IPINAGKALOOB ang kauna-unahang Gawad Jose Villa Panganiban (Gawad JVP) sa isang Tomasino na nag-ambag sa pag-unlad ng wikang pambansa sa kaniyang pagtuturo ng kimika sa wikang Filipino.
Tinanggap ni Fortunato Sevilla III, dating direktor ng Office for Research and Development at dekano ng College of Science, ang unang Gawad JVP noong ika-18 ng Agosto sa Rizal Conference Hall, St. Raymund’s Building.
“Natatandaan ng mga estudyante ang lecture sa Filipino dahil mas madali nila itong maintindihan. Isang sabi, madali ang pasok kaysa sa Ingles. May nagkuwento sa akin na kapag Ingles, ilang beses pa silang mag-iisip bago nila maintindihan [ang talakayan],” ani Sevilla.
Ayon pa sa kaniya, mahalaga ring maintindihan ang agham ng mga taong hindi nakapag-aral sa mga unibersidad upang hindi maloko ng mga taong marunong mag-Ingles.
Ang gawad ay ibinibigay sa mga propesyonal na nag-ambag sa intelektuwalisasyon at pag-unlad ng wikang Filipino.
Si Sevilla ay pinili nina Imelda De Castro, tagapangulo ng Departamento ng Filipino, Alvin Ringo Reyes, guro sa College of Tourism and Hospital Management at Zendel Taruc, guro sa College of Nursing.
Ayon rin kay De Castro, mula sa tatlong pinagpilian nilang dalawang propesor at isang administrador, si Sevilla ang nangibabaw.
Ang parangal ay ipinangalan kay Jose Villa Panganiban, tinaguriang ama ng Varsitarian at dating tagapangulo ng Surian ng Wikang Pambansa, sapagkat ayon kay De Castro, si Panganiban ang nanguna sa pagtataguyod ng wikang pambansa at nagsulong sa paggamit ng wikang Filipino.
Sa susunod na taon, ang parangal ay ipapangalan kay Genoveva Edroza Matute, at sa 2012 ay kay Alejandro G. Abadilla.
Ang Gawad Jose Villa Panganiban ay alinsunod sa tema na “Buwan ng Wikang Pambansa: Sa Pangangalaga sa Wika at Kalikasan, Wagas na Pagmamahal Talagang Kailangan,” na nakasaad sa panukalang ibinigay ng Commission on Higher Education. Patricia Isabela B. Evangelista at Kalaine Nikka Kay C. Grafil