DUMALAW ang halos 20 delegado ng Federation of Asian Bishops’ Conferences (FABC) sa UST bilang bahagi ng kanilang ika-siyam na pagpupulong na may temang “Living the Eucharistic Mystery.”
Bumista ang mga obispo, kasama ang mga madre mula sa Vietnam, Taiwan, at India, sa mahigit 10 parokya sa Pilipinas, kabilang ang Santisimo Rosario sa UST. Kasabay ng kapistahan ng Our Lady of the Assumption, idinaos ni Arsobispo Albert D’souza ng Agra, India ang isang misa sa UST.
Sinamahan siya nina Arsobispo Ignatius Suharyo Hardioatmodio ng Semarang, Indonesia; Obispo Athanasius Schneider, ang auxiliary bishop ng Karaganda, Kazakhstan; Obispo Nicholas Mang Thang ng Hakha, Myanmar; Obispo Carlito J. Cenzon, CICM, Obispo ng Baguio; Obispo Peter Nguyen Van Kham auxiliary bishop ng Ho Chi Minh, Vietnam; P. Franz-Josef Eilers SVD, executive secretary ng Office of Education and Faith Formation, at ni vice rector Pablo Tiong, O.P. ng UST.
Ikinagalak ni D’souza ang pagkakataong makapunta sa Pilipinas at makapagdaos ng misa kasama ang mga Tomasino.
“In India where we are a minority, our survival is a craft due to differences in culture and religion. We came here to pray for this country and the whole Christian community,” ani D’souza. “We are called to journey in faith together with Mary.”
Umawit para sa misa ang UST Symphony Orchestra at ang Conservatory of Music Chorale sa pamumuno ni Herminigildo Ranera. Kumanta rin ang UST Singers sa isang maliit na salu-salo para sa mga obispo pagkatapos ng misa sa Central Seminary kasama ang mga opisyal ng Unibersidad.
Nagpunta rin ang ang mga delegado sa UST Museum kung saan ipinaalam sa kanila ang mga plano ng Pamantasan sa darating na ika-400 taong anibersaryo sa 2011.
Isang boluntaryong samahan ng mga obispo ang FABC sa Asya, na naglalayong patatagin ang Katolisismo sa bawat bansa sa lupalop.