BILANG isa sa mga kauna-unang pahayagang pangmag-aaral sa bansa, ang Varsitarian ang siya ring nanguna sa pagkakaroon ng seksyong Filipino sa mga unibersidad sa Maynila.
Nagsimula sa baybay na “Pilipino” noon, ang seksyong Pilipino ay unang nailathala sa ikapitong isyu, tomo 41 ng Varsitarian noong ika-23 ng Hulyo, 1969. Ito ay naglalaman ng mga maikling kuwento, sanaysay, tula, at malayang pagkukuro.
Ayon sa patnugot ng seksyong Pilipino noong 1969 na si Roberto Cruz, pinatunayan ng seksiyon na ang pangkampus na panitikan sa ating sariling wika ay hindi nanghihina, bagkus ay lalo pang lumalakas.
Naging inspirasyon ng seksyon ang makatang si Clodualdo del Mundo dahil sa kaniyang pagsusumikap na mapaunlad ang panitikang Filipino. Naglathala rin siya ng aklat na pinamagatang “Mula sa Parolang Ginto,” isang katipunan ng kaniyang mga komentaryo ukol sa lipunan, bagay na nagustuhan naman ng patnugot na si Cruz.
Ika-29 ng Enero taong 1970 nang maglathala ang Varsitarian ng isang natatanging isyu para sa pagdiriwang ng linggo ng pamantasan, kung saan ang buong pahayagan ay nakasulat sa wikang Filipino. Ang isyung ito ay bilang handog sa tema ng pamantasan noon na “Malikhaing pamiminuno,” na nararapat mailathala sa wikang Filipino dahil patungkol ito sa pagiging makabayan, ayon kay Hernando Gonzalez, dating manunulat ng Varsitarian.
Makalipas ang limang buwan ay muling nagkaroon ng mga lathalaing nasusulat sa wikang Filipino ang Varsitarian.
Ang iba pang unibersidad tulad ng Ateneo de Manila University ay may hiwalay na pahayagan sa Filipino na kung tawagin ay Matanglawin, na sinimulan noong 1975, habang ang De La Salle University-Manila naman ay mayroong Ang Pahayagang Plaridel na itinatag noong 1984.
Sa kasalukuyan, ang seksyong Filipino ay nananatiling buhay at masigla sa ika-82 na taon ng Varsitarian, na lumalabas sa iba’t ibang anyo tulad ng “Usapang Uste,” na tungkol sa mga natatanging kuwento at pangyayari sa Unibersidad; “Guryon,” na bukas sa lahat ng Tomasinong nais magbahagi ng kanilang natatanging karanasan at mga napagtanto ukol sa isang pangyayari o usapin; “Batingawan,” isang natatanging-ulat tungkol sa mga napapanahong pangyayari o isyu sa loob at labas ng Unibersidad; “Suring Basa,” na sumusuri sa mga bagong lathalang aklat na nasusulat sa wikang Filipino; “Tampok,” na nagtatampok sa mga natatanging Tomasinong personalidad; at “Tatak Pinoy,” na sumasalamin sa tradisyunal at kontemporaryong kulturang Filipino.
Tomasino Siya
Alam n’yo bang isang Tomasino ang utak sa likod ng sikat na pantanghaling programa na “Eat Bulaga”?
Tinaguriang “Ama ng Eat Bulaga,” si Antonio Tuviera ay nag-aral sa UST ng Architecture ngunit hindi niya ito tinapos dahil napagtanto niya na ang kaniyang hilig ay nasa paggawa ng mga palabas sa telebisyon.
Pagkalipas ng limang taon ay nagbalik si Tuviera sa Unibersidad upang mag-aral ng kursong Mass Communication habang nagtatrabaho sa Channel 13. Ngunit dahil sa aktibismo ng mga mag-aaral nang taong iyon ay hindi rin niya natapos ang kurso.
Taong 1976 nang magtrabaho si Tuviera sa Production Specialist, ang grupong nagpapalabas ng mga laro ng Philippine Basketball Association (PBA).
Makalipas ang tatlong taon, mula sa mungkahi ng dating kongresistang si Romeo Jalosjos, binuo ni Tuviera kasama ng iba pa ang “Eat Bulaga”.
Sa ikalawang taon ng “Eat Bulaga” ay nalugi ito dahil sa kalaban nitong palabas sa RPN-9 na “Student Canteen”. Maituturing na isang himala ang nangyari sa palabas nang naging patok ang kanilang patimpalak sa sayawan na tinawag na Macho Man.
Mula sa isang problema ng Production Specialist sa PBA, nagbunga ito ng pamumuno ni Tuviera sa TAPE Inc.
Mula pa noong 1980’s, ang TAPE Inc. ay nagpapalabas ng mga drama sa hapon tulad ng “Valiente” at “Kirara”.
Sa kasalukuyan, si Tuviera ang pangulo at chief executive officer ng TAPE Inc., habang ang “Eat Bulaga” ay 31 na taon nang namamayagpag sa ere.
Tomasalitaan:
Imis (png) – ngiti
Halimbawa: Ang pagod at puyat na iginugol ni Carmela sa pag-aaral ay nagdulot sa kaniya ng imis dahil sa mataas na gradong kaniyang nakuha.
Mga Sanggunian:
The Varsitarian: Breaktime. Tomo 3 Blg. 1, Abril 2005
The Varsitarian: Tomo XLI, Blg. 7, Hulyo 23, 1969
The Varsitarian: Tomo XLII Blg. 54, Hunyo 18, 1971