NATAPOS man ang pagdiriwang ng ikaapat na siglo ng Unibersidad, patuloy pa rin ang adhikain nito sa pagtataguyod ng Simbahan, lipunan, at pamilya.
Pinagbuklod ang tanggapan ng UST Simbahayan 400, ang Quadricentennial Centerpiece project, at ang Office for Community Development (OCD) na tatawagin na ngayong “UST Simbahayan Community Development Office” noong Agosto 1.
Ayon kay Marielyn Quintana, dating tagapangasiwa ng UST Simbahayan 400, ang pag-iisa ng dalawang tanggapan ay isang hakbang upang mapaigting ang pagkakakilanlan ng mga Tomasino.
“Father Rector [Herminio Dagohoy] has mentioned before [in his speech during the Misa de Apertura] that Simbahayan will be a focus of his administration,” ani Quintana na itinilagang direktor ng bagong tanggapan. “He even mentioned that he wanted to come up with research-based community development projects.”
Kasalukuyang binabalangkas ng UST Board of Trustees ang bagong istruktura ng UST Simbahayan, aniya.
Idinagdag pa ni Quintana na ang pagsasailalim ng National Service Training Program (NSTP) ng UST sa Simbahayan ay isang magandang hakbang upang mapalawig ang pagtulong ng Unibersidad lalo na sa mga partner communities nito.
Samantala, nakapagtapos sa high school ang pitong Aeta mula sa Brgy. Malasa sa Bamban, Tarlac sa pamamagitan ng alternative learning system (ALS) o pag-aaral gamit lamang ang radyo, isang programa ng OCD.
Ang ALS ay isa sa mga proyektong pang-edukasyon ng UST na naglalayong makapagpaaral at makapagpatapos ng beneficiaries mula sa kanilang mga partner communities—matanda man o bata. Ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng radyo kung saan ang mga guro ng Unibersidad ay nakapagtuturo sa kanilang mga mag-aaral na nasa malalayong lugar.