AGAD na naagapan ng mga security force at bumbero ang sunog sa laboratoryong ginagamit ng Faculty of Pharmacy sa Botanical Garden noong Agosto 25.
Ayon sa Security Affairs Office, 12:30 ng madaling araw nang napansin ng mga guwardyang rumoronda ang usok na lumalabas sa gusali kaya agad nila itong pinasok.
“Nakita namin ‘yung usok sa may garahe (ng mga pari). Sa amoy pa lang, alam na naming may sunog,” ani Joel Gomez, isa sa mga guwardyang nakatuklas sa apoy.
Aniya, hindi kaya ng fire extinguisher kaya humingi sila ng tulong mula sa Sampaloc Fire Station. Umabot sa third danger level ang sunog dahil sa mga kemikal sa laboratoryo.
Agad rumesponde ang mga bumbero at nasugpo ang apoy eksaktong 1:30 ng madaling araw.
Ayon kay Engr. Oliver Gagarin ng Buildings and Grounds (B&G) , hindi nagamit ang firetruck ng UST dahil hindi pa nabubuo ang 24-hour fire brigade ng Unibersidad kaya wala ang operator nito.
“Wala lang ‘yung mag-ooperate,” ani Gagarin.Ayon naman kay SFO1 Gaudencio Magallanes, Jr., arson investigator ng Bureau of Fire Protection, wala namang nasaktan sa insidente ngunit tinatayang nasa P70,000 ang halaga ng mga gamit ang napinsala.
Sa ngayon, wala pang resulta ang imbestigasyon dahil naudlot ito ng malakas na ulan.
Sa kabilang dako, pina-evacuate naman ang mga estudyante sa Beato Angelico dahil sa makapal na usok na nagmula sa faculty room ng College of Fine Arts and Design (CFAD) noong tanghali ng Agosto 20.
Pumutok ang isang transformer ng ilaw ngunit hindi naman nagkasunog, ani Gomez.
Ayon kay Gagarin, matagal nang problema ang mga “defective” transformer ngunit ngayon lang nag-ingay ang smoke detector kung kaya pinalabas ang mga estudyante mula sa gusali.
Isinusulong ngayon ng B&G ang pagpapalit ng lahat ng transformer sa naturang gusali.