DAHIL sa pananakop ng mga Hapones sa Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ipinag-utos noong ika-23 ng Hunyo 1943 ang pagtuturo ng wikang Hapon sa lahat ng antas ng paaralan sang-ayon sa noo’y Department of Public Instruction.

Ayon sa kautusan, kinakailangang maglaan ng 20 minuto kada araw sa pagtuturo ng wikang Hapon sa mga guro. Naging bahagi naman ng kurikulum sa Unibersidad ang pagtuturo ng Niponggo upang payagan ng militar na magbukas muli ang klase sa UST noong 1942.

Sa parehong taon ding ito ginawang internment camp ang UST, kung saan humigit-kumulang 2,500 na sibilyan ang pinanatili sa loob ng kampus. Ang mga gusali sa loob ng Unibersidad tulad ng Main Building at ang gusali sa likod nito na tinatawag noon na Domestic Arts Building, at Gymnasium ay ginamit upang gawing tirahan ng mga internee.

Sa kasalukuyan ay itinuturo na lamang ang wikang Hapon sa College of Tourism and Hospitality Management.

Tomasino siya

Alam n’yo bang isang Tomasino ang kauna-unahang Filipinong nagwagi nang dalawang beses sa kilalang Diamond International Awards na nilalahukan ng mga jewel designers mula sa iba’t ibang bahagi ng daigdig?

Siya ang kilalang jewel designer na si Juliette Dizon, na isinilang noong 1943, nagtapos sa UST High School at sa noo’y College of Commerce and Accountancy.

Pinarangalan siya noong 1980, 1991, at 1994 hindi lamang sa Pilipinas kundi pati na rin sa ibang bansa tulad ng Pransiya.

Sa edad na 12, nagsimula siyang tumulong at magmasid sa pagpapalakad ng Golden Earring, ang negosyo ng kanilang pamilya. Taong 1978 nang magpasya siyang magtayo ng sarili niyang negosyo, ang Jul B. Dizon Jewellery. Alinsunod ito sa kaniyang pangalan nang sa gayon ay makamit niya ang pagtitiwala ng kaniyang mga kliyente.

READ
PT, OT evaluated for re-accreditation

Naging inspirasyon ni Dizon ang kalikasan at ang musika sa pagdidisenyo ng mga alahas gamit ang diyamante, esmeralda, rubi, perlas, at iba pa.

Dahil sa natatangi niyang mga disenyo, unti-unti siyang nakilala hindi lamang sa Pilipinas kundi pati na rin sa ibayong dagat. Nagwagi siya ng iba’t ibang parangal gaya ng Presidential Award, Diamonds Award, Fifth Shamshin International Diamond Jewelry Awards, at Asian Facet Award. Higit pa siyang hinangaan nang mapagtagumpayan niya ang Diamond International Awards. Dito ay tinalo ng kaniyang disenyo ang mahigit dalawang libo pang gawa ng mga jewel designer sa buong mundo kabilang na ang Paris, New York, at Japan.

Sa kasalukuyan ay may tatlong branches ang Jul B. Dizon Jewellery sa buong bansa—sa Lungsod Quezon, EDSA Shangri-La sa Mandaluyong, at Peninsula Hotel sa Makati.

Sumakabilang buhay si Dizon noong ika-8 ng Disyembre 2009 sa edad na 66 dahil sa sakit na lymphoma.

Tomasalitaan:

lagíit (png)-langitngit

Halimbawa: Dinig na dinig sa buong kabahayan ang lagíit ng mesa nang ipatong ni Delia rito ang mga kalderong ginamit sa pista.

Mga Sanggunian:

The Varsitarian Breaktime Magazine: Tomo 4 Blg. 1, Mayo 2006

De Ramos, N. V. I Walked With Twelve UST Rectors. Central Professional Books, Inc., 2000

1 COMMENT

  1. May kakulangan at kamalian ang pagsasaliksik tungkol sa artikulo tungkol sa pagturo ng Hapon sa unibersidad.
    Ang paglagay ng Nippongo sa kurikyulum ng UST noong 1943 ay isang bagay na inilagay ng pamahalaang Laurel at hindi ng administrasyong Hapon bagama’t maari niyong sabihin na “puppet government” lamang ang nasabing pamahalaan. At kahit nung pinayagan magbukas ang ilang mga klase noong 1942 ay wala pa ang requirement na ito.
    At hindi ibinabanggit ng inyong reporter na bagama’t isinara ang UST sa Sampalok bilang isang Internment Campo nung 1942, ginamit ng mga Dominikano ang campus sa Intramuros bilang eskwelahan mula 1942 hanggang Setyembre, 1944. Ito ay isang pangkaraniwang maling-akala na ang kampus ay sarado noong panahon ng Hapon.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.