BUKOD sa pagkilala sa kahusayan ng mga Tomasinong mag-aaral sa malikhaing pagsulat sa pamamagitan ng Gawad Ustetika, kinilala rin ng Varsitarian ang mga Tomasinong may malaking naiambag sa panitikan at kulturang Filipino sa pamamagitan ng Parangal Hagbong.

Mula 1997, ibinibigay ito ng pahayagan kasabay ng Gawad Ustetika. Hinalaw ang pangalang “hagbong” sa isang lumang salitang galing Quezon, na siyang tawag sa isang uri ng putong na inilalagay sa ulo ng mga taong nagtamo ng malaking karangalan sa panitikan. Yari ito sa mga dahong pinagdikit-dikit at ginagawang palamuti at hiyas.

Noong unang walong taon ng parangal, isang sertipiko lamang ang ibinibigay sa mga nagkamit nito. Ngunit simula noong 2004, pinalitan ito ng mga tropeong gawa sa molave at cold cast ivory. Inihahandog ang una sa mga nabubuhay pang manunulat habang nagsisilbing tropeo para sa posthumous award naman ang pangalawa. Nililok ang mga tropeo nina Romeo Forbes at Frederick Caedo ng Artery Visual Arts Group.

Haligi ng panitikan

Sina Rolando Tinio at Rogelio Sicat ang unang pinagkalooban ng Parangal Hagbong noong 1997. Kapwa silang pumanaw bago iginawad sa kanila ang parangal.

Nakilala si Tinio, isang Pambansang Alagad ng Sining sa Teatro at Panitikan, sa pagsasalamin ng buhay sa pamamagitan ng mga dula niya gaya ng A Life in the Slums. Kaniya ring isinalin sa Tagalog ang mga dula ni Shakespeare at iba pa tulad ng The Glass Menagerie, Death of a Salesman at Waiting for Godot.

Naging tanyag naman si Sicat dahil sa kaniyang mga kuwentong tumatalakay sa diskriminasyon, tulad ng “Impeng Negro” na nanalo ng ikalawang gantimpala sa Gawad Carlos Palanca noong 1962. Nag-uwi ulit siya ng Palanca nang sumunod na taon para sa kaniyang maikling kuwentong “Tata Selo.”

Iginawad naman noong 1998 ang Hagbong kay Genoveva Edroza-Matute, itinuturing na “Ina ng Makabagong Maikling Kuwentong Filipino.” Kabilang sa kaniyang mga naisulat na akda ang “Tata More,” “Yumayapos sa Takipsilim” at “Pamumulaklak.” Nagkamit naman ng unang gantimpala sa Gawad Palanca noong 1950 ang kaniyang akdang “Kuwento ni Mabuti.”

READ
Thomasians deliver more help to storm victims

Si Jeremiah Elizalde-Navarro naman ang tumanggap ng Hagbong noong 1999. Kinilala ng Varsitarian ang kaniyang kathang sumusuri sa sining at kultura. Ngunit higit na naging tanyag si Navarro sa kaniyang mga larawang “The Seasons” (1965) at “I’m Sorry Jesus, I Can’t Attend Christmas” (1969). Itinanghal din si Navarro ng pamahalaan bilang Pambansang Alagad ng Sining sa Sining Biswal tatlong araw matapos pagkalooban ng parangal.

Kahusayan sa iba’t ibang wika

Noong 2000, tatlong Tomasinong manunulat, sina Erma Cuizon, Reynaldo Duque, at Ponciano Pineda ang pinagkalooban ng Parangal Hagbong.

Isang manunulat sa Ingles na tubong-Cebu, nailathala ang mga maikling-kuwento at sanaysay ni Cuizon sa mga magasin tulad ng Philippines Free Press, Panorama at Cebuano Harvest I. Nagwagi rin siya sa Philippines Free Press Literary Contest nang dalawang beses at sa Mariano Manguerra Literary Awards.

Naging bantog naman si Duque sa kaniyang kahusayan sa pagsulat sa wikang Ilokano, Filipino at Ingles. Nagkamit siya ng 75 gantimpala mula sa mga timpalak-pampanitikan tulad ng Palanca, Talaang-Ginto at Governor Roque Ablan Award for Iloco Literature. Nagwagi rin siya ng Centennial Literary Prize noong 1998 para sa kaniyang akdang Candon, isang pagsasalaysay sa pagsiklab ng Himagsikan sa Ilocos noong 1898.

Itinuturing naman si Pineda bilang “Ama ng Komisyon ng Wikang Filipino” dahil sa kaniyang pagsisikap na maitatag ito upang malinang ang pambansang wika. Bukod sa pagtataguyod ng modernisasyon ng wikang Filipino, nagsulat din si Pineda ng mga maikling kuwento, at dalawa rito ang nanalo ng Gawad Palanca: “Malalim ang Gabi” (1954) at “Ang Mangingisda” (1958).

Muling kinilala ang karera ni Lilia Pablo-Amansec bilang isang premyadong kuwentista nang ipagkaloob sa kaniya ang Hagbong noong 2001. Bagaman nanalo siya ng dalawang Gawad Palanca para sa mga kuwentong “Loverboy” at “Dream Tiger,” hindi na nasundan ang mga ito ng iba pang mga akda. Nawala rin ang iba sa mga isinulat niyang kuwento dahil sa kaniyang madalas na paglipat ng bahay. Noong dekada ‘70, napagpasiyahan ni Amansec na gumuhit sa kambas upang kaniyang mailahad ang mga sariling damdamin bukod sa pagsusulat.

READ
Criminals, beware! 'Big Brother' is watching

Iginawad naman ang Hagbong noong 2002 kay Dr. Bienvenido Lumbera, ang bagong Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, bilang pagkilala sa kaniyang mga pagkilos tungo sa malawakang paggamit ng wikang Filipino. Isang halimbawa rito ang kaniyang paghikayat sa iba’t ibang mga unibersidad sa bansa na magtatag ng mga kagawarang magpapaunlad sa pag-aaral at paggamit ng pambansang wika.

Tumanggap naman si Delia Coronel, ICM, ng Hagbong noong 2003 dahil sa kaniyang pangangalap at paglalathala ng iba’t ibang mga kuwentong-bayan at alamat ng Pilipinas. Pinangunahan din niya ang mga mananaliksik na kumalap sa epiko ng mga Maranao, ang Darangen. Kasalukuyang pinuno si Coronel ng Mamitua Saber Research Center Folklore Division ng Mindanao State University sa Marawi.

Huling pagpupugay

Tulad noong 2000, tatlong manunulat din ang ginawaran ng Hagbong noong 2004. Kabilang dito ang mga namayapa nang sina Nick Joaquin at Wilfrido Nolledo. Kinilala rito ang mahabang karera nina Joaquin at Nolledo bilang mga mahusay na Pilipinong manunulat sa Ingles.

Naging tanyag si Joaquin, na itinanghal na Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan noong 1976, dahil sa mga akdang “The Woman Who Had Two Navels” at “A Portrait of an Artist as a Filipino.” Pinuri naman ng mga kritiko si Nolledo dahil sa kaniyang “eksperimentasyon” sa pagsasalaysay sa nobelang But for the Lovers.

Pinarangalan din sa taong iyon ang makatang si Ben Villar Condino upang muling gunitain ang kaniyang mga kontribusyon sa panulaang Filipino matapos siyang tumigil sa pagsusulat nito sa loob ng 27 taon. Bukod sa dalawang beses na kinilala bilang Makata ng Taon (1951 at 1967) ng Surian ng Wikang Pambansa, pinarangalan din siya ng Gintong Pamana Awards Foundation noong 2003 para sa kaniyang kagalingang-pampanitikan. Sa kasalukuyan, mayroon siyang dalawang nailathalang kalipunan ng mga tula, ang Puera Biro 1 at 2.

READ
Youth urged to achieve global progress

Tatlong Tomasino ang pinagkalooban ng Parangal Hagbong noong 2005: sina Francisco Sionil-Jose, Dr. Magdalena Sayas, at ang pumanaw na si Zenaida “Bibot” Amador.

Tinanghal na Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan noong 2001 si Sionil-Jose, na naglabas din ng 16 na libro ng mga nobela, maikling kuwento at kalipunan ng mga tula. Si Sayas naman ang gumawa ng kauna-unahang diksyunaryong Chavacano at abala rin siya sa pagsulat ng mga akda sa Espanyol, Filipino at Ingles tulad ng Retorikang Pilipino, kung saan siya naging kasamang awtor ni Simplicio Bisa ng De La Salle University. Bukod sa pamamahala ng mga dula, nagsulat rin si Amador ng mga sanaysay at akdang-kritisismo sa teatro; kabilang dito ang Exits and Entrances at Contemporary Philippine Theater.

Para sa taong ito, sina Adoracion “Doris” Trinidad-Gamalinda at Gloria Garchitorena-Goloy ang pagkakalooban ng Hagbong sa ika-22 Gawad Ustetika. Kapwa silang mga dating kasapi ng Varsitarian at naging matagumpay sa larangan ng pamamahayag at malikhaing pagsulat.

Patuloy na ibibigay ng Varsitarian ang Paragal Hagbong sa mga Tomasinong may naiambag sa panitikang Filipino. Nagsisilbi itong patunay na hindi natatapos ang pagpugay sa mga manunulat sila ma’y lumipas, ilang taon mang magdaan.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.