“BAKIT nga hindi? Bitin nga ang isa, parang beer.”

Iyan ang sagot ni Conrado de Quiros sa mga mambabasa ng Inquirer nang marami ang humiling na magkaroon ng “Teyktu” ang kaniyang naunang kolum nitong Agosto na tumuligsa kina Cerge Remonde, Anthony Golez, ang kanilang “amo,” at iba pa.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng marami ang galing at ang walang takot na pamamahayag ni de Quiros gamit ang pagsusulat ngunit tila higit na marami ang nabilib, natuwa, at naaliw sa naturang pitak na ito. Bakit kaya?

Isa lang ang nakikita kong kasagutan sa tanong na iyan: Filipinong balbal ang ginamit niya sa pakikipagtalastasan.

***

Minsan, nagkuwento sa akin ang kapatid ko na nag-aaral sa pamantasan kung saan sikat ang kulay na puti at berde. Nag-grupo-grupo raw sila sa kursong Filipino upang talakayin ang teorya ng wika. Nang tanungin ang isa nilang kaklaseng babae kung ano ang kaniyang mga ideya ukol sa naturang paksa, walang maliw siyang sumagot, “Don’t ask me anything about Filipino. I don’t know anything in Filipino!”

Sa Pilipinas ba siya nag-aral? Filipino ba talaga siya’t walang halong dugo ng lahing banyaga? Tinanong ko sa kapatid ko ang mga katanungang iyan, at “oo” ang isinagot niya. Noong nakaraang taon rin sa College of Nursing, marami sa mga kaklase ko ang walang humpay na nagreklamo sapagkat wikang Filipino ang lengguwaheng kinailangan sa pagsulat ng tesis sa Literatura. Maliban sa kadahilanang hindi itinuturing ng mga mag-aaral ng Nursing na kasing-halaga ng Medical-Surgical Nursing, Obstetrics, at iba pang sabjek na pang-narsing ang Literatura, marami ang nagsabing mahirap talagang gamitin ang Filipino sa pagsusulat kumpara sa pagsasalita. Bakit?

READ
Plant alkaloids, potential drug source says Japanese expert

Tunay namang maraming salig kung bakit ganoon na lamang ang pananaw ng karamihang kabataan ngayon pagdating sa lengguwahe. Malamang namulat kasi sa isang bansang pahirapan ang pagkakaroon ng pambansang wika. Hanggang ngayo’y isyu pa rin para sa ilan ang pagiging pambansang wika ng Filipino dahil ‘bunga’ lamang daw ito sa Tagalog. Ayon sa Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio Almario, ang protesta ng mga di-Tagalog sa wikang pambansa ay bunga lamang ng guniguni ng mga kaaway ng wika ? na ang konrtrobersiya ay wala sa isip ng bayan; ginagatungan lamang ito ng mga edukado’t politikong maka-Ingles at rehiyonalista. At dahil dito, wala pa rin tayong maipagmalaking pambansang literatura.

Wikang Ingles ang pangunahing lengguwahe gamit sa edukasyon. Bakit nga ba hindi Filipino?

Sinasabing kulang daw sa mga salitang pang-agham at teknolohiya ang ating wika kaya’t nahihirapan tayong magsulat gamit ang Filipino. Hindi lang alam ng karamihan na sa kasaysayan ng Pilipinas, maraming matalinong kabababayan natin ang gumawa ng paraan upang mapag-igting ang intelektuwalisasyon ng ating lengguwahe, gaya na lamang ng Balarila ni Lope K. Santos at ang diksiyunaryo sa kemika ni Dr. Bienvenido Miranda.

Tunay namang mahalaga ang Ingles sa pagiging kaisa ng mga Filipino sa lengguwahe ng mundo, ngunit sana’y mabigyan ng importansiya ang sariling wika. Siguro may mga ibang nagpupumilit na magsalita’t magsulat gamit ang wikang Ingles mapuri lang ng dayuhan, o mas malala’y maturingan lang na anak ni Uncle Sam. Isang halimbawa na lang ang “State of the Nation Adress” ng pangulo. Hindi ba’t higit na makabubuti kung purong Filipino ang gamit na wika upang maintindihan ng bawat Filipino ang katayuan ng bansa?

READ
Not only on Sundays

Ayon nga kay Almario, hindi “pambansa” at hindi “intelektuwalisado” ang Filipino dahil gayon nalang ang kasalukuyang katayuan ng bayan. Ngunit, hindi ito dahilan kung bakit hindi makapagsusulat ang mga Filipino gamit ang wikang Filipino. Bakit si de Quiros, balbal man ang ginamit, may dating pa rin?

Puwede naman sigurong magsusulat na parang nakikipag-usap lamang.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.