BATONG BAHAY, hindi munti. Ang mga kuwento ng pamilyang naninirahan doon ay sari-sari.
Dito umiikot ang Batong Bahay: Naratibo ng Kahirapan at Tagumpay ng Isang Karaniwang Pamilyang Pilipino (UST Publishing House, 2010) ni Clarence Batan, guro at mananaliksik ng sosyolohiya sa Faculty of Arts and Letters. Ito ay kuwento ng pamilya ng may-akda na tinulak ng determinasyon at pag-asa upang makaahon sa hirap at makapagpatayo ng bahay na yari sa bato. Nahahati sa limang kabanata, binubuo ito ng mga salaysay ng mga miyembro ng pamilya at kung paano nila matagumpay na naipatayo ang pangarap nilang tahanan mula sa unang porma nito na gawa lamang sa pinagtagpi-tagping kahoy.
Inialay ng may-akda ang unang kabanata na pinamagatang “Pundasyon sa dapit-hapon” sa kaniyang Nanay Biday (lola sa ina), na itinuturing niyang pundasyon ng kanilang tahanan. Ang pagpanaw ng kaniyang lola ang nagsilbing hudyat sa pagpapatayo ng kanilang tirahan.
Sa mga sumunod na ikalawa at ikatlong kabanata naman (“Haligi ng buhay” at “Ilaw ng tahanan”), isinasalaysay ng ama at ina ng may-akda kung papaano nila nairaos ang kanilang pamilya sa kabila ng kahirapan.
Inihambing naman ni Batan ang nag-iisa niyang kapatid sa “buhanging nagpapakapit sa relasyon ng pamilya,” na naging titulo ng ika-apat na kabanata. Dito isinalaysay ng Kuya Sherwin niya ang mga naging hidwaan nilang magkapatid dahil sa pagkukumpitensya sa isa’t-isa buhat noong sila’y mga bata pa lamang. Binigyang linaw naman sa huling kabanata na pinamagatang “Interseksiyon: Bahay kubo’t bahay na bato” ang tanong kung bakit sa kabila ng payak na buhay na kinagisnan ng pamilya ay nangarap pa rin silang mabili ang lupang kinatitirikan ng kanilang bahay at makapagpatayo ng sarili nilang tahanan na yari sa bato.
Malinaw na naipakita sa pagkakahati ng bawat kabanata ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayaring naganap sa buhay ng pamilya. Nagkaroon ng kaisipan ang mambabasa ukol sa mga ikinikuwento sa bawat kabanata dahil sa ilang pahinang puno ng makukulay na larawan ng pamilya. Nakabuti din ang diretso ngunit kontemporaryong paggamit ng wika ng may-akda upang mas naintindihan ng mambabasa ang mga pagpapahayag ng mga nagbigay ng salaysay.
Mahusay ding nabigyan ng tamang pagpapakahulugan ni Batan ang mga kaganapan sa kanilang buhay. Sa paraang ito ay naipakita niya ang kaniyang sinseridad na mailahad ang hirap na pinagdaanan ng kaniyang pamilya upang makamit ang minimithing pangarap.
Inilakip din ng may-akda ang ginamit niyang metodolohiya sa pagsusulat upang magawa ang aklat na inihambing niya sa mga “pakong ginamit upang mapagdikit-dikit ang mga materyales sa pagbuo ng kanilang tahanan”, bagay na nagpatunay sa pagkahilig ng may-akda sa sosyolohiya.
Kapansin-pansin din ang talento ng may-akda sa paggamit ng mga matatalinghagang salita bilang pagpapakahulugan sa mga tao o paksang tinatalakay niya sa kuwento, gaya na lamang ng pagpapakilala niya sa kaniyang Daddy Israel: “Tulad ng aming dating bahay, ang kaniyang pagka-ama ay nagsisimula sa pira-piraso, pinagtabasan, at pinagtagpi-tagping plywood.”
Nakawiwili rin basahin ang ilang linyang nag-uugnay sa nabuo niyang kaisipan tungkol sa ating kultura gaya ng, “hindi pala simple ang maging ilaw ng tahanan, ang maging ilaw ng pamilya. Dahil dito sa Pilipinas, ang pagiging ina ay hindi lang para sa mga anak.”
Sa huli, naging matagumpay naman ang Batong Bahay sa nais nitong ipabatid sa mga mambabasa, ang “mabigyang halaga ang bawat sandali sa araw-araw na buhay ng pamilya,” na napatunayan niya sa pagkakabuklod-buklod ng kaniyang pamilya upang maitayo ang kanilang batong bahay. J.A.D.P. De Leon
anopng panitikan to