MULING nabuhay sa Kongreso ang panukalang batas tungkol sa “reproductive health” or RH at tila may pagbabago sa ilang mga probisyon ng bill na inihain kamakailan ni Edcel Lagman, kinatawan ng Albay na pangunahing nagsusulong nito.

Ngunit kapansin-pansin man ang pagbabago gaya ng sa probisyong sex education mula sa ikalimang baitang ng elementarya, tutol pa rin ang Simbahan at ilang health practitioners dahil sa anila’y mga mapaniil na panukalang naglalayong pangalagaan ng batas ang kagustuhang kontrolin ang bilang ng mga anak sa anumang paraang “legal,” labag man sa Katolikong moralidad.

Kadalasa’y napapako ang debate sa kritisismo sa Simbahan; sa pakikialam diumano nito sa pamamahala ng estado at sa diumano’y pamimilit na sundin ang mga Katolikong aral kahit na hindi lahat ng Pilipino ay kabilang sa Simbahan o kaya’y relihiyoso.

Ngunit lingid sa kaalaman ng nakararaming walang pagkakataong basahin ang panukalang “Reproductive Health and Population and Development Act of 2010,” maraming nilalaman nito ang nananatiling kontrobersyal dahil sa mga pagbabagong nais nitong gawin sa lipunan, sa pamamagitan ng batas.

Sex education

Sa lumang House Bill 5043 na ibinasura ng Kongreso sa pagsisimula ng taon, iminungkahing unahin sa kurikulum ng sex education ang “reproductive health and sexual rights,” na lubos na ikinabahala ng mga kritiko ng bill dahil sakop ng depinisyon ng reproductive health ang paggarantiya ng estado na ang bawat tao ay magkakaroon ng “satisfying and safe sex life,” at dahil ituturo ito simula Grade 5.

Sa bagong House Bill 96 na panukala ni Lagman, una na sa listahan ang “values formation.”

Ayon sa pagsusuri ni Obispo Pablo David, katuwang na obispo ng San Fernando at miyembro ng plenary council ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, nananatiling reproductive health at sexual rights ang pangunahing paksa at nilalaman ng bill, at pumapangalawa naman ang tungkol sa sex education.

“Ang pamagat ay tumutukoy pa rin sa reproductive health. Ang pagtataguyod nito sa bansa ang pundasyon ng layunin nito,” ani David.

Sa ibang bansa gaya ng Estados Unidos, nagkaroon na ng mariing pagtutol sa sex education dahil pangunahing itinuturo nito sa murang edad ang paggamit ng condom at iba pang contraceptives. Sa paningin ng mga konserbatibo, nakababawas ito sa layuning itaguyod ang pamilya bilang isang kapaki-pakinabang na institusyon ng lipunan. Nakababawas din dito ang mga ideyang “alternative lifestyles” at iba pa na maaaring ipasok sa kurikulum — may kalayaan ang sinomang piliin ang anumang landas ngunit di kailangang ituro ito sa murang edad.

Ani Patrick Gerald Moral, tagapangulo ng Department of Bioethics ng Faculty of Medicine and Surgery, ang magiging suliranin sa pagpapatupad ng sex education sa mga paaralan ay nakasalalay sa kung anong materyales at pamamaraan ang gagamitin sa pagtuturo.

READ
Skewed yardsticks

“Mahalaga ang sex education. Subalit kailangan ding pagtuunan ng pansin hindi lamang ang nilalaman kundi pati ang proseso ng pagsasagawa nito,” aniya.

Sa kabila nito ay nilinaw ni David na hindi tutol ang Simbahang Katoliko sa ideya ng pagpapabilang ng sex education sa kurikulum ng mga paaralan. Ayon sa kanya, hindi ito ang ikinababahala ng Simbahan, kundi kung ano ang dahilan sa likod ng mungkahi at ang magiging epekto nito sa kabataan.

Contraceptives

Sa Section 9, binansagang “family planning supplies” ang dating “contraceptives” sa lumang bersyon ng bill. Matatandaang ang paggastos ng pondo ng gobyerno sa pamamahagi ng contraceptives ay isa sa mga probisyon ng panukalang batas na mariing tinutulan ng Simbahan dahil taliwas ito sa aral na ang pagtatalik para lamang sa mag-asawa, at dapat bukas sa paglikha ng buhay at ‘di lamang para sa “recreation.”

Di naman lingid sa lahat na malayang ibinebenta sa merkado ang mga contraceptive, gaya ng condom na mabibili sa maraming tindahan.

“Tinututulan namin (Simbahan) ang pagtangkilik sa artificial birth control methods dahil maaaring magbunga ang paggamit nito sa abortion,” ani David.

Ito ay dahil ang isang “contraceptive lifestyle” ay sarado sa pagkakaron ng anak, at ang ‘di-inaasahang pagbubuntis kung pumalya ang contraceptives ay kalimitang nauuwi sa abortion, ayon na rin sa pag-aaral ng mga organisasyong pro-life sa bansang Amerika, na naging sentro ng tinawag na “contraceptive revolution” sa mga lumipas na dekada.

Isa pa, walang malinaw na programa para sa “natural family planning,” ang paraan ng paglalagay ng espasyo sa pag-aanak na aprubado ng Simbahan, kahit na sinasabi sa panukalang batas na kasama ito sa pagpapalaganap ng reproductive health.

Malinaw rin na ang contraceptives ay gagawing para sa lahat, di lamang sa mag-asawa.

“Kadalasan ang mga babaeng kasal ang gumagamit nito, ngunit hindi nakasaad sa panukalang batas na ang mga ikinasal lamang ang maaaring gumamit nito. Hindi dapat husgahan ng gobyerno kung sino dapat ang makagamit nito,” ani Larah Lagman, chief of staff ni Kinatawan Edcel Lagman

Ngunit may mga masamang epekto sa katawan ang ilan mga contraceptives na tinaguriang ‘mahahalagang gamot’ o essential medicines sa panukala, kahit di naman sakit ang pagkakaroon ng anak.

“Nabanggit sa bagong reproductive health bill na tanggap ang promosyon ng artificial method [ng family planning], ngunit hindi nila isinasaalang-alang ang mga masasamang epekto nito tulad ng thrombosis(pamumuo ng dugo sa mga binti na bunga ng paggamit ng oral contraceptives). Hindi rin nabanggit dito na hindi maaaring gumamit ng contraceptives ang mga buntis sa kabila ng idinudulot nitong pinsala sa uterus,” ani Moral.

READ
Pagbalik-tanaw sa kinagisnang wika

Ayon naman sa opisina ni Lagman: “Kailangang gastusan ng gobyerno ang artificial contraceptives hindi lamang para sa mag-asawa, pati na rin sa mga nangangailangan nito.”

Conscientious objection

Ang conscientious objection ay karapatang nakasaad sa Section 22-A3 ng panukalang batas kung saan maaaring tumangging mag-reseta ng anumang uri ng contraceptives ang manggagamot sa isang pasyente. Ngunit kinakailangang irekomenda nito ang pasyente sa ibang manggagamot na maaaring mag-reseta sa kanya ng pills o anumang contraceptive.

“Hindi maaaring ipagbawal ng isang manggagamot sa isang pasyente ang pagsasailalim sa ano mang reproductive health service kung kagustuhan ito ng pasyente,” ani Bb. Lagman.

Nilinaw pa niya na responsibilidad ng manggagamot na rekomendahan ang pasyente ng ibang doctor na maaring makapagbigay sa kanya ng naturang serbisyo kung kagustuhan ito ng pasyente.

Taliwas ito sa paniniwala ni Moral.

“Sa panukalang batas, maaaring sundin ang conscientious objection ngunit napipilitan ang isang tao na salungatin ang kanyang saloobin,” ani Moral. “Hindi maaaring atasan ang mga manggamot na irekomenda ang pasyente dahil sila ay mayroon ding religious freedom. Ang manggagamot ay may karapatang tumanggi sa pasyente gayundin ang pasyente na maaaring pumili ng sariling manggagamot,” giit niya.

Pagta-traydor?

Mapapansin din ang pagbabago sa Section 22 ng bagong panukalang batas, kung saan kinakailangan na ang pahintulot ng mag-asawa bago sumailalim ang isa sa kanila sa medikal na operasyon upang hindi na magkaanak. Naiiba ito sa naunang bersyon kung saan pahintulot ng isa lamang sa mag-asawa ang kailangan. Ayon sa mga kritiko, gagawin nitong traydor ang isang tao sa kanyang asawa.

Ani Moral, “ang usapin ukol sa reproductive health ay dapat magmula sa mag-asawa. Ngunit hindi nito sinasabi na tama ang desisyon ng dalawa.”

Inamin naman ni Bb. Lagman na: “Mas magiging mabuti kung ang desisyon ay manggagaling mula sa mag-asawa, dahil sila ang masusunod sa kanilang kagustuhan.”

Nakapaloob naman sa Section 22-E ang pagpaparusa sa mga taong nagpapalaganap ng malisyosong impormasyon ukol sa mga probisyon sa panukalang batas.

“May karampatang parusa ang mga taong nagpapakalat ng mga pahayag na malisyoso kapag ito ay napatunayan na sinadya,” ani Bb. Lagman.

Isa sa mga binigay na halimbawa ni Lagman ay ang diumano’y pagiging “nymphomaniac” ng mga nagpapa-ligate.

Ngunit dati nang kinondena ng mga kritiko ang probisyon na ito dahil maaari nitong gawing labag sa batas ang pagtuturo ng anumang relihiyon na bawal ang paggamit ng contraceptives.

Iba pang pagbabago

Nakapaloob sa Section 5 ng lumang bill ang pagbuo ng isang komisyon ng populasyon na magsisilbing punong ahensya sa pagtalakay sa mga usaping ukol sa reproductive health. Ngunit sa bagong bill, mas binigyan ng awtoridad ang Kagawaran ng Kalusugan sa pagpapatupad ng panukalang batas. Hindi na pinalawak pa ang tungkulin ng komisyon sapagkat isasailalim sila sa Department of Health.

READ
Upgrading the soul

Sa Section 5 at 6 ng bagong bill, mapupuna rin ang pagkakaroon ng tungkulin ng kagawaran sa pagtulong sa mga lokal na pamahalaan. Naidagdag din sa naturang mga seksyon ang probisyon na nagsasabing parehong lebel ng serbisyo ang dapat ibigay ng mga manggagamot sa mga pasyente mula sa mga lungsod at malalayong lugar.

Sa Section 18 ng bagong bersyon ng bill, ang mga kumpanya na may mahigit na 200 empleyado ay maglalaan ng reproductive health services sa lahat ng kanilang empleyado.

Dahil dito ay pipilitin ang mga relihiyosong institusyon gaya ng UST na labagin ang turo ng Simbahan at isama sa mga collective bargaining agreement ang mga libreng contraceptive.

Ayon naman kay Bb. Lagman, hindi ito nagmula sa panukalang batas kundi sa Labor Code. Nakasaad sa Article 134 ng Labor Code of the Philippines na ang mga establisimyentong inaatasan ng batas na magtayo ng mga klinika ay maglalaan ng mga family planning services sa kanilang empleyado.

“Binigyang-diin lamang ito sa panukalang batas at hindi ito nagmula sa naturang panukala,” aniya.

Sa probisyon naman ng mga multa sa Section 23 ng bagong panukala, naidagdag ang pag-aalis ng mga benepisyo sa mga kawani ng gobyerno na lalabag sa panukalang batas, na hindi kasama sa lumang bersyon.

Ayon kay Kinatawan Edcel Lagman, panahon na para ipasa ang bill dahil sa buting idudulot nito sa bayan.

“It (bill) is very important that it is passed into law because it will promote sustainable health development,” ani Kinatawan Lagman.

Para sa grupong Alliance for the Family Foundation of the Philippines, ang ganitong uri ng batas ay may saliwang mga layunin dahil babaguhin nito ang lipunan sa pangakong mababawasan ang kahirapan.

Ayon sa mga kritiko, ang pagsugpo sa kahirapan ay hindi makukuha sa madaliang paraan gaya ng pagbabawas ng anak, kundi sa pamamagitan ng edukasyon, kalusugan, at pagbibigay ng pagkakataong magtrabaho. Kung kulang ang badyet sa malaking populasyon, dapat umano’y bawasan ang korapsyon at gastusin ng tama ang salapi ng bayan.

Sabi ng Alliance for the Family sa website nito: “The appropriation of billions of pesos will contribute to further economic degradation of the nation by diverting the scarce government funds to the implementation and promotion of the population control program, rather than to education and basic social services to improve the quality of life and promote the well-being of every Filipino.” Ian Carlo B. Antonio at Monica N. Ladisla

1 COMMENT

  1. para sakin ok lng na maisabatas ang RH BILL kc nasa BIBLE naman dapat magkaroon ng plano ang isang mag asawa pra sa kinabukasan ng kanilang pamilya at kinabukasan ng ating bansa.kc sa totoo lng maraming kabataan na ngayon ang nagkakasakit sa pakikipagtalik sa iba ibang tao sa kakulangan na rin impormasyon kung panu ang tamang pakikipagtalik at kung anung paraan para makaiwas. basta mas mahalaga honest tayo sa sarili natin yan ang tunay na kiinabukasan.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.