SA BAWAT limang umiibig, isa lang ang magiging maligaya.
Sa teoryang ito umiikot ang nobelang Para Kay B (Writers’ Publishing Studios Inc., 2008) ng batikang scriptwriter na si Ricky Lee, may-akda ng scriptwriting manual na Trip to Quiapo at siyang nasa likod ng mga ‘di-malilimutang pelikulang gaya ng Jose Rizal, Deathrow, at Madrasta.
Ang Para Kay B ay kuwento ng limang babae – sina Irene, Sandra, Erica, Ester at Bessie – na siyang kumakatawan sa teorya sa pag-ibig ni Lee. Tinatalakay ng akda ang iba’t ibang mukha ng pag-ibig na madalas hindi natin kinikilala, kagaya ng incest at homosexuality. Ngunit kahit mistulang kalipunan ng iba’t ibang mga kuwento ang nasabing nobela, sa huli, makikita rin ang koneksiyon ng bawat tauhan, tagpuan, at iba pang maliit na detalye sa isa’t isa.
Unang mapapansin sa aklat ang personal touch na ibinigay ng manunulat sa kanyang gawa. Makikita sa mga pahina nito ang bura sa talaan ng mga nilalaman at ang mga sariling sulat-kamay ni Lee na nagpapabukod-tangi sa ibang aklat.
Binibigyang kulay din ng kakaiba nitong mga tauhan ang nobela dahil sa mga iba’t iba nilang mga katangian. Halimbawa na lamang ang pagkakaroon ng photographic memory ni Irene, ang bida ng unang kuwento. Kayang-kaya niyang alalahanin lahat ng kanyang mga nakikita at ulitin ang bawat salitang kanyang naririnig kahit paminsan-minsa’y masakit ang kanyang mga nasabing karanasan. Samantala, natatangi naman ang pagiging sobrang patas ni Sandra, na siyang nakaapekto sa mga naging desisyon niya sa buhay, mula sa kanyang pakikipag-relasyon sa kapatid niyang si Lupe hanggang sa pagkakaroon niya ng anak dito. Ang pagiging taga-Maldiaga naman ni Erica, isang kathang-isip na lugar na walang konsepto ng pagmamahal, ang maglalaro sa imahinasyon ng mga mambabasa sa pangatlong istorya. Kawili-wili din ang katauhan ni Ester na itinatanggi ang kanyang pagkababae kahit na nabuking na ng kanyang anak ang naging relasyon nila ni Sara, ang dati nilang kasambahay. Ang kamalditahan ni Bessie, bagama’t kaiinisan ng mambabasa sa una dahil sa pagmamaltrato niya kay Lucas, ay katutuwaan din dahil sa positibong pagbabago ng kanyang pakikitungo sa binata.
Kahit ang mga sumusuportang mga tauhan sa nobela ay nakatutuwa at hindi madaling malimutan. Sa kabanata ni Ester, agaw-pansin ang baklang anak niyang si AJ, na nagbitiw ng mga nakatutuwang linya gaya ng “Girl, carabao lang ang naggu-grow old!”
Bukod sa mga tauhan, maituturing din na isa sa mga kalakasan ng nobela ay ang sensitibong pagtrato nito sa mga maseselang usapin. Sa ikalawang kuwento, bagama’t hindi tanggap sa lipunan at sa mata ng Diyos ang pag-iibigan nina Sandra at Lupe, nagawa ni Lee na kunin ang simpatiya ng mga mambabasa at palabasin ang bawat karakter bilang mga taong walang ibang nais gawin kundi ang umibig.
Mapapansing naipamalas rin ng manunulat ang kanyang kakayahang hanapan ng balanse ang mga mabibigat at magagaang mga paksa sa nobela. Kung ano ang ikina-drama at lungkot ng kuwento ni Sandra ay siya namang ikinagaan at sigla ng kuwento ni Erica. Makikita sa kuwento ng huli kung paano nahumaling sa ideya ng pag-ibig ang isang babaeng nanggaling sa isang bayang walang konsepto ng romansa, nang dahil sa panonood ng mga telenobela.
Kapansin-pansin sa nobela ang hindi nito pagsunod sa mga tradisyunal na pamantayan sa pagsusulat. Mula sa paraan ng pagkatha hanggang sa mga salitang ginamit, makikita ang hindi pormal na istilo sa pagsusulat ng may-akda. Isang halimbawa nito ang linya tungkol kay Irene: “Pinilig niya uli ang ulo at parang mga basurang naglaglagan sa sahig ang mga linya. She is starting to feel like a freak. Ano’ng gagawin ni Donald, iuuwi siya sa Mommy nito, Mommy, Mommy, look what I brought home, a freaking walking Internet!”
Hindi gumamit si Lee ng mga panipi, kung kaya’t idinaan niya ang ibang bahagi sa paraang pa-dayalogo na maihahalintulad sa isang iskrip.
Nakabibilib isipin kung paanong pinagtagpi-tagpi ni Lee ang bawat kuwento upang mapatunayan ang teorya ng quota ng pag-ibig. Dahil sa pulidong paraan ng pagsasalaysay ni Lee ay malinis ang daloy ng kuwento.
Kahit na gasgas na gasgas nang paksa ang pag-ibig, siguradong mapapaibig ka sa mga istoryang nakapaloob sa nobela – umibig ka man noon, umiibig ka man ngayon, o iibig ka pa lamang. Maria Karla Lenina Comanda