Sanchez
ISANG dating katuwang na patnugot ng Varsitarian ang muling kinilala bilang Makata ng Taon ng Talaang Ginto: Gawad Surian sa Tula-Gantimpalang Tamayo noong ika-2 ng Abril sa Philippine International Convention Center.

Pinarangalan si Louie Jon Sanchez ng Komisyon sa Wikang Filipino para sa kanyang tulang “Ang Galit na Kristo” na base sa miyural na “Angry Christ” ni Alfonso Ossorio sa Chapel of St. Joseph the Worker sa Victorias Milling Corp., Negros Occidental. Ipinapakita sa naturang miyural ang imahe ni Kristo na animo’y nakatitig sa mga sumasamba, at pinalilibutan ng tila patak ng apoy.

Iginagawad ang nasabing parangal sa sinumang magkakamit ng unang gantimpala sa naturang timpalak sa pagsulat ng tula, kasabay ng pagdiriwang ng araw ni Francisco Balagtas. Kabilang sa mga Tomasinong makata na nakatanggap na ng naturang parangal sina Teo Antonio (1976), Victor Emmanuel Carmelo Nadera, Jr. (1985), at Cirilo Bautista (1993).

“Kung may butil man ng kaalaman na itinatangi at ipinagpapasalamat ko sa pagtula ay ito iyong pagtamasa sa buhay, at laging pagtingin dito sa kaniyang kariktan at kasaganaan,” ani Sanchez nang tanggapin niya ang parangal.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nakamit ni Sanchez ang naturang parangal. Taong 2006 nang itanghal siya bilang Makata ng Taon para sa kanyang akdang “Pagninilay sa Larawan ng Isang Monghe.”

Nagtapos si Sanchez ng kursong Pamamahayag sa UST noong 2002. Nagsilbi siyang patnugot ng seksyong Filipino ng Varsitarian noong 2001 at naging katuwang na patnugot nang sumunod na taon.

Kinuha naman niya ang kanyang Master of Fine Arts in Creative Writing sa De La Salle University kung saan siya nagturo ng panitikan, malikhaing pagsulat at humanidades. Pinarangalan siya ng Catholic Mass Media Award noong 2004 para sa kanyang katha.

READ
Medicine, Pharmacy, Architecture alumni top licensure exams

Kasalukuyan niyang pinamamatnugutan ang travel magazine na Balikbayan.

Para kay Sanchez, panandalian lamang ang sayang dulot ng pagkakapanalo ng isang prestihiyosong gantimpala. Aniya, “ang tunay na manunulat, kahit walang pagkilala, magsusulat at magsusulat.”

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.