Naglabas kamakailan lamang ang Commission on Higher Education (CHEd) ng Memorandum Order No. 20 Series of 2013 (CMO 20-2013) na may titulong “General Education Curriculum: Holistic Understandings, Intellectual and Civic Competencies (GEC),” na nagsasaad na alisin ang mga minor subject sa kurikulum ng kolehiyo sa taong 2016 upang magbigay daan sa pagpapaigting ng kaalaman ng mga mag-aaral sa mga major o teknikal na kurso na may kaugnayan sa Agham at Teknolohiya., na siya namang naging dahilan sa pagtanggal ng English, Math, General Psychology, Economics at Filipino.
Ayon kay Herminio Coloma Jr., kalihim ng Presidential Communications Operations Office, noong Hunyo 19, bunsod ng kagustuhang gawing rasyonal ang curriculum ng bansa ang desisyong isama ang Filipino subject sa listahan ng mga aalising asignatura sa pagpapatupad ng programang K to 12 nang sa gayon, hindi maging paulit-ulit ang mga aralin sa grade 11 at 12.
Bukod pa rito, nakasaad din sa kautusan na ang kolehiyo na ang bahala na magdesisyon kung wikang Ingles o Filipino ang gagamitin bilang midyum ng pagtuturo sa mga mag-aaral.
Ayon naman kay Aurora Batnag, presidente ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino, Ink. (PSLLF), isang malaking pagkakamali ang aksyong ito na sa kolehiyo inalis ang Filipino sapagkat ito ang antas kung saan mayroon nang mas malawak na kaisipan ang mga mag-aaral upang mas matanggap, maintindihan, matanggap at mahalin ang kultura at panitikan ng bansa.
“Sa mas mataas na antas ng edukasyon nagaganap ang intelektuwalisasyon ng wika na kailangan para lubusang magamit ang wikang ito sa lahat ng antas at disiplina,” aniya.
Samakatuwid,malinaw na naisasawalang bahala sa kautusan ng CHEd ang pagpapayabong at pagmamahal hindi lamang sa wika kung hindi pati na rin sa kultura at kasaysayan ng bansa.
Noong nakaraang Hunyo, naglabas ang National Commission for Culture and the Arts' National Committee on Language and Translation (NCCA-NCLT) at PSLLF ng petisyon hinggil sa CMO 20-2013 sa pangunguna ni David Michael San Juan, propesor ng Filipino mula sa Pamantasang De LaSalle.
Ayon sa petisyon, taliwas sa Artikulo XIV, Seksyon 6 ng Konstitusyon 1987 kung saan nakasaad na ang gobyerno ang dapat na gumawa ng aksyon upang mapanatili ang paggamit ng wikang Filipino bilang midyum ng instruksyon at pakikipagtalastasan sa edukasyon ng bansa.
Dagdag pa rito, taliwas din ito sa College Readiness Standards na nakapaloob sa Resolusyon No. 298 ng CHEd na naglalayong pag-ibayuhin ang pag-aaral ng Filipino sa kolehiyo.
Ayon sa pag-aaral ng NCCA-NCLT, humigit kumulang 10,000 hanggang 20,000 na mga propesor ang mawawalan ng trabaho dahil sa CMO 20-2013.
Sumusoporta ang lahat sa pagnanais ng gobyernong maki-ayon sa mabilis na pagtakbo ng globalisasyon. Kailangan nating humabol, kailangan nating sumabay. Subalit hindi ibig sabihin nito na unti-unti nating ibabasura ang pagpapayaman sa sariling wika.
Hindi kailanman magiging hadlang ang Filipino sa pagkatuto. Hindi sagabal ang siyam na yunit ng Filipino sa pag-aaral kaya hindi ito sapat upang maging dahilang alisin ito sa kolehiyo. Tila nakaligtaan ng CHEd na wikang Filipino ang kailangan ng mga Filipino upang lubos na makilala ang kanilang sarili at pagkakakilanlan nang hindi tuluyang madala sa mabilis na agos ng globalisasyon.
Bagaman maganda ang layunin ng CHEd na gawing “science-based” ang edukasyon, dapat isaalang-alang na hindi lamang matematika, agham at teknolohiya ang nagpapabilis sa pag-unlad ng isang bansa. Wika ang nagpapatakbo sa bayan. Kinakailangan na magkaroon muna ng malawak na kaalaman sa sariling wika upang higit na makapagpahayag at makipagtalastasan gamit ang wikang banyaga.
Dahil sa kautusan ng CHEd, hindi lamang pagpapahalaga sa sariling wika ng mga Filipino ang nababawasan kung hindi pati na rin ang kanilang pagkakataon upang lubos na makilala ang kanilang kultura at pagkatao.
Sa pagsisikap ng CHEd na ihanda ang mga mamamayan sa globalisasyon, sa pag-unlad, sa pakikipag-ugnayan sa mga bansa na malakas ang industriyalisasyon, nakaligtaan ang pagmamahal at pagtangkilik sa sariling bayan. Sa pagpapatupad ng CMO 20-S. 2013, higit na nanaisin ng mga Filipino na umalis ng bansa sapagkat tanging ang kakayahan nila ang hinasa at hindi ang pagnanais na maglingkod sa Inang bayan.
Magbubunsod ang kautusang ito ng pagtatakwil sa wikang Filipino dahil sa kaisipang tanging Ingles ang wika ng globalisasyon at tagumpay, at Filipino ang wika ng kahirapan. Na tanging mga dukha lamang ang nakatatalos at gumagamit ng wikang Filipino, na Ingles ang kailangang maging wika ng isang tao upang maituring siyang may alam at mabigyan ng mataas na pagpapahalaga sa lipunan.
Sa halip na pahintulutan ng pamahalaan ang pag-alis ng Filipino sa kolehiyo, dapat pag-ukulan ng pondo at suporta ang mga proyekto ng iba’t ibang institusyon tulad ng mga seminar o ang paglilimbag ng mga libro tungkol sa wika, kultura at kasaysayan. Nakapanlulumo ang kalagayan ng wika sa bansa. Maraming taon na ang nakalipas mula nang magkaroon ng wikang pambansa ngunit kabi-kabila pa rin ang pagtatalo hinggil sa wika. Ngunit kailanman, hindi magiging sapat ang pagkakaroon ng wikang pambansa kung walang gumagamit. Magpapatuloy ang pagsusulong, ang pagpapayabong, ngunit dahil sa ingay na dala ng usapin, walang nagkakaintindihan, walang nagkakarinigan sapagkat magkakaiba ang wikang ipinaglalaban.