KINONDENA ng ilang mga pangkat ng mga manunulat sa Filipinas ang kasalukuyang pamamaraan ng “war on drugs” ng administrasiyong Duterte.

Sa kanilang opisyal na pahayag, tinutulan ng Unyon ng mga Manunulat ng Pilipinas (UMPIL) ang paggamit ng pamahalaan ng dahas sa ngalan ng nabanggit na kampanya.

Giit ng organisasiyon: “Such campaign has led to unnecessary bloodshed and the oppression of the powerless. Thousands of lives have been lost, and our days and nights have been filled with rage and disquiet.”

Isang taon matapos ilunsad ang giyera kontra-droga o “Oplan Tokhang,” umabot na sa mahigit 13,000 ang kaso ng pagpatay kaugnay nito—kabilang na ang mga napaslang sa kamay ng mga hinihinalang vigilante.

Kinakailangan ng tapat na imbestigasiyon sa mga kaso ng extrajudicial killings sa ilalim ng kasalukuyang administrasiyon upang mapangalagaan ang karapatang pantao ng bawat Filipino, ayon pa sa pahayag ng UMPIL na inilathala sa Facebook noong ika-21 ng Agosto.

Magugunitang ilang mga menor de edad ang napabilang kamakailan lamang sa hanay ng mga biktima ng war on drugs. Ilan dito sina Kian delos Santos, 17; Carl Angelo Arnaiz,19; at Reynaldo de Guzman, 14, na binansagan ng pamahalaan bilang “collateral damage” at hindi dapat maging hadlang sa layunin nitong tuligsain ang sirkulasiyon ng ilegal na droga sa Filipinas.

Nakiisa ang Philippine Center for International PEN (Poets and Playwrights, Essayists, Novelists), samahan ng mga iginagalang na manunulat sa loob at labas ng bansa, sa panawagan para sa hustisya kay delos Santos, na pinatay sa isang police operation sa lungsod ng Caloocan, at iba pang mga biktima ng kampanya kontra-droga.

Sa kanilang opisyal na pahayag, iminungkahi ng organisasiyon ang pagsasagawa ng tapat na imbestigasiyon sa mga kapulisan na may kinalaman sa pagpaslang kay delos Santos at sa iba pang kaso ng extrajudicial killings.

Samantala, nagpahayag din ng pagkondena sa war on drugs ang Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), isang non-government organization na binubuo ng mga makata sa bansa.

“Ang problema ng droga ay sistemiko’t kailangang harapin sa isang sistemikong paraan, na siyang maaaring maging pangunahing sandigan lalo na ng mga walang yaman at kakayahan,” pagdidiin ng LIRA sa kanilang opisyal na pahayag na inilathala sa Facebook noong ika-22 ng Agosto.

Bukod pa rito, inilunsad ng organisasiyon ang “Labintatlong Tulang Tokhang,” koleksiyon ng mga tulang nagpapahayag ng pagtutol sa war on drugs at paggunita sa mga napaslang kaugnay nito.

Narito ang bahagi ng “Kota” ni Aldrin Pentero na inilathala sa unang isyu ng koleksiyon:

“Muli ngayong nag-uulat, nag-uulit ang umaga.

Pareho ang sinasabi ng retrato sa diyaryo:

Patong-patong na ang bangkay sa napunong punerarya.

Marami pang nakalista’t nakatakdang mabisita.”

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.