Dibuho ni Jilson Seckler C. TiuMATAPOS mapasailalim ang Unibersidad sa puwersang Amerikano noong 1945, marami sa mga sundalong banyaga ang nag-aral ng mga asignaturang liberal arts sa UST nang walang bayad.

Alinsunod sa kautusan ng noo’y Chief of the Department of Information of the Liberation Forces, nabigyan ng pagkakataong makapag-aral ang mga sundalong Amerikano habang hindi pa sila naitatalaga sa ibang lugar. Sa kondisyong may mga gurong kusang-loob na magtuturo sa mga sundalo, agad na isinaayos ng noo’y Rektor P. Eugenio Jordan, O.P. ang mga asignaturang nais pag-aralan ng mga sundalo.

Namangha ang mga nagsilbing guro sa programa, na binubuo ng mga pari at laymen, dahil sa ipinakitang masidhing pagnanais ng mga sundalo na matuto, patunay na ang pagdalo ng mga ito sa klase nang walang liban sa kabila ng pinagdaanan ng mga ito sa katatapos lamang na Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Bagaman hindi pa lubusang handa ang Unibersidad sa pagbubukas muli ng klase dahil sa tinamo nitong pinsala sa digmaan, pinatunayan ng mga sundalong Amerikano na hindi ito hadlang upang sila’y matuto.

Tomasino siya

Alam n’yo bang isang Tomasinong manananggol at mamamahayag ang tinaguriang “alagad ng mga layuning liberal”?

Isinilang noong ika-28 ng Nobyembre, 1891 sa Mandurriao, Iloilo, nakilala si Gregorio Perfecto dahil sa kaniyang mga pananaw na libertaryano, malikhaing pagsusulat, at mga sumasalungat na mga opinyon sa Korte Suprema.

Nagtapos ng abogasya sa UST, naging manunulat din si Perfecto sa mga pahayagang La Vanguardia at Consolidacion Nacional, dalawa sa mga pangunahing peryodiko sa bansa noon. Taong 1919 nang maging patnugot siya ng La Nacion, kung saan naging kontrobersiyal ang kaniyang pangalan dahil sa kabi-kabilang pagtuligsa sa mga mapang-abusong kawani ng pamahalaan.

READ
Thomasians pay tribute to true Master

Taong 1922 nang maging kinatawan siya ng Mababang Kapulungan, kung saan nanungkulan siya ng anim na taon. Bagaman naging biktima ng polio noong 1931, hindi ito naging hadlang upang patuloy siyang makapaglingkod sa bayan. Isa si Perfecto sa mga kongresistang naghain ng mga batas na makabubuti sa kalagayan ng mga manggagawa at sa pagkaroroon ng karapatang bumoto ng mga kababaihan.

Naging bahagi rin si Perfecto ng kasaysayan nang mapabilang siya sa Constitutional Convention noong 1935, kung saan pumirma siya gamit ang sariling dugo.

Makalipas ang sampung taon, itinalaga siya ni Pangulong Sergio Osmeña sa Korte Suprema, kung saan nanungkulan siya hanggang 1949. Sa kasaysayan ng Korte Suprema, siya lamang ang hukom na nakapagtala ng mas maraming salungat na opinyon kaysa sa pangunahing opinyon.

Si Perfecto rin ang naghain ng batas upang hindi lagyan ng buwis ang suweldo ng mga hukom.

Taong 1949 nang namatay si Perfecto dahil sa sakit. Bagaman matagal nang pumanaw, nananatiling buhay ang alaala ni Perfecto matapos isunod sa kaniyang pangalan ang Gregorio Perfecto High School na matatagpuan sa Tondo, Maynila. Danalyn T. Lubang

Tomasalitaan:

nepnep (png) – tag-ulan

Halimbawa: Hindi na nagtaka si Bb. Rosales nang magkasakit ang ilan sa kaniyang mga mag-aaral dahil sa panahon ng nepnep ngayong buwan.

Mga sanggunian:

De Ramos, N. V. I Walked With Twelve UST Rectors. Central Professional Books, Inc., 2000

“Gregorio Perfecto.” Academic Dictionaries and Encyclopedias. N.p., n.d. Web. 24 Nov. 2010. <http://en.academic.ru/dic.nsf/

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.