WAGI sa iba’t ibang kompetisyon sa Asya ang ilan sa mga mag-aaral ng Conservatory of Music matapos makatanggap ng mga parangal sa iba’t ibang larangan ng musika.

Nakatanggap ang Coro Tomasino ng tatlong parangal sa kauna-unahang Institut Teknologi Bandung International Choir Competition sa Indonesia mula Hulyo 29 hanggang Agosto 1.

Nakuha nila ang isa sa mga silver awards sa Mixed Choirs – Historical Programs category, habang dalawa naman sa mga gintong parangal ang nasungkit ng Coro sa mga kategorya ng Mixed Choirs–Free Programs at Folksong Choir.

Kapwa naman nag-uwi ng mga gold at silver award mga piano majors na sina Jaenna Catherine Peralta at Elaine Sara Lim. Sina Peralta at Lim ang mga tanging kinatawan ng Pilipinas sa 2010 Asian International Piano Academy and Festival sa Ewon Cultural Institute sa Cheonan, South Korea, noong Hulyo 23.

Kasama rin nila sa naturang bansa si Raul Sunico, dekano ng Conservatory of Music, bilang gurong kinatawan ng bansa na nagbigay din ng master class sa Ewon Cultural Institute.

“Gusto ko lang na kunin ‘yung pagkakataon na matuto at maranasang makapagtanghal sa entablado,” ani Lim.

Nauna nang nagwagi si Lim ng ikatlong parangal sa Category C ng Beethoven Piano Concerto Competition sa Piano Teacher’s Guild of the Philippines noong Hulyo 13, kung saan siya ang tanging kinatawan ng Unibersidad sa naturang kompetisyon.

Samantala, tatlo sa 100 na nakuhang miyembro ng Asian Youth Orchestra sa Hong Kong ay mga Tomasino.

Sina Linwell Lalic (tumutugtog ng French horns), Vince Nico Ocampo (bassoons), at Vincent dela Cruz (double basses) ang mga nakapasok sa pinaka-prestihiyosong pre-professional orchestra sa Asya. Rommel Marvin C. Rio

READ
UST Hospital: 'We do not have anything to hide'

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.