HUMAKOT ng pitong posisyon sa Top 10 ang UST sa Pharmacy board exam na ginanap noong Hunyo, ngunit sumadsad naman ang passing rate nito.

Pinangunahan ng Tomasinong si Cheryl Lynn Cu Tan ang 780 na pumasa ngayong taon. Nagkamit siya ng markang 89.75, kasama si Johannes Gubat ng University of the Philippines.

Nakuha rin ng mga Tomasino ang pangalawa, -tatlo, -apat, -lima, -anim, -walo, at -siyam na pwesto sa Top 10. Ito ay sina Paola San Roque (88.47), Maria Pantalla (88.42), Madinah Corpuz (88.17), Clairefrancis De Guzman (88.13), Charmaine Ong (88.05), at Patricia Abalos (87.72).

Nagtala ang Unibersidad ng 78 percent passing rate laban sa 59 percent national passing rate. Ito ay gumuhit ng malaking agwat mula sa 83 percent passing rate ng UST noong nakaraang taon.

Bahagya mang bumaba ang passing rate, ikinagalak naman ni Priscilla Torres, dekano ng Faculty of Pharmacy, ang naging resulta ngayong taon.

“Masaya ako na halos napuno natin ang mga pwesto sa Top 10, subalit ako ay medyo nadismaya dahil hindi umabot ang ating passing rate sa inaahasan ko,” ani Torres.

Sa kabuuang 1,322 na kumuha ng pagsusulit sa buong, 255 ang mga Tomasinong pumasa.

Samantala, nanalo naman ng unang gantimpala ang mga estudyante ng Pharmacy na sina Hazel Lopez, Toni Marie Luna, Rachelle Manalo, Jeriz Natividad, at Clarise Ngo mula sa Gruppo Medica at Department of Science and Technology noong Marso 11 para sa kanilang thesis na pinamagatang “A Study on the Mechanism of Platelet Increasing Activity of the Decotion and Ethanolic Extract of Euphorbia hirta L as a Treatment for Dengue Hemorrhagic Fever.”

READ
Sin opposes tithing and divorce bill

Ayon kay Torres, ang pag-aaral ay napapanahon dahil tinangka nitong alamin ang ibang pang lunas sa sakit na dengue fever.

Katangi-tanging propesyonal

Hinirang naman ng Professional Regulation Commission bilang “Outstanding Professionals” noong Hunyo 19 sina Torres, propesor Jacinta Cruz, at Candida Agcaoili sa larangan ng Pharmacy, Medical Technology, at Library Science.

Samantala, kinumpirma ni Torres ang bagong kasunduan sa pagitan ng UST at ng University of California at San Francisco na siyang magbibigay daan upang magpalitan ng mga piling estudyante ng dalawang unibersidad. Magtutulungan din sa pananaliksik at pag-eensayo ng mga propesor ang dalawang unibersidad.

“Naging matagumpay ang kolaborasyon na ito sa tulong ni Dr. Peter Kilala sa mga awtoridad ng [Amerikanong pamantasan]. Ang lahat ng parangal na natatanggap ng Pharmacy ngayon ay sumasalamin sa epektibong kultura ng pagtuturo ng aming mga propesor,” ani Torres.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.