SA KASALUKUYAN, umabot na sa 20 ang naitalang kaso ng Influenza A(H1N1) sa Unibersidad mula nang mabalita ang unang kaso noong Hunyo. Ngunit kung tutuusin, maliit pa ito kumpara sa bilang ng mga nabiktima ng Hepatitis A outbreak sa Unibersidad 12 taon na ang nakararaan.

Noong 1997, mahigit 500 estudyante at empleyado ng UST ang nabiktima ng Hepatitis A, isang sakit na nagdudulot ng pamamaga ng atay. Karaniwan itong nakukuha mula sa pagkain at inuming nakuntamina ng isang taong mayroong Hepatitis A.

Sa isinagawang imbestigasyon ng Bureau of Research and Laboratories sa ilalim ng Kagawaran ng Kalusugan, natuklasang anim na tanke ng tubig sa loob ng UST ang may mikrobyong coliform bacilli na siyang naging dahilan ng pagkakasakit ng mga estudyante.

Itinurong dahilan ng administrasyon ang maruruming tubo ng Manila Waterworks and Sewerage System (MWSS) kung saan dumadaloy ang tubig papasok ng Unibersidad.

Pinabulaanan naman ito ng MWSS at sinabing hindi nila kasalanan kung bakit marumi ang tubig sa loob ng UST. Ayon sa MWSS, tungkulin ng administrasyon ang pagliilinis ng mga tubo sa Unibersidad.

Ayon kay Dr. William Olalia, noo’y direktor ng UST Health Service, maaari namang inumin ng mga estudyante ang tubig sa loob ng UST, ngunit hindi nila ito pinayagan habang wala pang rekumendasyon galing sa kinauukulan.

Patuloy na tumaas ang bilang ng mga estudyanteng may Hepatitis A mula Disyembre 1996 hanggang Marso 1997. Ang sakit ay naging sagwil sa mga atleta ng Unibersidad, at mahigit 100 estudyante at empleyado ang na-confine sa UST Hospital ng mga panahong iyon.

READ
UST drivers resort to illegal parking

Gumawa ng mga hakbang ang administrasyon para maiwasan ang paglaganap ng virus tulad ng pagpaskil ng posters at pagbigay ng pamphlets ukol sa pag-iwas sa sakit, pagbawal ng pag-inom ng tubig, pag-monitor sa mga kainan sa loob at labas ng UST, at paglinis sa lahat ng mga tanke ng tubig sa loob ng Unibersidad.

Dahil sa pananahimik ng administrasyon ukol sa pinagmulan at oagkalat ng naturang virus, bumuo ang mga estudyante, kasama ang ibang mga magulang at empleyado ng UST, ng alyansang Act Now! na nagsilbing boses ng mga biktima ng Hepatitis A.

Hiniling ng grupo na bigyan ng P50,000 ang bawat biktima ng sakit bilang danyos at libreng pagpapagamot sa mga estudyante. Nanawagan din sila ng malinis na tubig sa buong Unibersidad, hindi pagtaas ng matrikula, at isang public apology.

Bagaman hindi natupad ang lahat ng kahilingan ng Act Now!, naglabas ng pahayag ang UST na bibigyan nila ng karampatang tulong ang mga dinapuan ng sakit.

Katulad noong panahong laganap ang Hepatitis A, gumagawa ng mga hakbang ang UST para maiwasan ang pagdami ng mga kaso ng A(H1N1) sa Unibersidad katulad ng paglalagay ng liquid soap sa mga palikuran at pagtatakda ng mga booths sa bawat gusali para sa mga estudyanteng nais magpatingin.

Tomasino Siya

Madalas gamitin ang acronym na AMV bilang pantukoy sa UST Carpark o kaya naman ay sa College of Accountancy. Ngunit kilala niyo ba kung sino si AMV?

Isa sa mga pinakaaktibo sa sektor ng kalakalan sa loob ng humigit-kumulang animnapung taon si Alfredo M. Velayo. Noong 1940, nagtapos siya bilang summa cum laude sa UST kung saan siya kumuha ng kursong accountancy. Sa edad na 19, naging certified public accountant na siya.

READ
Comic art back with a vengeance

Taong 1974 nang imbitahan siya ng kaibigan at kapwa Tomasinong si Washington Sycip upang buuin ang Sycip, Gorrez, Velayo (SGV) & Co., ang pinakamatanda at pinakamalaking auditing firm sa bansa sa kasalukuyan.

Kasabay ng pagtatrabaho niya rito, nagturo rin siya sa University of the East. Itinalaga naman siya ni dating pangulo Ramon Magsaysay bilang Chairman of the Board of Accountancy noong 1954.

Nang magretiro siya sa SGV noong 1970, naging ehekutibo siya sa iba pang malalaking kumpanya tulad ng Lepanto Consolidated Mining.

Noong mga taong 1961 at 1965, pinarangalan siya bilang isa sa mga pinakanatatanging alumni ng Kolehiyo ng Komersiyo para sa kanyang mga napagtagumpayan sa kanyang propesyon. Noong 2004 naman, isa siya sa mga nakatanggap ng Outstanding Thomasian Alumni Award mula sa UST.

Ipinangalan kay Velayo ang AMV-College of Accountancy ng Unibersidad nang itatag ito noong 2004. Ayon kay Laura Acuzar, pangulo ng College of Commerce Alumni Foundation, Inc, ipinangalan kay Velayo ang kolehiyo dahil sa kanyang integridad sa larangan ng accountancy at kalakalan.

Tomasalitaan:

sag-wíl (png)- anumang sagabal sa isang gawain o layunin.

Halimbawa: Naging sagwil sa kanyang pag-aaral ang pagkakaroon ng sakit.

Mga Sanggunian:

The Varsitarian: Tomo 37. Blg. 9, Marso 1965

The Varsitarian: Tomo 69. Blg. 12, Marso 29, 1997

The Varsitarian: Tomo 76. Blg. 7, Nobyembre 24, 2004

1 COMMENT

  1. Dear Misses Francisco & Umali,

    Thank you for the wonderful write-up about Mr. Alfredo M. Velayo or AMV, as our fellow Thomasians call him. AMV is now 90 years old and is still quite strong & active for his age. I hope that the College of Accountancy will be able to send him a copy of this issue of the Varsitarian so that AMV will be able to read your article.

    More power to the Varsitarian!

    Many thanks.

    Laura Suarez Acuzar

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.