SA WAKAS, hindi na mananatiling pangarap ang pagkakaroon ng Kagawaran ng Filipino sa UST.

Nagbunga na rin ang ilang dekadang paglalathala ng Varsitarian ng mga hinaing ng mga guro sa Filipino sa pangangailangan ng isang tahanang masisilungan at magkakanlong sa wikang Filipino. Isang regalong maituturing ang pagkakabuo sa kagawaran noong Mayo 17 lalo na’t nataon ang pagbabalik nito sa quadricentenary ng Unibersidad.

“Ito na iyong repormang inaasam-asam namin matapos ang apat na taong pangungulit sa administrasyon,” ani Marilu Madrunio, pinuno ng Department of Languages ng UST na siyang nagsilbing tahanan ng wikang Filipino sa loob ng apat na taon.

Iniulat ng seksyong Filipino noong Agosto ang naging “paikot-ikot” na kalagayan ng wikang Filipino sa Unibersidad “magmula nang buwagin noong 1979 ang dating Kagawaran ng Filipino at ipagsanib ito sa isang departamentong binubuo ng iba pang itinuturong wika sa Unibersidad. Nang maglaon, binuwag rin ang kagawaran ng wika at pinalitan ng isang departamento para sa mga asignaturang general education.”

Ngayong mayroon nang sariling kagawaran sa wikang Filipino ang Unibersidad, na pamumunuan ni Imelda de Castro na propesor sa Faculty of Arts and Letters, asahan na natin ang pagkakaroon ng direksyon at pagpapalawak ng saklaw ng pag-aaral ng Filipino sa UST gaya ng pagbabalik ng undergraduate at postgraduate degree programs para sa FIlipino.

Nang maging tagapangulo ako ng Ustetika Taunang Parangal Pampanitikan noong Disyembre 2009, napansin ko na 30 porsiyento lamang ng mahigit 100 lahok ang sumali sa mga kategoryang Filipino, parehong bahagdan ng mga lumahok sa kategoryang poetry pa lamang.

Tila pagbabadya ang mababang bilang ng lahok sa mga kategoryang Filipino ng papakaunting bilang ng mga mag-aaral sa UST na nangangahas sumulat gamit ang Wikang Pambansa.

READ
Thomasian named envoy to China

Minsan nang inihayag ng ilang guro sa Filipino ang “pagkadismaya” sa hindi paggamit ng wikang Filipino sa Unibersidad na resulta umano ng pagkawala ng sariling kagawaran ng Filipino sa UST.

“Ang mga taga-La Salle, taga-Ateneo, at taga-UP, may sariling boses ang wikang Filipino. Pero sa UST, pahina nang pahina,” ani Reynaldo Candido, guro sa UST at dating katuwang na patnugot ng seksyong Filipino ng Varsitarian sa isang talakayan sa Faculty of Arts and Letters noong 2004.

Ngunit ngayong naibalik na ang kagawaran, maging hudyat na sana ito ng muling pag-usbong ng mga Tomasinong manunulat sa Filipino.

* * *.

“Lumilipas ang panahon, kabiyak ng ating gunita. Sa paglipas ng panahon bakit kailangan din lumisan.

– Kanlungan, Noel Cabangon

Iniuugnay ang numero 30 sa katapusan ng buwan samantalang sa pamamahayag, ginagamit itong pananda ng katapusan ng artikulo.

Simbolikong maituturing na sa loob ng dalawang taon ng pagpapaanod ng mga salita sa Varsitarian, nakapagsulat ako ng 30 kuwentong humubog sa akin bilang isang manunulat. Ang nakakatuwa (at nakakalungkot din), itong pitak na ito ay ang aking pinakahuli at ika-30 rin.

Kaya naman bago mag-sara ang ikawalumpu’t isang tomo ng Varsitarian, nais kong ipaabot ang aking taos-pusong pasasalamat sa mga taong naging bahagi ng aking apat na taon sa UST – dalawang taon doon, ginugol ko sa “Varsi.

Una sa lahat, salamat kina Mama at sa aking mga kapatid sa kanilang pag-intindi kung madalas ay mas matagal pa ang oras na ginugugol ko sa “Varsi kaysa sa bahay ; at kay Papa na nagsilbing inspirasyon ko mula nang pumanaw mahigit isang dekada na ang lumipas.

READ
CBCP: No to pro-RH bill candidates

Walang kaparis ang inyong patuloy at walang-sawang paggabay sa “Varsi, Sir Lito at Sir Ipe. Ang bawat aral, kritisismo at komento ay magsisilbing gabay sa pagpapabuti ng aming pagsusulat.

May mga pagkakataong naisip natin bumitiw ngunit ipinagpatuloy natin ang pagpapalipad ng guryon, kapwa ko outgoing staffers. Ngayon, panahon na upang ipasa ito sa mga maiiwan, babaunin ko ang ating mga katuwaan at ilang iyakan at ‘di pagkakaintindihan na sumubok at nagpatatag pa sa ating pagkakaibigan.

Mahalin at alagaan ninyo ang Varsitarian, incoming at incumbent staffers. Sa pagsasara ng tomong ito ay magiging isa ang inyong mga batch. Maraming bagay ang mas mauunawaan ninyo sa oras na kayo na ang magpapalipad ng saranggola. Matuto sana kayo mula sa aming mga pagkakamali. Hindi maiiwasan ang paminsan-minsang paglakas o paghina ng ihip ng hangin na susubok sa inyo pero huwag kayong susuko.

Pangarap lamang natin noon ang magkasama-sama sa isang organisasyon, Danielle, Ching, Athena, Sarah, at Prinz. Sabay-sabay man tayong nagsipagtapos sa Journalism at “Varsi,” alam kong simula pa lamang ito ng ating habambuhay na pagsasamahan.

Saludo ako sa inyo, Emil at Prinz, maging sa mga kapwa ko patnugot ng mga seksyon ng Varsitarian sa naging maayos na pagpapatakbo ng publikasyon ngayong taon.

Lahat ng aking natutunan sa pagiging isang mabuting manunulat at patnugot ay utang ko sa aking mga nakasama sa seksyong Filipino: kay Kuya Sam sa pagtuturo ng lahat ng aking dapat malaman at sa pagsisikap na maitaguyod ang ating seksyon; at Quinia, pinatunayan nating hindi makakasira ang isang posisyon sa ating pagkakaibigan.

READ
Mga liwasan sa loob ng UST

Sana’y naisalin ko sa inyo ang lahat ng aking natutunan, Iska (bagaman kinailangan mong lumisan sa kalagitnaan ng taon), Celyn, at Dana. Iilan lamang ang nangangahas na sumulat sa Filipino kaya’t natatangi ang mga nagiging bahagi ng seskyong ito ng Varsitarian.

Isa nang alamat ang ating tribo, Itals!

Papuri’t pasasalamat sa poong Lumikha sa kaniyang mga biyaya!

Madalas kong sabihin na dito ako sa “Varsi” naging tunay na masaya kaya’t ngayong panahon na ng paglisan, pakiramdam ko ay ninakawan ako ng kaligayahan. Pero sabi nga ni Paulo Coehlo, “Remember that there was a time when you could live without that thing or that person – nothing is irreplaceable, a habit is not a need.”

Magtatapos man dito ang kabanatang ito ng aking buhay, hindi rito magtatapos ang aking pagsusulat. Magpakailanman ay mananalaytay sa aking haraya ang mga alaalang nabuo sa sintang Varsitarian. Ngunit para sa ngayon, oras na upang isulat ang 30.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.