BILANG tugon sa mga negatibong atake sa simbahang Katoliko noong panahon ng mga Amerikano, inilunsad sa UST ang Libertas, ang unang arawang Katolikong pahayagan sa bansa at ang unang arawang pahayagang inilabas ng isang unibersidad sa mundo. Nagsilbi itong pahayagan ng simbahang Katoliko laban sa mga Protestante.
Dala-dala ng mga Amerikano ang paniniwalang hindi dapat nakikialam ang simbahan sa pamahalaan nang sila ay dumating dito. Ang prinsipyong ito ang naging dahilan upang lalong umigting ang kampanya at propaganda laban sa simbahang Katoliko.
Dahil dito kaya binuo nina P. Santiago Paya, O.P. at P. Valentin Marin, O.P. ang Libertas noong 1899 sa UST sa tulong ng noo’y arsobispo ng Maynila na si P. Bernandino Nozaleda na nagbigay ng halagang P2,000 upang masimulan ang paglathala sa pahayagan.
Sa pamumuno ni Marin, nagtulong-tulong sina Don Manuel Ravago at mga kaparian mula sa iba’t-ibang organisasyon na mailathala ang unang isyu ng Libertas noong Hulyo 7, 1899.
Nagmula ang pangalang Libertas sa ensiklika ni Pope Leo XIII noong 1888 na pinamagatang Libertas Praestantissimum (On the Nature of Human Liberty) at may layuning ipaglaban ang kalayaan sa paglalahad ng katotohanan.
Sa Libertas isinulat ni Marin ang ilang artikulo na naglalaman ng pagpanig niya sa Germany noong Unang Digmaang Pandaigdig. Maraming Amerikano at mason sa bansa ang nadismaya sa mga ito na nagbunsod sa pagtutol sa patuloy na paglathala sa peryodiko.
Naging dahilan ng pagsasara ng mga pahina ng Libertas ang paglalahad ni Wilson Woodrow ng Fourteen Points, isang talumpating may intensyon na tiyakin na ang nagaganap na digmaan ay para sa kapayapaan. Hindi naglaon ay hiniling ng mga beteranong Amerikano na tuluyan nang itigil ang paglathala sa Libertas na siyang sinang-ayunan naman ng noo’y gobernador-heneral Francis Harrison.
Ang huling isyu ng Libertas ay lumabas noong Enero 31, 1918.
Tomasino siya
Alam niyo bang sa isang Tomasino ipinangalan ang Edsa, isa sa mga pangunahing lansangan sa bansa?
Si Epifanio de los Santos o mas kilala bilang Don Panyong, ay nagtapos ng Licentiate in Law sa UST noong 1898. Isang kilalang abogado, mamamahayag, at manunulat, malaki ang naging kontribusyon ni De los Santos sa sining at kultura kaya ipinangalan sa kanya ang Highway 54 na nagdudugtong sa mga lungsod ng Pasay, Makati, Mandaluyong, Quezon City at Caloocan.
Isinilang sa bayan ng Malabon noong Abril 7, 1871, si De los Santos ay nagtapos ng Bachelor of Arts sa Ateneo de Manila University bago pumasok sa UST. Naging district attorney siya at hindi nagtagal ay naging gobernador ng San Isidro, Nueva Ecija. Taong 1906 naman nang nahirang siyang piskal ng Bulacan at Bataan. Naging direktor din siya ng National Museum at National Library noong 1925.
Kasama ang kaniyang kaibigang si Clemente Zulueta, itinatag nila ang pahayagang La Libertad sa Malabon noong 1898. Isa rin siya sa mga naging patnugot ng La Independencia sa likod ng sagisag-panulat na G. Salon.
Bihasa si De los Santos sa mga wikang Latin, Griyego, Kastila at Pranses. Itinuturing na isang klasiko sa panitikan ang kaniyang pagsalin ng Florante at Laura ni Francisco Baltazar sa wikang Kastila.
Namatay siya noong Abril 28, 1928 dahil sa cerebral attack. Kacelyn Faye L. Paje
Tomasalitaan:
Duyak (pnd) – manloko ng kapwa
Halimbawa: Dahil sa hirap ng buhay, maraming tao ang napipilitang manduyak ng kapwa para lang may makain.
Sanggunian:
Pe, Josefina L. The University of Santo Tomas in the 20th Century. UST Press, 1973.
Ayon sa aklat ng UST archivist na si Fr. Pablo Fernandez, “Dominicos donde nace et sol” ang dahilan ng pagsara ng Libertas ay dahil ito ay naglalabas ng mga “pro-German” na balita na taliwas sa mga ibinabalita ng mga Amerikano sa kanilang mga diyaryo. ito ay ikinagalit ng mga Amerikano sa Pilipinas at sinabing isang “security risk” daw ang Libertas kaya ito ipinasara. Hindi maaring dahilan ang Fourteen Points na balita dahil ito ay tungkol sa mga Amerikano at hindi maari itong ikagalit. siguro kung ito ay kristisismo ng Points ay maari pang dahilan