NAKASALALAY sa Academic Senate ng Unibersidad ang permanenteng pananatili ng Filipino at Panitikan bilang bahagi ng kurikulum sa kolehiyo.
Mananatili ang mga asignaturang ito sa taong akademiko 2019-2020 dahil nasa status quo ang kurikulum dito ngunit wala pang kasiguraduhan ang pananatili nito sa susunod na mga taon.
Malaki ang papel ng magiging desisyon ng Academic Senate kung sakaling ibasura ng Korte Suprema ang inihaing liham-protesta ng grupong Tanggol Wika laban sa Commission on Higher Education (CHEd) Memorandum Order 20.
Naghain ng liham-protesta ang grupo noong ika-10 ng Hunyo, dahil sa umano’y “hindi patas” na pagbasura ng Korte Suprema sa kanilang motion for reconsideration sa pagtanggal ng Filipino at Panitikan sa kolehiyo.
Noong ika-9 ng Nobyembre 2018, tinanggal ng Korte Suprema ang temporary restraining order sa CHEd Memorandum Order (CMO) 20 Series of 2013 na nag-aalis ng 15 yunit ng kursong Filipino at Panitikan sa core subjects sa kolehiyo.
Ayon kay Alvin Reyes, tagapangulo ng Departamento ng Filipino, maaaring mapatagal ang pananatili ng mga asignaturang ito depende sa gagawing aksiyon ng Unibersidad.
“Mapananatili ang Filipino at Panitikan sa kurikulum kung gagamitin ng unibersidad ang pagiging autonomous nito sa pagtatakda ng sariling kurikulum lampas sa minimum na kahingian ng [Commision on Higher Education],” wika ni Reyes sa isang panayam ng Varsitarian.
Dagdag pa niya, hindi lang dapat gawing core general education (GE) ang mga ito, kung hindi gawin din itong elektib.
Ayon naman kay Joselito de los Reyes, tagapangulo ng Departamento ng Literatura, kailangang mapagtibay sa institusyon ng Unibersidad ang mga asignaturang ito upang malayo sa panganib ang pananatili nito.
“‘Yong institutionalization na binabanggit ay dapat may sinasabi na ito ay bahagi na ng GE o ito ay elective. [M]atagal na proseso ‘yan at inihaharap sa maraming lupon. [‘Y]ong kalagayan ng Filipino at saka ng Literature, parang pareho. Kailangang ma-institutionalize,” sabi niya.
Positibo ang pananaw ni de los Reyes sa magiging estado ng Filipino at Panitikan sa darating na mga taon dahil naniniwala siyang hindi babalewalain ng UST ang ilang dekadang pagtataguyod nito sa Filipino at Panitikan.
Para naman kay Chuckberry Pascual, coordinator ng programang Creative Writing sa Fakultad ng Sining at Panitik, walang dapat ipangamba tungkol sa kalagayan ng Panitikan sa Unibersidad dahil sa kasaysayan ng pamantasan sa larangan ng pagtataguyod at pagpapayabong dito.
“Kinikilala ng Unibersidad ang naging papel nito sa pagkahubog ng tradisyong pampanitikan, dahil nagtapos sa atin sina Bienvenido Lumbera, Rolando Tinio, at iba pa,” wika niya.
Ayon naman kay Wennie Fajilan, direktor ng Sentro sa Salin at Araling Salin sa Unibersidad, nararapat na lalong paigtingin ng Unibersidad ang Filipino at patuloy itong linangin para sa pundasyon ng estudyante sa larangan ng wika at kultura.
“[I]sulong ang pagpapalalakas pa ng posisyon ng UST bilang tagapanguna sa paglinang at pagtataguyod ng wikang pambansa, integral dito ang mga hakbang sa pagpapanatili ng mga kurso sa Filipino at Panitikan sa kolehiyo,” sabi niya.
Dagdag pa niya, isinusulong din nila ang paggamit ng Filipino sa pagtuturo ng GE alinsunod sa panukala ng CHEd.
Ayon kay Prop. Cheryl Peralta, vice rector for academic affairs, nasa proseso pa ng paggawa ng institutional policy ang Unibersidad para sa magiging kurikulum sa Taong Akademiko 2020-2021 at sa susunod pang mga taon.
Holistikong edukasyon
Iginiit ni de los Reyes ang matagal nang pagtataguyod ng Filipino at Panitikan sa Unibersidad.
“Napakalalim ng tradisyon natin e, ‘yong ating birthright, ang dami nating na-produce na magagaling na alagad ng sining, sa Filipino gano’n din. [B]ahagi ‘yon ng ating holistikong approach sa bawat mag-aaral na… dapat alam niya kung anong mundo mayroon ang UST na kayang ibigay sa kaniya at bahagi roon ang Panitikan at Sining,” giit ni de los Reyes.
Pinangunahan ng mga Dominikong misyonaryo ang pagtuturo ng katekismo sa Filipino noong 1587.
Itinatag ng UST ang Departamento ng Filipino noong 1937 kung saan ang Ama ng Varsitarian na si Jose Villa Panganiban ang unang tagapangulo.
Taong 1941 nang magkaroon ng Department of National Language at kursong Bachelor of Literature in National Languages.
Maging ang Sentro ng Salin, sa tulong ng Komisyon sa Wikang Filipino, ay inilunsad sa UST noong 2018.
Wika naman ni Pascual, saan mang larang ng pag-aaral, mahalaga ang pagkakaroon ng matatag na pundasyon sa humanidades.
“Kung mawawala ang panitikan, mababawasan na rin ang paghubog sa estudyante na matutong makipagkapuwa [at] magpahalaga sa bayan. Malaki ang papel ng panitikan sa pagkabuo natin bilang bayan… at nakakalimutan yata ng Korte Suprema papel na ito ng Panitikan at bilang implikasyon, ng wika, sa ating bayan, sa ating pagka-Filipino,” sabi ni Pascual.
Binigyang-diin ni Reyes na mahalaga ang papel ng Filipino sa pagbuo ng identidad ng mga estudyante dahil naka-ugat dito ang kanilang pagkamakabayan.
“[K]ung pananatilihin ang Filipino, pinatutunayan lamang nito ang malasakit nito sa uri ng mga estudyanteng ibubunga ng pamantasan. May hustong pagka-Filipino dahil matibay ang pagkakakilala sa identidad at buo ang kaakuhan. Handa at nakatalagang maglingkod sa bayan,”
Winika naman ni Fajilan ang pagiging mabuting ehemplo ng Unibersidad sa pagpapanatili ng mga asignaturang ito na inalis na ng ibang mga unibersidad at kolehiyo.
“[M]ay kasaysayan ang UST na kusang nagtataguyod ng pagsusulong ng pambansang wika bago pa man o sa kabila ng mga patakaran ng pamahalaan. [M]alaking advantage sa UST ang pagtindig para sa Filipino… higit nilang mapapahalagahan ang edukasyong Tomasino, dahil ito rin ay isang edukasyong maka-Filipino,” wika ni Fajilan.
Tanggol Wika
Hinimok ni Roberto Ampil, dating tagapangulo ng Departamento ng Filipino sa Unibersidad at miyembro ng Tanggol Wika, ang mga mambabatas na bigyang-pansin ang kasalukuyang isyu sa pagpapanatili ng Filipino at Panitikan sa kolehiyo.
“Ang laban na lang dito na maka-Filipino ay sa Kongreso, it’s about time na pakinggan tayo ng Kongreso, ng ating mga mambabatas ay gumawa ng batas na talagang sisiguro at titiyak doon sa posisyon, sa lagay ng Filipino kasi mahinang-mahina siya eh,” giit ni Ampil.
Wika naman ni Jonathan Geronimo, guro sa Filipino sa Unibersidad, hindi bababa sa 10,000 guro sa Filipino at Panitikan ang mawawalan ng trabaho dahil sa naging desisyon ng Korte Suprema.
May ilang mga unibersidad na tinanggal ang Filipino at Panitikan sa kolehiyo bago pa man ilabas ng Korte Suprema ang pinal na desisyon.
Kabilang dito ang Ateneo de Davao University, Ateneo de Naga University, Adamson University, Centro Escolar University-Manila, St. Louis University (Baguio), Tarlac State University, National Teacher’s College, University of Visayas-Cebu, University of the East-Manila and –Caloocan, Central Mindanao University (Bukidnon), St. Therese MTC-Colleges (Iloilo), Holy Name University-Tagbilaran, Davao del Norte State College at Caraga State University (Butuan City).
Iginiit ni David San Juan, convenor ng Tanggol Wika, na maraming mga argumento ang hindi binigyang-pansin ng Korte Suprema sa inihain nilang motion for reconsideration noong Nobyembre 2018.
Ayon sa kanilang liham-protesta, inabuso ng (CHEd) ang kapangyarihan nito at hindi pinakinggan ang mga ahensiyang pangwika katulad ng Komisyon sa Wikang Filipino at Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining.
Ayon sa inilabas na resolusyon ng Korte Suprema noong ika-5 ng Mayo, nabigo ang Tanggol Wika sa pagbibigay ng “substantial argument” upang kontrahin ang CMO 20.