HINDI lubos akalain ni Anne Celine Marquez, ikalawang taon sa kursong B.S. Chemistry, na mapapasakamay pa niyang muli ang nawalang mp3 player na nagkakahalaga ng P25,000 nang ipatawag siya ng UST Security Office upang kumpirmahin kung pag-aari niya ang nakuha sa isang pinaghihinalaang magnanakaw.

Sinampahan ng kasong pandurukot si David Notarte, 34, residente ng Sta. Cruz, Maynila sa Manila Police District (MPD). Kapag napatunayang nagkasala, ikalawang beses nang makukulong si Notarte sa parehong kaso.

Sa sinumpaang salaysay ni Marquez sa sa istasyon ng pulis noong Hunyo 17, araw kung kailan nawala ang kanyang mp3 player, nasa baggage counter siya noon ng isang bookstore sa Dapitan nang mapansin niyang bukas ang kanyang bag, ngunit pinagsawalang-bahala lamang niya ito.

“Pero nung manghiram sa akin `yung kaklase ko, at hindi ko na makita (ang mp3 player), doon ko na nalaman na nawawala na pala,” ani Marquez.

Ayon kay Rommel Bronyo, isang laboratory assistant sa College of Science na tumayong testigo sa krimen, oras ng pahinga niya noon nang makita niya si Notarte na nagbubukas ng bag ng isang estudyante kaya’t dali-dali niya itong ipinagbigay-alam kay Joan Robidillo, isang civilian guard, na tinimbrehan ang kasamahang gwardiya na si Samuel Castro upang manmanan ang suspek.

“Nang makarating sa Dapitan gate ang suspek ay kinapkapan namin ang kanyang mga bulsa at pinabuksan ang kanyang bag kung saan namin nakita ang ang isang 32GB Silver Apple Ipod Touch, kaya’t agad naming dinala sa opisina ang suspek,” sabi nina Robidillo at Castro sa kanilang mga sinumpaang salaysay.

Sa pamamagitan ng phonebook sa “Ipod” nalaman ng mga otoridad kung sino ang nagmamay-ari nito.

READ
UST 'passport' and the Welcome Walk

Nakumpirma ng Santo Tomas E-Service Provider na taga-College of Science nga si Marquez.

Itinanggi naman ni Notarte ang akusasyon at sinabing ibinenta lamang sa kanya ang mp3 player.

“Hindi po totoo `yon. Ibinenta lamang sa akin yan ng isang Mark Anthony, isang Nursing student, sa halagang P5,000 tatlong araw na ang nakakaraan,” ani Notarte sa Varsitarian.

Ayon kay Eric Magundayao, acting deputy commander ng Security Office, hindi maiiwasan ang pagpasok ng mga magnanakaw sa campus.

“Kasi ang paalam ni Notarte ay pupunta lamang sa ospital para magpa-check up. Ang iba sasabihin naman ay kakain sa isang food chain sa loob (ng UST) o kaya pupunta daw sa simbahan, kaya hindi talaga natin sila ma-mo-monitor isa-isa,” ani Magundayao.

“Kaya pag nanakawan sila, ipagbigay alam agad sa kahit na sino mang gwardiya na malapit sa kanila.”

Ikinulong ang suspek sa MPD Station 4 sa Sampaloc.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.