ANO ANG koneksiyon ng pagandahan at “paistaran” sa Buwan ng Wika?

Ito ang sumagi sa isip ng mga guro ng Pamantasan nang idaos ng Kagawaran ng Wika ang patimpalak na pinamagatang “Lakan at Lakambini ng Wika 2002” noong Agosto 1 sa Medicine Auditorium.

Ito diumano ang pagpapasinaya ng Kagawaran sa Buwan ng Wika.

Bagaman ang tema ng timpalak ay “Ang Wikang Filipino Tungo sa Globalisasyon,” malinaw sa mga premyo na pagpapakababaw lamang ang pokus ng timpalak, hindi ang pagpapayaman ng wika.

Nanalo ang mga pambato ng College of Nursing na sina Eric Jim Dayrit bilang Lakan at si Karla Yoinco bilang Lakambini. Nakuha rin ni Dayrit ang best in costume award, samantalang napanalunan naman ni Yoinco ang best in talent award.

Maraming guro ang umiling-iling sa patimpalak. “Hindi yata akma ang ganitong pagkilos lalo pa kung iisipin mo na marami ang nakapupuna na patuloy ang pananamlay ng pagtuturo at pag-aaral ng Filipno sa UST,” sabi ni Prop. Ferdinad Lopez, koordineytor para sa Humanities at Literature sa Faculty of Arts and Letters. Dagdag pa ni Lopez na huling-huli na ang UST sa pagpapayaman at intelektwalisasyon ng Filipino kung itutulad sa UP, Ateneo, at De La Salle.

Matagal nang iminumungkahi ng maraming guro ang paghihiwalay ng Filipino mula sa Kagawaran ng Wika para mabigyang pansin ang pagtuturo ng wikang pambansa.

Maging ang mga guro ng Panitikan ay nagmumungkahi na mainam ang pagtatayo ng sariling Kagawaran ng Panitikan, hiwalay sa Kagawaran ng Wika, para mapabuti ang mga programa sa Panitikan.

Sinabi ng ilang guro na ang pagdaraos ng “Lakan at Lakambini” ay pagpapatunay lamang na patuloy na minamaliit ng Kagawaran ang asignaturang Filipino. Sabi ng guro na ayaw magpakilala, “Isn’t the national language trivialized by such an activity? And what about the quality of discourse on languages and literature in the University — what does such contest tell the world outside about that? UP, Ateneo, and De La Salle must be laughing at us.”

READ
Not-unjustified war

Idinaos din ng Kagawaran ng Wika ang “Talumpatian 2002” sa kategoryang Ingles at Filipino bilang paghahanda para sa pagdiriwang ng ika-400 na taon ng Unibersidad at sa pagdaraos ng Buwan ng Wika noong Hulyo 31 at Agosto 1 sa Education Auditorium.

Nanguna sa kategoryang Ingles si Claude Despabiladeras ng College of Education. Nakamit naman nina Rey Jan-Oro Bolivar ng College of Architecture at Arthur Gregory Lui ng College of Science, ang ikalawa at ikatlong puwesto.

Sa kategoryang Filipino, nakuha ni Regalado Valerio, Jr. ng Faculty of Pharmacy ang unang puwesto. Nasa ikalawa at ikatlong puwesto naman sina Melody de la Cruz ng College of Education at Florie Tudla ng College of Science.

“Ang Paghubog sa Kagalingan, Pagdamay, Katapatan at Kamulatang Pampamayanan ng Tomasino Tungo sa Taong 2011” ang tema ng paligsahan. Elka Krystle R. Requinta

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.