman na propesor ay isang visiting professor mula Espanya na nandito sa Unibersidad sa bisa ng isang kasunduan sa pagitan ng UST at ng Agencia Española de Cooperacion Internacional, isang ahensya sa ilalim ng Embahada ng Espanya na nagpapadala ng isang propesor sa Unibersidad upang magturo ng Espanyol sa loob ng tatlong taon.
Ang mga propesor ay nagtuturo sa Faculty of Arts and Letters, College of Science, at College of Tourism and Hospitality Management — ang tatlong natitirang kolehiyo sa UST na nagbibigay ng kursong Espanyol.
“We have a dearth of Spanish professors,” ani Madrunio.
Ayon kay Villarroel, ang resulta ng pagkakaroon lamang ng anim na propesor sa Espanyol ay ang hindi epektibong pagkatuto ng mga estudyante ng lenggwahe.
Samantala, hinikayat naman ni Prop. Josefina Gonzalez, isa sa limang extendees, ang mga batang propesor na nakapag-aral ng Espanyol sa Espanya na bumalik sa bansa upang magturo ng naturang lengguwahe. Aniya, taun-taon ay nagbibigay ng scholarships ang gobyerno ng Espanya para makapag-aral doon ng Espanyol ang ilang piling Pilipino. Inaasahan silang bumalik upang makapagturo sa Pilipinas, ngunit nagiging pangunahing problema naman ang mga pansariling desisyon ng mga nakatanggap ng scholarship kung saan nila nais magturo.
“There were scholars who do not go back to the Philippines anymore,” ani Gonzalez, dating katuwang na dekano ng Faculty of Arts and Letters kung saan siya kasalukuyang nagtuturo ng Espanyol.
Sinangayunan ito ni Jose Rodriguez, direktor ng Instituto Cervantes, isang pandaigdigang organisasyon na may misyong ipalaganap ang wika at kulturang Espanyol.
“Some Filipinos who study in Spain stay there to pursue further studies, or (to find) high-paying jobs,” aniya.
Vertical articulation
Ang kakulangan ng propesor ang itinuturo ring dahilan ni Madrunio kung bakit nahihirapan ang departamento na muling paunlarin ang wikang Espanyol sa Unibersidad.
Sinabi niya na sa kasalukuyan, nasa planning stage pa lamang ang vertical articulation ng mga ahensya at departamento sa Unibersidad.
Nilalayon nito na mapatatag ang mga departamento sa Unibersidad sa pamamagitan ng paghahati sa kanila ayon sa mas espesipikong disiplina. Ibig sabihin ang tatlong wika na pinangangasiwahan ng Departamento ng Wika – Filipino, Ingles, at Espanyol – ay maaari maging tatlong hiwa-hiwalay na departamento at magkakaroon ng kanya-kanyang tagapangulo at mga tauhan.
Aniya, mas magiging malakas ang isang departamento kung ito ay naka-tuon lamang sa isang disiplina.
Ngunit hindi lamang ang Unibersidad ang gumagawa ng paraan upang muling buhayin ang wikang Espanyol. Ang mga estudyante ay katuwang din nila sa adhikaing ito.
Subalit aminado si Navarre Espinoza, pangulo ng Circulo Hispano Tomasino, na hindi ito madaling gawin lalo na kung mismong ang mga estudyante ay tila nawalan na ng interes sa wikang Espanyol.
“We have 318 members. Base on this number, I can say that (interest in) the Spanish language (among) UST (students) is already (dying),” ani Espinoza.
Ilan sa mga proyekto ng Circulo Hispano Tomasino ay ang Dia de Amistad, na ang ibig sabihin ay Araw ng Pagkakaibigan sa pagitan ng Pilipinas at Espanya kung saan nag-iimbita sila ng mga Espanyol na tagapagsalita na nagpapaliwanag ng kahalagahan ng wika sa Pilipinas; at ang Fiestas de Peliculas, kung saan ang mga miyembro ng organisasyon ay nanonood ng mga pelikulang Espanyol upang lalo nilang maintidihan ang wika at kultura ng Espanya.
Espanyol sa mataas na paaralan
Samantala, pabor naman sina Gonzalez, Villarroel at Madrunio sa panukala ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) na gawing asignatura sa pampublikong paaralan ang Espanyol.
Noong Enero ay nabalita na simula sa susunod na pasukan ay magiging isang elective subject na ang Espanyol sa mga pampublikong mataas na paaralan sa ilalim ng “Special Program in Foreign Language” ng kagawaran. Binabalak itong ipatupad ng gobyerno sa 17 paaralan sa buong bansa kung saan magkakaroon ng dalawang klase sa Espanyol na binubuo ng 35 estudyante bawat isa.
“In the selection of the pilot schools, only secondary schools with the highest Mean Percentage Score (MPS) in English in the whole region will be selected,” ayon sa isang opisyal na pahayag ng Kagawaran ng Edukasyon.
Ayon kay Owen Milambileng, officer-in-charge ng staff development division ng Bureau of Secondary Education sa ilalim ng kagawaran, ang mga gurong magtuturo ng Espanyol sa susunod na pasukan ay isasabak sa isang crash course sa bakasyon sa ilalim ng Instituto Cervantes.
Nilinaw ni Rodriguez na ang crash course ay hindi matatapos sa bakasyon dahil ang mga guro ay sasailalim naman sa siyam na buwang online training.
“The Spanish government is very supportive of this (program). In fact, Universidad de Alcala in Madrid is planning to offer scholarship to those teachers who will excel in their crash course,” ani Milambileng sa isang panayam sa telepono.
Sinabi niya na ipapatupad ang programa upang lalo pang mapatatag ang ugnayan ng ating bansa sa Espanya.
“But the primary objective is to offer a course that would be advantageous to the students (in the future),” dagdag ni Milambileng.
Sinangayunan ito ni Villarroel na nagsabing Espanyol ang wika ng komersyo. Ito ang isa sa mga pangunahing dahilang kanyang nakikita kung bakit tunay na mahalaga ang pagkatuto ng Espanyol maliban sa hindi maitatangging dami ng mga taong nagsasalita ng wikang ito.
Bagaman aminado na malaki ang maitutulong ng pagkatuto ng mga estudyante ng wikang Espanyol, tila hindi naman sigurado si Madrunio kung kaya ba ng gobyerno na maipatupad ito ng maayos.
“I don’t know. Kung tayo nga sa UST nahihirapan eh,” ani Madrunio.
Para naman kay Prop. Zendel Taruc, languages coordinator sa Kolehiyo ng Narsing, masyado pang maraming mga isyung kinakaharap ang DepEd ngayon na higit na kailangang pagtuunan ng pansin.
“Hindi pa masyadong naaayos ang ibang elements ng basic education. Malaking-malaki pa ang mga isyung kinakaharap ng DepEd sa pagtuturo ng Ingles at Filipino,” ani Taruc.
Masusuportahan ito ng katotohanang marami pa sa mga guro ng basic education ang hindi pa gaanong bihasa sa pagtuturo ng wikang Ingles at Filipino, aniya.
Isa naman sa mga problemang nakikita ni Villarroel sa panukala ang mahirap na paghahanap ng mga kuwalipikadong mga guro. Kakaunti na lang kasi ‘di umano ang kumukuha at nagtatapos ng Bachelor of Arts Major in Spanish sa bansa ngayon. Maging ang pagkuha ng mga dayuhang magtuturo ay mahirap din sa kadahilanang kakaunti lamang silang nais na magtrabaho sa Pilipinas.
Para naman kay Gonzalez, hindi masisisi ang gobyerno kung ito ay mapipilitang gumamit na lamang ng isang crash course para sa mga guro sa halip na paaralin sila sa ibang bansa dahil hindi naman na bumabalik ang mga ito.
Pero higit sa mataas na paaralan, sinabi ni Gonzalez na ang lahat ng unibersidad sa Pilipinas ay dapat magturo ng isang banyagang wika, maging ito’y Espanyol, Mandarin, Pranses, o iba pa.
“Personally, I think all colleges in the University should have a Spanish subject,” ani Gonzalez.
Sinangayunan ito ni Villarroel na nagsabing bilang kaisa-isang unibersidad na naitatag mula pa noong panahon ng pananakop ng Espanya, malaki ang kaugnayan ng wikang Espanyol sa UST.
“Spanish is important in historical research,” ani Villarroel.
Taong 1987 nang tanggalin bilang requirement ang kursong Espanyol sa kolehiyo sa bisa ng Artikulo 14, Seksyon 7 ng Konstitusyon na nagsasaad na ang opisyal na wika ng bansa ay Filipino at Ingles.
“Spanish and Arabic shall be promoted on a voluntary and optional basis,” dagdag pa nito.
Tinutulan ni Taruc ang pagbabalik ng Espanyol bilang mandatory course sa kabila ng kanyang pag-sang-ayon na magiging maganda kung maituturo ang wika sa lahat ng kolehiyo.
“Depende kasi iyon sa mga programang ibininibigay ng kolehiyo. It’s either elective o may choice yung bata kung gusto niyang kumuha at magkaroon ng karagdagang pag-aaral ng ibang wika,” ani Taruc.
Hindi na raw ganoon ka-praktikal kung idaragdag pa sa programa ng mga kursong hindi naman masyadong nangangailangan ng karagdagang asignatura, partikular na sa banyagang wika, ang wikang Espanyol. Sa attitude na raw ng bata nakasalalay ang kagustuhan sa pagkatuto ng wikang Espanyol, o maging ng iba pang wika.
Gayunpaman, pinanindigan ni Villarroel na ang pagkatuto ng wikang Espanyol ay isang mainam na daan upang maiging maunawaan ang kasaysayan ng bansa sa panahon ng kolonyalismo.
The mere fact that it’s been reduced to six units is distressing. Students won’t learn that much aside from ¿cómo está? and ¡hasta mañana! On top of that, the lack of diacritics is also a tell tale sign. Tomás is a Spanish name; the university, bearing St. Thomas’s Spanish name, should spell its official name as “Universidad de Santo Tomás”, or at least “Univeristy of Santo Tomás”