ANG DISIPLINA at dedikasyon ay dalawang mahalagang bagay na dapat taglay ng isang nagnanais magsulat, ayon sa isang premyadong manunulat.
Pinamagatang “Panulat at Kape,” isang seminar sa pagsusulat ang ibinahagi ni Ricky Lee noong ika-11 ng Pebrero sa Beato Angelico Audio-visual Room.
Si Lee ay nagbahagi ng kaniyang buhay bilang isang manunulat at ang mga aral na kaniyang naging gabay sa pagsusulat.
“Dinidisiplina ko lagi ang sarili ko. Mayroon akong ritwal araw-araw kung saan nagsusulat ako. Kung ikaw ay isang manunulat, kailangan mong araw-arawin ito… Kung manunulat ka, paghinga ang pagsusulat. Hindi ka maaaring tumigal magsulat dahil ikaw ay isang mangangatha,” aniya.
Ang pagsusulat ay hindi na kasing hirap kung ikukumpara noon dahil sa teknolohiya ng Internet na siyang nagsisilbing tulay ng mga kabataan, dagdag ni Lee.
“Natanggal na lahat ng mga harang, pantay na. [Ngayon,] democratized na. [Kasi] noong panahon namin, kapag may sinulat ako at may nagsulat ng critique, siya yung sole authority kasi pagmamayari niya yung ispasyo sa dyaryo at wala akong pagkakataon na sumagot maski sumulat man ako sa patnugot, wala akong magagawa kasi wala akong kapangyarihan pero ngayon two-way na,” ani Lee.
Kasabay ng pagbabago ng panahon ay ang pag-usbong ng maraming estilo ng pagsusulat upang matugunan ang iba’t ibang panlasa ng mga mambabasa. Ngunit sa kabila ng mga pagbabagong ito, mayroon pa ring mga pamantayan sa pagsusulat na hindi nababago o mababago ng panahon gaya ng balarila.
“Oo, sumusuway ako sa mga batas ng balarila ngunit bago ‘yun, pinag-aaralan ko muna. Kailangan mo munang pag-aralan bago mo labagin ang isang bagay, hindi ka maaaring lumabag ng isang bagay na hindi mo alam. Nasa edad kayo na kailangan alamin niyo 'yung mga batas… Maaring pagsabayin ang pag-aaral at paglabag sa mga batas,” ani Lee.
Ayon kay Lee, ang isang magaling na manunulat ay kinakailangang marunong makinig nang mabuti at mapagmasid sa kaniyang mga karanasan.
“Kung nabuhay ka ng may sampung karanasan ngunit hindi mo binigyang-pansin, wala kang naramdaman o hindi ka naapektuhan at ikukumpara ka sa taong isa lang ang karanasan ngunit binigyang pansin niya ito at niyakap, mas may pagkakataon siyang maging manunulat,” ani Lee.
Ang pagsusulat ay inihalintulad ni Lee sa isang kahon—mayroong mga limitasyon—ngunit ang mga batas, panahon, at kagustuhan ng mga mambabasa na nagkakahon sa pagsusulat ang mismong nagpapaganda sa isang akda.
“Isang pakahulugan ng mahusay na pagsusulat ay ang pagsalungat sa mga bawal. Sa palagay ko walang masasabing magandang akda kung walang mga bawal. Kaya nagiging maganda ang akda ay dahil may binbangga ka,” ani Lee.
Para kay Lee, mahalaga ang relasyon ng manunulat sa kaniyang mga mambabasa dahil sila ang nagbibigay pakahulugan na bubuo o tatapos sa akda.
“Tinuturing kong parang asawa ang aking mga mambabasa, isang kabastusan na hindi ko papakinggan ‘yung asawa ko. Napakamakasariling magsulat ng magsulat ng hindi iniisip ang mga mambabasa,” aniya.
Ngunit ang sukatan ng isang magandang akda ay namamagitan lamang sa nagsulat at kaniyang isinulat.
“Depende kung papaano mo susukatin ang tagumpay, may ibang mga taong sinusukat ang tagumpay sa katangian ng trabaho nila–tugma sa pinaniniwalaan nila at sa paniniwala ng mga taong pinaniniwalaan nila. Kahit na hindi bumenta, kahit na hindi mailabas sa merkado, kung pakiramdam niya ay maganda ‘yung akda niya, tagumpay na ‘yun,” ani Lee.