SA KABILA ng mabilis at samu’t saring pagbabago sa komunikasyon, pantay na pagpapahalaga pa rin ang dapat ituon natin sa Filipino, katutubong wika, at dayuhang wika na humuhubog sa kultura at kasaysayan ng Filipinas.

Sa paglulunsad ng “Linguistic Atlas ng Filipinas” ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) na naglalayong itala ang mga impormasyon gaya ng distribusiyon, deskripsiyon, at mapa ng mga wika sa bawat rehiyon, mas mapagyayaman at mabibigyang-pansin ang mga katutubong wika. Ilan sa mga ito ang unti-unti nang nawawala o iilan na lamang ang nagsasalita.

Kasabay ng mga hakbang upang mas makilala ang mga wika na tila isinasantabi na, dapat ring palakasin ng gobyerno at akademiya ang patuloy na pagpapayabong ng dayuhang wika—Kastila at Ingles—na naging bahagi na ng ating kasaysayan at pagkakakilalan.

Kilala ang mga Filipino sa mahusay na paggamit ng salitang Ingles sa iba’t ibang larangan. Ingles ang pangunahing wikang ginagamit sa mga kolehiyo at unibersidad, gobyerno, trabaho, mga legal dokumento at iba pa. Malaking bahagdan din ng midya sa bansa, lalo na sa mga peryodiko.

Sa kabilang banda, napakalaking bahagi ng kasaysayan ng Filipinas ang nakasulat sa wikang Kastila. Maraming pahayagan ng mga Filipino ang nalathala sa Kastila sa loob at labas ng bansa, katulad ng La Solidaridad ng mga Propagandista: nagsisilbi ang mga ito na fuente o balong ng mga impormasyon sa pagsisiyasat sa kasaysayan ng bansa.

Hanggang sa bisperas ng digmaan, Kastila ang lingua franca, ang wika ng liderato pulitikal at komersiyo, ang wika ng mga pantas at dalubhasa, ang wika ng mga makata’t artista. Ito rin ang wika ng mga mga sinasabing hijos de pais at mga nasyonalista. Kastila ang wika ng mga pundador ng bayang Filipinas—nina Rizal, Del Pilar, Mabini at Aguinaldo. Ang tinuturing na Bibliya ng bansang Filipinas ay nakasulat sa Kastila—ang Noli Me Tangera at El Filibusterismo.

READ
Enrollment soars anew

Isa rin ang Kastila sa mga tinuturing na “Romance languages” na halaw sa Latin, ang lingua franca ng Pax Romana. Kabilang sa mga wikang ito ang Pranses, Portuges, at Italyano, pawang mayayamang wika. Dahil din sinakop ng mga Romano ang Britanya, maraming salitang Ingles ay halaw sa Latin.

Dagdag pa rito, binubuo ng mga hiram na salita mula sa mga Kastila ang mga pang-araw-araw na salitang gamit ng mga Filipino sa pakikipag-usap. Halimbawa na lamang ang paggamit ng mga numerong Kastila sa pagsasabi ng halaga ng pera at oras.

Kastila at ibang wikang “romance” ang salita ng humigit-kulang na isang bilyong tao. Kastila ang salita ng mga nangungunang mga manunulat, makata, dalubhasa sa mundo. Ang kultura popular na mula sa Espanya at Latino Amerika ay isang kulturang global. Tinatayang sa susunod na hererasyon, ang magiging presidente ng Estados Unidos ay Kastila ang unang wika. Maging ang mga Koreano, Hapon at Sino ay nag-aaral ng Kastila para lalong mapatingkad ang kanilang komersiyo.

Bukod sa pagiging bahagi ng araw-araw na buhay ang paggamit sa wikang Ingles at Kastila, ang kasanayan sa paggamit ng mga ito ay nagbibigay ng potensiyal sa mga Filipinong umangat sa labas ng bansa.

Pinapatunayan ito ng iba’t ibang pandaigdigang enkuwesta o panlipunang pagsisiyasat na pumapalo mula sa ikatlo hanggang sa ika-anim na puwesto ang Filipinas bilang bansang may pinakamalaking English-speaking population.

Sa kabila nito, nakababahala na marami pa rin sa mga Filipino, kahit na mga nakapagtapos na sa kolehiyo, ang hirap sa pakikipagtalastasan gamit ang mga pandaigdigang wika, lalo na sa Ingles, kung saan ang mga naunang henerasiyon ay garil na. Lalo pang nakababahala na hindi na pinagyaman ng Filipino ang Kastila, na tulad ng Ingles ay isang “global language.”

READ
Noynoy to nation: 'Work with me'

Hindi rin kaaya-aya para sa tinaguriang pangalawa sa mga pinakamalaking “business process outsourcing (BPO) country” ang resulta na isang pag-aaral ng IT & Business Process Association of the Philippines na walo hanggang 10 porsiyento lamang ang hiring rate na naitatala sa Filipinas dahil sa kakulangan sa kasanayan, lalo na sa paggamit ng wikang Ingles.

Marami ang nakakapagsalita ng Ingles, ngunit sa hindi tamang paraan—kulang ang kaalaman sa paggamit ng tamang balarila at hindi pulido ang pagbuo ng mga pangungusap.

Samantala, maaari sanang mapalawig ang lakas ng Filipinas sa BPO kung marunong lamanag mag-Kastila ang Filipino dahil maging ang mga malalaking kumpanya sa Estados Unidos at sa Kanluran ay nangangailangan ng mga marunong mag-Kastila para sa kanilang industriya.

Bagaman lahat ng paaralan sa bansa ay mayroong required subject na naglalayong luminang sa abilidad ng mga mag-aaral na magsalita ng Ingles, nabibilang lang sa daliri ang mga unibersidad at kolehiyo na mayroong required subject sa wikang Kastila, kabilang na rito ang Unibersidad ng San Carlos sa Cebu at Unibersidad ng Santo Tomas.

Maituturing bilang malaking kontribusiyon ang pagsisikap ng Unibersidad na panatalihin ang kalinangan sa wika dayuhan o sariling wikang Filipino at mga katutubo. Sumasalamin sa pagsisikap ng UST na mapahalagahan ang iba’t ibang wika sa minsang pagkakaroon ng Libertas, isang Katolikong peryodikong itinatag ni P. Buenaventura Paredes, O.P. na nakasulat sa wikang Kastila, ng Kalayaan, pahayagan sa Tagalog, at Varsitarian, na mayroong regular na seksiyong Filipino.

Iilan na lang rin ang mga institusyong kagaya ng UST ang gumugunita sa mayamang kontribusyon ng mga Kastila—mula sa disenyo at arkitektura ng mga impratruktura hanggang sa pagkakalimbag ng dalawang bersiyon ng Lumina Pandit na naglalaman ng mga makasaysayang aklat at publikasiyon na naikubli ng Unibersidad simula noong ika-16 siglo.

READ
UST braces for worse floods

Ang kasanayan sa pakikipagtalastasan gamit ang iba’t ibang global language ay maiituring bilang isang competitive edge ng isang bansa.

Mapalad ang Filipinas dahil sa bukod sa yaman ng kultura, maipagmamalaki rin nito ang human resources na pinapatunayan ng 2.3 milyong overseas Filipino workers, ayon sa huling ulat noong 2014. Bagaman karamihan dito ay mga unskilled workers, malaking konsiderasyon pa rin ang kasanayan sa pagsasalita ng wikang Ingles.

Ngunit hindi dapat hayaan ng mga Filipino na ang pagiging isa sa mga top English-speaking na mga bansa ay manatiling isang bansag o taguri lamang.

Kasabay ng patuloy na pagpapayaman at pagbuhay sa mga rehiyunal na pananalita, nararapat ring mas pagtibayin pa ng mga Filipino ang kakayahan sa pagsasalita ng Ingles at Kastila. Hindi maaalis ang katotohanan na ang Filipinas ay hindi native speaker ng mga wikang ito, ngunit ang bilang ng mga mamamayang makapagsasalita, makapagsusulat, at makapagbabasa nito sa kahit sa pinakasimpleng paraan ay maituturing na isang kakayahan.

Kung nagagawang buhayin ang mga naghihingalong wikang rehiyunal sa bansa, marahil kaya ring pagtibayin ang kakayahang makipagtalastasan nang tama sa wikang Ingles at Kastila.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.