SA PANAHON ng Internet, social networking sites at new media, mas naging kapansin-pansin ang pagwawalang-bahala ng mga Pilipino sa wikang Filipino. Karamihan sa atin ay pipiliing gumamit ng Ingles, nasa tamang anyo man o hindi, upang maipakita na “matalino at may pinag-aralan” ang isang tao. Ang iba naman ay gumagamit ng sariling wika, ngunit ibinaon naman ang halaga nito sa mga numero at pagpapaikli gaya ng mga nasa text messages. Ngunit ang pinakamasahol sa lahat ay ang karaniwang kasanayan nating mga Pilipino na hindi maalis sa ating mga dila—ang “Taglish.”
Sa “wikang” ito, na madalas ding tawagin na “Engalog,” “English Carabao” o “ka-conyo-han” (kung may kasama itong maarteng punto), pinaghahalo ang wikang Filipino at Ingles upang makipag-usap sa ibang tao. Sa totoo lamang, ang ganitong pagsasalita ay nakasusuklam. Hindi na nga natin maitama ang ating Ingles, hindi pa natin magawang galangin ang ating sariling wika.
Kung titignang maigi, ito ay negatibong dulot na rin ng ating pagiging magiliw sa mga banyaga. Sa ating pagpupumilit iangkop ang mag sarili natin sa mga tagalabas, aangkinin natin at pag-aaralan ang sarili nilang lengguwahe, dahilan upang minsan, makalimutan ang ating sariling wika.
Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit mas mataas ang tingin ko sa mga bansang napananatili ang sarili nilang kultura, kagaya na lamang sa Japan. Sa kanilang bansa, dapat ikaw ang matuto ng kanilang wika at mga kaugalian dahil ikaw ang makikiangkop sa kanila. Sa gayong paraan, napoprotektahan nila ang kanilang tradisyon at ang kanilang pagkakakilanlan.
Ating tanungin ang ating mga sarili: sino nga ba tayo? Tayo ba ay mga Amerikano o isang lahing may bansang ang wika ay tinatawag na Taglish?
Noong 1936, sa unang Asembleyang Pambansa ng Komonwelt, inatasan ni Pangulong Manuel Quezon sina Jaime De Veyra at ang Surian ng Wikang Pambansa (ngayo’y Komisyon sa Wikang Filipino) upang pag-aralan ang pagbuo ng isang wikang pambansa sa bisa ng Batas Komonwelt Blg. 184. Matapos ang isang taon, bumuo ng rekomendasyon ang Surian, na siya namang nilagdaan ng pangulo bilang Batas Tagpagpaganap Blg. 134 at inanunsiyo ito noong ika-30 ng Disyembre 1937.
Habang napili ang Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa, may isa pang mensaheng gustong iparating ang Ama ng Wikang Pambansa. Hindi lingid sa ating kaalaman na maraming diyalekto ang Pilipinas at noong panahon niya kung kalian nais ibalik ng bawat Pilipino ang soberanya sa ating mga kamay, naisip ni Quezon na hindi natin ito magagawa kung hindi tayo magkakaisa—at hindi tayo magkakaisa kung tayo-tayo, hindi magkaintindihan.
Ang wika ay hindi lamang basta-basta gamit para sa komunikasyon. Ang wika ay may layuning panatilihing buhay ang ating kultura, buo ang ating pagkakakilanlan at matatag ang ating nasyonalismo. Sa “pagsira” natin sa wikang Filipino, para na rin nating sinira ang ating bansa at pinatay ang ating pagkatao.