SIMULA nang maitatag ang Unibersidad ng Santo Tomas noong 1611, ‘di lamang ito naging saksi sa makulay na kasaysayan ng bansa. Naging tahanan rin ito ng mga taong sa kalaunan ay nagpasisimula ng pagbabago sa ating Inang Bayan.
Bahagi ng mahabang listahan ng matatagumpay na nagsipagtapos sa Unibersidad ang mga bayaning una nating nakilala sa mga aklat ng kasaysayan, at noong bata pa tayo’y inakala nating may-ari ng mga kalye’t daan na nakapangalan sa kanila, mga taong tinitingala at pinagkauutangan natin ng ating tinatamasang kalayaan.
Nakaukit sa kasaysayan
Isa sa mga pinakatanyag na Tomasino si Jose Rizal, na kumuha ng kursong Metaphysics (Pre-law) at Medisina matapos mag-aral sa Ateneo Municipal de Manila.
Patuloy mang pinagtatalunan kung bakit nilisan ni Rizal ang UST at ipinagpatuloy ang pag-aaral ng Medisina sa Espanya, hindi pa rin maikakaila ang pagmamalaki ng Unibersidad na minsan nitong kinupkop ang nang lumao’y ituturing pala nating Pambansang Bayani.
Ayon kay Jose Victor Torres, dalubhasa sa UST History at propesor ng kasaysayan sa De La Salle University-Manila, hindi matatawaran ang kontribusyon ni Rizal sa pagmumulat ng mata ng mga Pilipino sa kaniyang panahon.
“Sa pamamagitan ng kaniyang mga isinulat, ipinakita niya sa mga Pilipino ang katiwalian sa gobyerno na naging mitsa ng Rebolusyon noong 1986. Isa siya sa mga Filipino na ipinagmalaki ang ating pagkakakilanlan,” wika ni Torres.
‘Di maikakailang naging malaking bahagi rin ng pagbabago noong panahon ng Kastila si Apolinario Mabini. Tinaguriang “utak ng himagsikan” at isa sa mga pangunahing tagapayo ni Emilio Aguinaldo, nagtapos ng abogasya si Mabini sa UST noong 1894. Nang maitatag ang unang Republika ng Pilipinas, naglingkod siya bilang primerong kalihim ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas.
“Naging ama rin ng bansa si Mabini. Alam niya kung ano ang isang estado at kung paano ito patatakbuhin,” ani Augusto de Viana, tagapangulo ng Department of History sa UST.
Ayon kay De Viana, nasasalamin sa mga akda ni Mabini ang kaniyang pagiging Tomasino dahil dito niya ibinahagi ang kahalagahan ng moralidad ng mga pinuno sa pagpapatakbo ng isang bansa.
Nakilala sa kasaysayan bilang Dakilang Lumpo, naging bahagi rin si Mabini ng Kongreso ng Malolos, ang nagsilbing pundasyon ng unang Republika. Sa 130 miyembro ng kongresong ito, nakasama niya ang 75 Tomasino gaya ni Felipe Calderon, na sumulat ng inaprubahang burador para sa konstitusyon ng bansa.
Malayang pag-iisip
Noong panahon ng mga Kastila, ang pagpasok sa isang pamantasan ay isang paraan upang matanggap sa lipunan.
“Ang pagtatapos sa isang unibersidad ay isang paraan upang ika’y maging kilalang tao at respetadong miyembro ng ating lipunan,” ani Torres, na dating nagtuturo sa Faculty of Arts and Letters.
Ayon sa kaniya, ang pagtaas ng bilang ng mga ilustrado (mga Pilipinong nabibilang sa educated and moneyed class) ay nagkaroon ng malaking parte sa pagtataguyod ng pagbabago sa lipunan.
Gayon pa man, mayroon ding katulad ni Mabini na sa kabila ng kahirapan ay nakapag-aral sa isang unibersidad.
‘Di maikakaila ang naging kontribusyon ng Unibersidad sa paglinang ng mga ideya ng mga Filipinong nag-aral dito. Ani Torres, naipasa ng mga Dominikanong namamahala sa Unibersidad ang malayang pag-iisip sa mga mag-aaral.
“Kung iyong susuriing mabuti, makikita mo na ang mga Tomasino ay magkaiba ang saloobin sa bawat isyu, mabuti man o hindi. Ang malayang paniniwalang mayroon ang pamantasan ang siyang naghihiwalay dito sa ibang unibersidad,” pagsang-ayon naman ni De Viana.
Dagdag pa ni Torres, kakaiba ang nangyari sa UST dahil ang liberal na pag-iisip na ibinahagi ng mga Dominikano (karamihan ay Kastila), ang siyang naging dahilan rin ng mga naging pag-aalsa laban sa kanila.
“[Ang UST] ay hindi lamang naging saksi sa mga pagbabagong pinagdaanan ng bansa, kundi naging bahagi rin nito. Kakaiba [ang naging bunga ng mga pangyayari] dahil ang mga taong nag-aral sa Unibersidad ang siya ring kumalaban sa mga nagtayo nito (mga Kastila),” aniya.
Tatak Tomasino
Para sa mga kasalukuyang nag-aaral sa halos 400-taong institusyon gaya nina Anjelo Ortega at Raymart Ricarte, lalo nilang ipinagmamalaki ang kanilang pagiging Tomasino dahil sa mga bayaning minsang namalagi sa kanilang itinuturing na ‘pangalawang tahanan’.
Para kay Ortega na nasa ikatlong taon ng Political Science, katibayan ang mga bayaning ito ng mataas na kalidad ng edukasyon na ibinibigay ng UST.
“Ipinagmamalaki ko na dito sila nagsipagtapos dahil sila ang mga nakapag-ambag sa pagkakaroon natin ng national identity,” wika niya.
Nahihikayat namang magsikap sa pag-aaral si Ricarte, na kumukuha ng kursong Accountancy, dahil sa mga kilalang tao na nagsipagtapos sa Unibersidad.
“Mas nagtiwala ako na magiging matagumpay ako dahil dito nagtapos ang mga bayaning gaya nila,” aniya.
Parehong naniniwala sina De Viana at Torres na mapalad ang UST at natupad nito ang gampaning mabigyan ng edukasyon ang ilan sa mga pinakamagagaling na iskolar noong panahong iyon. Sinabi ni De Viana na nakuha noon ng Unibersidad ang pinakamatatalinong Pilipino, gaya ni Mabini, na kayang lampasan ang sino mang nagsanay sa Europa.
“Makikita na ganoon pala kayaman ang UST dahil sa mga taong dumaan at nagsipagtapos sa unibersidad na ito,” dagdag ni Torres.