Nangitlog na ang inahin sa aspaltong kapatagan.
Umusbong ang mga rosas at nalanta
sa panlilisik ng mga mata ng araw.
Nakawala sa piitan ang mababangis na hayop.
Ang mga leon ay nag-amok sa kahabaan ng riles
samantalang ang mga tigre ay nag-alburuto sa ilalim ng tulay.
Ang kalsada ay pinagharian ng mga kabayong naggigitgitan
upang makarating sa salapong ng pagkain.
Namahay sa mga gusaling nilulumot
ang mga pabong nagtutukaan
at mga buwayang nanlalamuyot.
Lulan ng sasakyan ang mga unggoy
na nangangalam ang mga palad.
Sementadong kagubatan ang siyudad
kung saan mga punong karton ang tirahan
ng mga ibong pumapagaspas
patungo sa paraisong hindi
matagpuan.
Montage Vol. 11 • September 2008