“Hope is the radical refusal to put limits on what God can do.”

HINDI na bago para sa mga Tomasino ang pagbaha sa tuwing malakas ang pagbuhos ng ulan o kaya naman ay bumabagyo. Gaya na lamang noong Setyembre 26, kung kailan isang lampas-tuhod na baha ang sumakop sa UST. Nakagugulat lamang na hindi kaagad humupa ang baha. Dahil dito, hindi bababa sa dalawang libong tao ang nagutom at nauhaw dahil sa pagkaka-stranded sa iba’t-ibang gusali sa kampus.

Noong sinabi sa seminaryo na kailangan ng volunteers para magdala ng makakain sa mga na-stranded, nagdesisyon akong sumama. Noong una, gusto ko lamang sumama kasi nababagot na ako sa loob ng seminaryo. Hindi na rin kasi ako makapag-text dahil walang signal at nagsasawa na rin akong magbasa tungkol sa pilosopiya. Kumbaga, gusto ko lang magkaroon ng kaunting adventure. Pero hindi ko akalaing higit pa sa pagpawi sa kabagutan ko ang aking mararanasan.

Habang lumulusong ako sa baha, nakita ko ang kalungkutan ng karamihan dahil sa pinsalang idinulot ng malakas na bagyong “Ondoy.” Nagmistulang ilog ang kalsada ng P. Noval at parang dagat naman ang España dahil sa rumaragasang agos ng baha. Tanging ang krus sa itaas ng Main Building ang nagsilbing palatandaan ko na nasa UST pa rin ako.

Batid ko na hindi isang laro ang sitwasyong kinahaharap namin noon. Alam kong hindi ganoon kadali ang kinalalagyan namin pero hindi namin hinayaang pumasok sa isip namin na wala nang magagawa pa para matulungan ang aming mga kapwa Tomasino.

Hindi man sapat ang mga dala naming pagkain dahil sa kakulangan ng supply, lubos-lubos pa rin ang pasasalamat ng mga taong kahit na-stranded na ay nakangiti pa rin. Batid siguro nila ang sakripisyo ng mga taong naghanda at nagdala ng pagkain at inumin sa kanila. Ang isang bote ng tubig at isang Styrofoam ng pagkain, bagaman simple at maliit na tulong lamang, ay napakalaking bagay para maramdaman nila na hindi sila pinabayaan at nalimutan.

READ
Trouble in 'Lovers' Paradise'

Napansin ko rin na sa kabila ng nangyari, nakuha pa rin ng lahat na magbigay-saya. Ugali na talaga nating mga Filipino ang ngumiti sa kabila ng mga problemang ating kinahaharap. Pinagagaan nito ang ating dalahin dahil alam nating matatapos din naman ang lahat.

Ipinakita lamang nito na sa bawat hirap na ating pinagdaraanan, hindi imposible ang maglingkod at magpakita ng pagmamahal sa kapwa nang hindi humihingi ng kahit ano pa mang kapalit.

Matapos ang lahat ng nangyari, nagpasalamat ako sa Diyos para sa pagkakataong maglingkod at maghatid ng saya sa aking kapwa sa kakaibiang karanasan sa araw na iyon.

*Si Diesta ay nasa ikatlong taon na sa kursong pilosopiya sa UST Central Seminary.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.