DINALUHAN ng mga guro, estudyante, at alagad ng sining ang “Pambansang Kumperensiya sa Wika” at ang “SAWIKAAN: Mga Salita ng Taon 2012” noong Setyembre 20 hanggang 22 sa Ateneo de Manila University.
Ang una at ikatlong araw ng komperensiya ay inilaan para sa mga panayam at workshop tungkol sa iba’t ibang kasalukuyang isyu ng pagtuturo—ang papel ng wikang Filipino sa K to12, mga reporma sa pagtuturo ng Filiipino, at mga hamon sa produksiyon ng bagong materyales pang-edukasyon.
Sa ikalawang araw naman ng komperensiya, inilunsad ang SAWIKAAN: Mga Salita ng Taon 2012. Isa-isang inilahad ng magkakatunggali ang kanilang lahok na salita.
Binigyang pansin nina Christoffer Mitch Cerda at Aristotle Atienza, kapuwa propesor sa Ateneo, ang technological terms na “Wifi” at “Android.”
Ayon kay Cerda, ang salitang Wifi ay bunga ng salitang “Internet.”
“Bukod sa pinadadali ng Wifi na makakonek sa Internet, pinadadali nito ang ibang gawain sa araw-araw… Binago na nito ang ating paraan ng pakikipag-ugnayan sa isa’t isa,” ani Cerda.
Ayon naman kay Atienza, ang Android ay nangangahulugan sa diksyunaryo na isang robot na anyong tao. Sa kasalukuyan, aniya, walang totoong Android o robot na kabuuang anyong tao, ngunit ang tinutukoy ng salitang Android ay isang operational system na nagpapahintulot sa mga taong mag-multi-task, dahilan kung bakit makauugnay ang mga Pilipino sa salitang Android.
“Natitiyak [ang Android] hindi sa kakayanan nitong magmukhang tao ngunit sa kakayanan nitong maging daan upang makagawa ng ipinag-uutos ng tao,” ani Atienza.
Mayroon ding mga lahok na salitang kadalasang naririnig sa radyo, telebisyon, at iba pang anyo ng media.
Ang “Pick-up Line,” anumang pahayag na nagsisimula bilang isang pag-uusap ng hindi pa magkakilalang lalaki at babae, ay lahok nina Rachelle Joy Rodriguez at Wennielyn Fajilan, propesor sa Faculty of Engineering ng Unibersidad.
“Depende sa intensiyon at sa bisa ng linya, maaaring [ihanay ang Pick-up Line] bilang isang hirit, banat, cheesy o korny, green joke at ‘pagbasag’,” ani Rodriguez.
Ang “Trending,” isang pagkilatis sa pagiging mahalaga at napapanahon ng mga salita, ay lahok ni Louie Jon Sanchez, propesor ng Ateneo.
“Ang trending ay walang katapusan at nadaragdagan sa araw-araw na diskurso sa Internet,” ani Sanchez.
Natatangi naman ang lahok na “Fish Kill” ni Maria Lourdes San Diego-McGlone mula sa University of the Philippines (UP)-Marine Science Institute, na tumalakay sa kalagayan ng yamang-dagat ng Pilipinas. Ayon kay McGlone, ang bansa ay unang nakaranas ng malawakang fish kill noong Pebrero 2002 sa Bolinao, Pangasinan.
“Importante ang salitang Fish kill dahil isang malaking sakuna sa lokal na ekonomiya ang ang fish kill, na dapat maunawaan natin kung paano ito nangyayari upang makatulong na maiwasan ang probabilidad na maulit ito,” ani McGlone.
Hindi rin nagpahuli ang mga terminolohiyang naging matunog sa mga isyu ng gobyerno.
Nariyan ang “SALN” ni Jelson Estrella Capilos, nagtapos ng Literature sa Unibersidad, at “Impeachment” ni Yolando Jamendang, propesor sa Ateneo.
Ang acronym na SALN para sa Statement of Assets, Liabilities, and Net worth ay binigyang kalikhaan ni Capilos sa pagpapamalas ng iba pang maaaring pagpapakahulugan sa mga letrang S-A-L-N: “Sa Accountant at Lawyer Nakasalalay,” “Si Aquino Laging Nambu-bully,” “Sinotto Ang Lahat ng Nabasa at Narinig,” at iba pa.
Ayon naman kay Jamendang, ang Impeachment ay pangngalang mayroong tatlong kahulugan—isang pormal na proseso ng pagsasakdal sa isang mataas na opisyal ng pamahalaa, teleserye ng totoong buhay ng mga politiko, at hakbang sa repormang politika na may diin sa aktibong pakikibahagi ng mga mamamayan
Sa kabila ng maraming lahok na mga salitang may impluwensiya ng Ingles, hindi nagpahuli ang mga katagang Filipino.
Lahok ni Mark Benedict Lim, propesor sa Ateneo, ang salitang “Wagas”—dalisay, matapat, at walang halong pag-iimbot o pagsasamantala.
Ayon kay Lim, sa kasalukuyan, ito ay nagiging isang pahayag na lamang ng labis na pagkamangha o hindi kinakaya ng karaniwang damdamin.
“[Ngayon,] wala ng wagas sa pagsasabi ng wagas,” ani Lim.
Lahok naman ni Elyrah Salanga, propesor sa UP, ang salitang “Palusot” na aniya’y nahahati sa dalawang bahagi na “pa–“ at salitang-ugat na “lusot” na nangangahulugang paglahad sa makipot na butas, siwang o puwang, o anumang maaring daanan, pagtatagumpay sa isang suliranin, at palihim na pag-aabot ng bagay sa sinuman.
“Sa lahat ng lahi sa mundo, isa ang mga Pilipino sa patuloy na humaharap sa maraming suliranin… Samakatuwid, masasabing ang mga Pilipino ay bihasang-bihasa na pagdating sa palusot,” ani Salanga.
Salita ng Taon
Ang “Wangwang” ni David Michael San Juan, propersor sa De La Salle Univeristy (DLSU) ang siyang hinirang sa salita ng taon.
Ayon kay San Juan, ang salitang Wangwang, sa kasalukuyan, ay maaari nang gamitin bilang pang-uri, pangngalan, at pandiwa.
“Ang salitang ito (wangwang) ay may potensiyal na magpakilos… Sa pamamagitan ng pagbibigay diin sa bagong kahulugan nito, ang wangwang bilang pag-iingay, pagrereklamo, pangangampanya, [at] panawagan,” ani San Juan.
Sa pagtatapos ng presentasyon, ibinida ni San Juan ang bigat ng salitang wangwang sa ating bansa at kamalayan.
“Sa pangkalahatan, iniligtas tayo ng salitang wangwang sa luma nating sakit na pagsasawalang bahala sa mga usaping bayan,” ani San Juan.
Nagtabla naman sa ikalawang gantimpala sina Joselito de los Reyes, propesor sa Faculty of Engineering ng Unibersidad, para sa salitang “Level-up” at John Enrico Torralba, propesor sa DLSU, para sa salitang “Pagpag.”
Ayon kay De los Reyes, nararapat na maging salita ng taon ang level-up dahil lahat ng tao’y nakauugnay rito.
“Ang level-up ay pagpapataas o pagpapaunlad sa nasusukat na antas ng buhay… Lahat tayo ay naghahangad [ng pag-level-up],” ani De los Reyes.
Nagkamit din si De los Reyes ng gantimpala bilang pinakamalikhaing presentasyon ng lahok na salita.
Ang pagpag, ayon kay Torralba, ay mayroong diksyunaryong kahulugang pagwasiwas, pag-alog, at pagtampal nang paulit-ulit upang maalis ang duming nakadikit. Ngunit sa kasalukuyan, ang salitang pagpag ay tumutukoy sa scavenger food o pagkaing hinahalungkat mula sa basura upang kainin o pagkakitaan.
“Poverty has forced them (mahihirap) to do so,” paliwanag ni Torralba.
“Jejemon” ang hinirang na Salita ng Taon nang nakaraang taon.
Ang Sawikaan: Salita ng Taon ay nagsimula noong 2004 at taunan nang ginanap hanggang 2007. Dito, hinirang ang mga salitang Canvass (2004,) Jueteng (2005,) Lobat (2006,) at Miskol (2007.)
Ayon kay Almario, sa apat na taon ng Sawikaan ay napuna ng mga alagad ng sining na ang mga nagwawaging Salita ng Taon ay hindi mga orihinal na salitang Filipino. Dahil dito, nabuo ang komperensiyang Ambagan na itinaguyod ng FIT upang bigyang pagkakataon ang mga diyalekto sa bansa na mag-ambag ng mga orihinal na salita sa kanilang diyalekto na walang tumbas sa Filipino, mga salitang may kaparehong bigkas sa Flipino ngunit iba ang kahulugan. Ang Ambagan ay tugon sa 1987 Constitution: Article VIV, Section 6: “The national language of the Philippines is Filipino. As it evolves, it shall be further developed and enriched on the basis of existing Philippine and other languages.”
Taong 2009 inilunsad ang Ambagan at ang sumunod na taon ay ginugol naman sa Sawikaan: Salita ng Taon. Simula noon ay taun-taong naghahalili ang dalawang komperensiya.
Ang Salita ng Taon ay pinagdedesisyunan ng mga kinatawan ng FIT.
Samantala, ang pinakamahusay na presentasyon ay pinagbobotohan ng mga dumalo sa pamamagitan ng secret balloting.
Pormal na inihandog ang komperensiya sa mga dumalo sa pambungad na pananalita na kinabibilangan nina Romulo Baquiran, tagapamahalang direktor ng Filipinas Institute of Translation, Inc. (FIT), Maria Luz Vilches, dekano ng Paaralang Humanidades sa Ateneo, at Galileo Zafra, direktor ng komperensiya.
Ang komperensiya ay nilahukan ng mga alagad ng sining tulad nina Virgilio Almario, National Artist for Literature, Michael Coroza, secretary general ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (Umpil), at Vim Nadera, nagsilbing guro ng palatuntunan.
Ang komperensiya ay itinaguyod ng FIT, Wika ng Kultura at Agham, Inc. (WIKA), National Commission for Culture and the Arts (NCCA,) Paaralang Humanidades: Mga Paaralang Loyola, Pamantasang Ateneo de Manila, National Book Development Board (NBDB,) at Commission on Higher Education (CHED).